Sa Kaunting Panahon

By Gerard E. Distor
Fiction

Isa, dalawa, tatlo . . . apat . . . lima . . . Malapit na. Kaunting panahon na lang . . .

Sadyang napakalambot ng mga palad mo, mahal kong ina. Dama ko ang init na humahaplos sa maliit kong katawan. Dinig ko ang matamis at walang katulad mong boses. Kay sarap pakinggan habang ako’y natutulog.

“Mila, ano na ang balak mo d’yan?”

Sandali, kaninong boses iyan? Tila magkahawig sa tinig mo, Ina. Ngunit bakit tila galit?

“Sandali lang, Nay. Pinag-iisipan ko pa.”

Ah, boses pala iyon ng aking lola. Sadyang napakagandang tinig din, katulad ng sa ’yo, Ina. Hindi na ako makapaghintay na masulyapan ang magaganda ninyong mukha.

Isa, dalawa, tatlo . . . apat . . . lima . . . Apat na buwan na lang, mahal kong ina.

Aray! Napukaw ako mula sa aking mahimbing na pagkatulog.

“Mila, gumising ka na. Nariyan na si Aling Mining.”

Ha? Malalim na ang gabi, ngunit ginigising ka ni Lola. At sino naman si Aling Mining?

“Nay, di ba sabi ko pag-iisipan ko pa?”

“Ngunit hanggang kailan, Mila? Maglilimang buwan na ’yan at bakat na sa iyong damit.”

Bakit tila lumalakas ang boses ni Lola? Ano’ng nangyayari?

“Bilis na, Mila. Naghihintay si Aling Mining.”

“Ngunit, Nay . . .”

“Wala nang ngunit-ngunit. Kailangan na nating ipalaglag ’yan. Nakakahiya na sa mga kumare ko. Baka malaman na nilang disgrasyada ka.”

Ano? Bakit? Bakit gusto ninyo akong mawala, Lola? Mahal kong ina, ipagtanggol mo ako. Huwag mong hayaang gawin nila ito sa akin.

Apat na buwan na lang, Ina, at lalabas na ako. Apat na buwan na lang at masusulyapan ko na ang maganda mong mukha at ang pagmamahal sa iyong mga mata. Apat na buwan na lang!

“Bilis na, Mila!”

Mahal kong ina, bakit tila ika’y umiiyak? Sinasaktan ka ba nila? Huwag mong hayaang saktan ka nila. Huwag mong hayaang mawala ako sa ’yo. Ipaglaban mo ang sarili mo. Ipaglaban mo ako!

“Sige,” isang salitang namutawi sa iyong bibig.

Bakit ka pumapayag, Ina? Hindi ka ba nasasabik na makita ako? Hindi ka ba nasasabik na marinig ang boses ko, mahawakan ang kamay ko, at mahagkan ako? Hindi mo ba ako mahal? Hindi mo na ba ako mahal?

Aray! Araaaay! Bakit nanlalambot ang maliit kong katawan? Ano’ng nangyayari, mahal kong ina? Bakit?

Advertisement