Halimaw sa Dilim

By Adrian B. Arendon
Poetry

“Tulong! tulong! tulong!”
‘Yan ang naisambit ko kahit namamaos,
Bago nangyari ang akin sanang katapusan.
Pinilit kong mabuhay ulit nang normal,
Ngunit hindi mawaksi sa aking isipan
Ang mga pangyayaring kay brutal.

Sa aking pag-iisa sa madilim na eskinita,
Bumubulong siya sa aking tainga,
Ipinahihiwatig sa paraang hindi kaaya-aya
Na ang buhay ko’y walang halaga.

Sa aking mahimbing na pagtulog,
May dumudugong mga kamay na gumagapang
At unti-unti akong pinalilibutan at sinasakal.

Sa aking malalagim na bangungot,
Tumatakbo ako nang paulit-ulit at walang tigil
Palayo sa isang nakaputing t-shirt at nakamaong na shorts.

Habang papalapit siya nang papalapit,
Namukhaan ko ang kanyang mukha.
Bigla akong nagising at tumingin sa salamin,
Nakatakot siya pagkat mukha niya’y mukha ko.

Advertisements