Bahaghari

By Bryant Lee Niervo Morales
Fiction

“Tanggap ka ba ng Diyos, Ma?”

Waring nabingi ang tenga ng ina sa tanong ng anak. Sa kasagsagan ng paghuhugas ng pinggan ay nilingon niya ang bata na siya namang gumagawa ng gawaing bahay. Nagtaka siya kung bakit nito naitanong, at wala sa huwisyong tanong din ang kaniyang naisagot. “Bakit?”

“Hindi raw po kasi makakapunta sa langit ang mga bakla . . . eh bakla rin po ako.” Matapang na nilakbay ng bata ang makulay ngunit mapanganib na mundo sa kaniyang isipan. Ni walang takot na itinahi niya ang komplikadong palaisipan sa ulo ng ina.

Hindi nakasagot ang ina at ipinagpatuloy na lamang ang ginagawa. “Alam mo, Juan, magsulat ka na lang ng pangalan mo diyan. Baka makalimutan mo na may ‘Junior’ sa hulihan ng pangalan. Naku, di magiging kumpleto ’yang pangalan mo kapag walang ‘Junior’! May regalo ka sa ’kin pag tama!”

Gumuhit ang ngiti sa labi ng bata.

“Juan Dela Cruz Senior,” ang basa ng bata na ngayo’y dalaga na sa lapida ng ina. Waring gumuhit ang ngiting naglakbay sa kaniya tungo sa nakaraan. “Noon, Ma, tinatanong ko pa kung saan galing ang pangalan ko at kung bakit may ‘Junior’ sa hulihan,” bulong niya habang pinupunasan ang lapida ng ina. “Ikaw talaga, Ma, napakamalihim mo.”

Mapait na ngiti ang namutawi sa kaniyang mga labi nang matuklasan ang katotohanan. At habang umaagos ang luha’y napatanong siya sa kaniyang inang nakatago sa lilim ng bahaghari, “Kumusta ka na sa langit?”

 

Advertisement