Nababalot pa rin ng lagim ang paligid habang sinusulat ko ito. Kagabi lang, isang improvised explosive device ang sumabog dito sa Isulan, Sultan Kudarat, habang nasa kalagitnaan ng pagdiriwang ang bayan ng founding anniversary nito. Isang ina at isang batang babae ang nasawi, isang binata ang nasa kritikal na kondisyon, at halos apatnapu ang sugatan. Nang suyurin ng kapulisan ang paligid, dalawang bomba pa ang nakita at kinailangan nilang paputukin.
Mga dalawang daang metro lang ang bahay namin mula sa national highway. Sa lapit namin at sa lakas ng pagsabog, kumalantog ang aming bubong. Nasa isang kainan ang aking kapatid, mga isandaang metro mula sa ground zero. May iba pa akong kamag-anak na nasa labas din ng panahong iyon at papunta o nakaalis na sa pinag-iwanan ng bomba. Wala mang nasaktan sa aming pamilya, sakmal kami ng pagkagimbal. Hangad ng mga terorista na makapatay ng maraming tao. Hindi lang pag-atake sa mga partikular na tao kundi sa buong bayan ang nangyari. Nalagay sa panganib ang buhay ng lahat ng naninirahan dito at mga namamasyal mula sa mga karatig-bayan.
Nagmula rin dito sa Isulan ang tatlo sa labing-anim na manunulat na tampok sa isyung ito ng Cotabato Literary Journal. Tiyak kong natabunan din ng lungkot at takot ang kasiyahang dulot ng pagkapili ng mga akda nila. Lima naman ang lumaki o nag-aaral sa Tacurong, ang component city ng Sultan Kudarat at isa sa mga lugar sa Mindanao na may pinakamaraming insidente ng pambobomba. Tiyak kong alam nila ang nararamdaman ng mga taga-Isulan. Galing na sa ibang bahagi ng rehiyon ang walong iba pa.
Pawang edad labingwalo o mas bata pa ang labing-anim na manunulat. Nakalaan sa mga kabataan ang isyung ito bilang pasasalamat sa pakikiisa nila sa mga gawaing pampanitikan sa rehiyon. Sa ikalawang taon nitong journal, na ikalawang taon din ng mga lokal na samahan ng mga manunulat, nagpatuloy ang pag-organisa ng mga pagbabasa ng tula at pagtatanghal ng spoken word poetry, mga patimpalak sa pagsusulat, mga panayam, at iba pang kaugnay na aktibidad, at mga mag-aaral sa senior high school at junior high school ang marami sa mga nakilahok. Kailangang bigyan ng kaukulang pagkilala ang kanilang ambag.
Maganda ring mas makilala ng mga mambabasa ang mga umuusbong na pangalan sa panitikan ng rehiyon. Indikasyon na epektibo at may saysay ang anumang pagkilos kapag may mga bagong talentong natutuklas. Magsisilbi ring inspirasyon ang labing-anim na manunulat sa iba pang kabataan upang linangin ang kanilang kakayahan sa pagsusulat man o ibang larangan.
Dahil sa nangyaring trahedya sa tinitirhan kong bayan, napaisip ako sa papel ng panitikan, partikular na ng Cotabato Literary Journal, sa ating lipunan. Naging mapagbago naman ang journal. Sa unang taon nito, nakatulong ito upang mapanatiling buhay at matatag ang lokal na panitikan. Inilimbag dito ang mga pinarangalan at “the best” na gawa ng mga manunulat sa rehiyon. Sa ikalawang taon, naging instrumento ang journal upang maging mas masigla ang lokal na panitikan. Inilaan ang ilang isyu sa mga gawa at grupong hindi madalas pagtuunan ng pansin—mga gawang isinulat ng kababaihan, mga gawang isinulat para sa mga bata at kabataan, mga gawang nakasulat sa mga pinaghalong wika, at iba pa. Sa ikatlong taon, dapat sigurong higitan pa ang mga natamo. Dapat na bigyan ng mas malawak na espasyo ang mga gawang tumatalakay sa mga mabigat at masalimuot na pangyayari sa ating paligid.
Kinansela na ng lokal na pamahalaan ng Isulan ang lahat ng programa at palabas sa piyesta, maliban sa Thanksgiving Mass. Isang kabalintunaan ang tanawin sa labas. May mga nakasabit na banderitas sa itaas, ngunit walang tugtog ng banda o masayang musika. Puno ang gilid ng kalsada ng mga tolda ng ukay-ukay, kagamitan, at pagkain, ngunit halos mga nagbabantay lang ang makikitang tao. Umaga na, ngunit hindi pa rin lumilisan ang gabi.
Jude Ortega
Agosto 29, 2018
Pahabol: Ang binatang nasa kritikal na kondisyon ay binawian na rin ng buhay.