By Mubarak M. Tahir
Fiction
So magatos ba tu a badas na di nin den mabago so paniniwala ko kano ginawa ko. Nasambiyan so mga di kaaya-ayang galbekan ko, ganito ako den. Dahil kung aden bo gamut sa petalon ninyong sakit ay nawget ko den ginamot, ugayd na wala . . .
*
Habang nakatayo sa harap ng salamin, napansin ni Rashid na hindi maayos ang pagkakatali ng malong sa kaniyang beywang. Itinali niya ulit ito hanggang makagawa ng isang malaking laso. “Kanisan!” bulong niya sa sarili habang nakangiti. “Ganda!”
“Watamama!” malakas na tawag sa kaniya ng kaniyang ama. “Nginan? Sasama ka o hindi?”
“Dakapan, E’ma!” sagot niya. “Sandali na lang ’to.”
Habang pumipilantik ang mga daliri, marahan niyang inilagay sa beywang ang mga kamay, at bahagya niyang itinaas ang balikat at baba. Naglakad siya na nakatingkayad. Huminto siya, kumaway-kaway, at ngumiti na halos abot tenga. Lumingon sa kanan at muling ngumiti. Lumingon naman sa kaliwa, ngumiti, at kumaway-kaway ulit. Inikot niya ang buong kuwarto na sumasadsad ang laylayan ng malong, iniimadyin na nasa entablado siya, napapalibutan ng maraming ilaw na iba’t iba ang kulay habang hinihiyawan at pinapalakpakan ng mga tao. Muntikan na siyang matisod nang may kumatok.
“Uway!” gulat niyang sigaw. “Andiyan na ako!”
Mabilis niyang inalis ang malong na nakapalupot sa beywang, at muli niyang tiningnan ang sarili sa salamin. Huminga siya nang malalim. Tumayo siya nang maayos, matikas, at matapang na para bang handang makipagsuntukan. Saka muling huminga at napalunok.
Papunta sa padiyan si Rashid at ang kaniyang e’ma upang mamili para sa paghahanda sa unang araw ng Ramadhan. Dahil binata at nasa tamang gulang na siya, kinakailangan na niyang mag-ayuno bilang pagsunod sa pananampalatayang Islam. Habang sakay ng kalabaw ang dalawa, nakatawag-pansin kay Rashid ang tunog ng kulintang at agong. Ilang buwan na rin ang lumipas nang huli niyang marinig ang tunog ng mga ito, nang magkaroon ng pagdiriwang ng kasal sa padiyan.
Labis ang tuwa ni Rashid sa tugtog, at hindi niya namamalayang umiindayog na ang kaniyang katawan at pumipilantik ang mga daliri. Mula sa pagkayuko, iniangat niya ang kaniyang mukha. Nanigas bigla ang kaniyang kamay nang hampasin ito ng kaniyang e’ma. “Watamama!” Nanlilisik ang mga mata nito. “Gusto mong ipaguyod ko seka sa kabaw?”
Ang mga daliri ni Rashid na sumasayaw sa hangin ay biglang nawalan ng lakas. Tanging sakit na natamo mula sa ama ang tanging nararamdaman niya. Ang kaniyang nakaangat na mukha ay muli nang yumuko habang pilit na itinatago ang kaniyang luha sa sulok ng kaniyang mga mata.
Magtatanghali na nang marating nila ang padiyan. “Allahu Akbar! Allahu Akbar!” isang panawagan sa pagdarasal sa Dhuh’r para sa tanghali. Bago tuluyang mamili ay dumaan muna sila sa masjid sa padiyan upang magdasal.
“Mag-wudhu ka muna bago pumasok,” paalala ng kaniyang ama habang itinataas ang laylayan ng kaniyang pantalon upang maghanda para sa pag-a-abdas.
Naunang matapos sa pag-abdas ang kaniyang ama kaya nauna na rin itong pumasok sa masjid. Habang naghihintay na matapos ang ilan sa pag-a-abdas, nakatayo si Rashid sa gilid ng balon na pinagsasalukan ng tubig. Hindi siya mapakali sa mga oras na iyon. Sa kaloob-looban niya ay binabantayan siya ng lahat ng mga taong nasa kaniyang paligid, lalo’t lalaki lahat ang mga ito. Gusto niyang sundan ang kaniyang ama na nasa loob na, ngunit hindi pa siya nakapag-abdas. Mas lalong hindi siya napakali nang narinig niya ang usap-usapan ng ilang kalalakihan sa kaniyang likuran.
“Astaghfirullah!” sambit ng isang lalaki. “Bayot pala ang anak ni Kagi Tasil.”
“Uway!” tugon ng isang matandang lalaki na nakatingin kay Rashid. “Nagsasambayang pa, hindi naman tinatanggap ang dasal kasi bayot nga! Kung wata ko lang ’yan, matagal ko na ’yang kinatay.”
Labis na nanliit si Rashid sa kaniyang mga narinig. Mahigpit niyang ikinuyom ang kaniyang mga kamay na kanina lang ay pumipilantik ang mga daliri. Nahimasmasan lamang siya nang mapansing siya na ang susunod na mag-a-abdas. Kinuha niya ang lumang tabo at isinalok sa tubig sa balon. Nang mahugasan ang mga kamay at paa, agad siyang pumasok sa masjid upang sundan ang kaniyang ama.
Hapon na nang natapos sila sa pamimili ng kanilang kakailanganin sa pag-aayuno. Bago umuwi ay dumaan muna ang mag-ama sa isang kapehan.
“Assalamau alaykum, Bapa Tasil,” bati ng isang binata na nagsisilbing waiter. Kilala na ang ama ni Rashid sa kapehan na iyon dahil kaibigan nito ang may-ari at lagi itong nagmemeryenda rito.
Bitbit ng binata ang isang tray na may mainit na panyalam, dinangay, at kapeng netib. Inilatag nito ang mga ito sa harap ni Rashid. Agad napansin ni Rashid ang makapal na kilay ng binata na bagay sa singkit na mga mata nito.
“Jameel, maso baguhan ka lang dito,” siyasat ng ama ni Rashid.
“Uway, bapa,” sagot ni Jameel. “Kinaumanggay na nandito ako. Siya kubo kaginasu bakasyon nami.”
Nag-usap ang dalawa, at nakinig si Rashid. Nalaman niyang labing-walong taong gulang si Jameel, kasing-edad lamang niya. Nagkataon na bakasyon kaya nasa probinsiya ito at tumutulong sa kapehan. Laking Cotabato City ito, na halos isang oras ang layo sa Kitango, ang kanilang pamayanan sa Maguindanao.
Hindi maalis ni Rashid ang tingin kay Jameel. Matangos ang ilong nito at mamula-mula ang mga labi. Matangkad rin ito at malaman ang pangangatawan.
“Kanka den, wata!” sambit ni Bapa Tasil. “Kain na at nang makauwi na tayo. Naghihintay den si I’na nenka sa walay.”
“Ehhm! Ehhm, uway, E’ma,” sagot ni Rashid.
*
Isang mainit na palad ang nagpagising kay Rashid. Madaling araw na at kinakailangan na nilang kumain bago sumapit ang adzan. Habang pilit na nilulunok ang pagkain dahil sa sobrang antok ay nabanggit ng kaniyang e’ma ang pag-aaral niya sa kolehiyo.
“Samaya, watamama, na malapit na ang klase sa Inggles,” sabi ni Bapa Tasil. “Sa Cotabato ka den mag-aral.”
Tumango na lamang ang antok na antok na si Rashid, pero sa kaloob-looban niya ay masaya siya sa kaniyang narinig dahil matagal na niyang gustong mag-aral sa Cotabato City. Halos lahat ng nagkokolehiyo sa kanilang probinsiya ay sa Cotabato dumarayo.
Dugtong na paalala ng kaniyang e’ma, “Pero dapat uman Sabado at Sunday na mag-aral ka rin ng Arabic sa madrasah sa Cotabato.”
Pagkatapos kumain ay nagdasal sila bago bumalik sa pagtulog. Habang nakahiga ay hindi maiwasan ni Rashid na maisip si Jameel. Naglalaro sa bawat pagpikit niya ang singkit na mga mata nito at mamula-mulang mga labi. Nakadagdag pa ang matipuno nitong pangangatawan.
“Astaghfirullah!” sabi niya sa sarili habang nakayakap sa unan. “Allah ko, patawad. Puasa pa menem ngayon. Ayaw ko ma-invalid puasa ko. Gosh!”
Ngunit natalo ng kaniyang imahinasyon si Rashid.
*
“Allahu Akbar, Allahu Akbar, Allahu Akbar, Allahu Akbar. La Ilaha Illah Allahu Akbar. Allahu Akbar Wa Lillahil Hamdu,” hudyat ng pagtatapos ng araw ng Ramadhan. Kaya ang buong pamayanan ng Kitango ay naghanda sa malaking pagdiriwang na ito. Nagsimula na ring magtugtugan ang mga agong at kulintang. Napadalaw na rin sa padiyan ang halos lahat upang mamili ng mga ihahanda. Habang nakikipagsikan sa pamimili ay nakasalubong ni Rashid si Jameel na hirap na hirap sa pagbitbit ng mga pinamili.
“Masu gahirapan ka a, tulungan ko seka,” pagmamagandang loob ni Rashid kay Jameel na pumapatak na ang pawis sa bigat ng kaniyang mga dalahin.
“Shukran gayd, Rashid,” sabi ni Jameel.
“Paano mo natawan ang name ko?” pagtatakang tanong ni Rashid.
“Nabanggit kasi ni e’ma mo so kabagiskul nenka sa Cotabato,” paliwanag ni Jameel.
Nagkalapit sina Rashid at Jameel sa pagkakataong iyon. Bago tuluyang maghiwalay ng landas ang dalawa ay naimbita ni Rashid si Jameel na dumalaw ito sa kanilang handaan sa Eid’l Fitr.
Kinaumagahan ay araw ng Eid’ Fitr at lahat ng pamilya sa bayan ay may kani-kaniyang handaan. Pagkatapos ng pagdarasal ay agad umuwi si Rashid sa kanilang bahay upang tumulong sa kaniyang i’na sa paghahanda. Nang matapos ang paghahanda ay lumabas siya at tumambay sa daang nasa harap ng kanilang bahay. Minsan ay tinitingnan niya ang kaniyang relo.
Labas-masok siya sa bahay. Napapatakbo siya kapag may humihintong motorsiklo sa harap ng bahay. Palubog na lamang ang araw ngunit wala pa rin ang taong inaasahan niya.
*
Makalipas ang dalawang linggo ay pasukan na, kaya naman ay ihinatid ni Bapa Tasil si Rashid sa Cotabato para makapag-enroll ito sa kolehiyo at mahanapan ng boarding house. First year college pa lamang si Rashid sa kursong nursing kaya hindi pa nito kabisado ang lahat ng transaksiyon sa pinapasukang paaralan. Nahirapan siya sa unang linggo ng pasukan lalo’t wala itong kakilala.
English subject ang unang klase niya, Section G.E, Room 10. Kinakabahan man sa unang pagkakataon ay may halong pananabik ang kaniyang naramdaman. Nadatnan niya ang ilang mag-aaral sa klasrum na noon ay hinihintay ang kanilang propesor. Umupo ito at tahimik na kinuha ang kaniyang bolpen at papel.
“English 1, Section G.E?” tanong ng isang binatang lalaki.
Biglang napahinto sa pagguhit si Rashid. Napalingon siya at bumungad sa kaniyang paningin ang mukha ni Jameel. Biglang mas lumakas ang tibok ng kaniyang pusong kanina pa kinakabahan. Mas lalo siyang nabighani nang makita ang maayos at malinis na pananamit ni Jameel.
“Seka besen inan, ikaw pala ’yan!” gulat na sabi ni Jameel. “Klasmeyt ta besen, Rashid?”
“Uway,” matipid na sagot ni Rashid na halos hindi makatingin sa kaniyang kausap.
“Uway besen, ampon bu a, sorry di ako nakapunta sa handaan ninyo kanu puasa a tu. Na-busy kami sa walay ba. Dala i tu, okey bun. Dapat na libre nen ako nenka dahil hindi ka sumipot.”
Upang makabawi si Jameel sa kaibigang hindi nasipot noon, inanyaya niya si Rashid na sa labas sila mananghalian.
“Endaw ta besen?” sabi ni Rashid. “Saan ba ’yan? Baka kasi pag lumabas pa tayo ay mali-late na tayo sa next subject natin.”
“Malanggan ta bu man, mabilis lang naman.” ani Jameel. “Libre ko man seka bilang sorry ko sa ’yo.”
Hindi pinalagpas ni Rashid ang pagkakataon na makasama si Jameel. Habang binabaktas ang kalyeng papunta sa Al-Noor Mall ay hindi maiwasang magtawanan at magbiruan ang dalawa. Minsan ay hindi rin maiwasan ni Jameel na akbayan ang kaibigan habang naglalakad.
Mas lalong nagkalapit ang dalawa mula nang naging magkaklase sila lalo’t pareho sila ng kursong kinukuha. Nagtutulungan din sila sa kanilang mga asaynment. Kapag gipit ang isa sa kanila ay naghihiraman na lamang sila ng pera para may maipantustos habang hindi pa dumarating ang allowance.
Nagkaroon ng Acquaintance Party ang block section nina Rashid at Jameel kaya naman pagkatapos ng party ay nagkayayaan ang buong klase nila na mag-night swimming. Nagkatuwaan ang lahat. Pagpasok pa lamang sa resort ay tumalon na ang iba sa pool. Ang ilan nama’y agad tinungo ang tindahan upang bumili ng pagkain at maiinom na Red Horse at Emperador. Nagulat si Rashid sa nagaganap. Hindi niya inakala na ganito ang kaniyang masasaksihan. Kailanman ay hindi niya ito naranasan lalo’t laking probinsiya siya. Sa loob niya ay may pangamba ngunit may kalayaan siyang nadarama.
“Okey ka bun, enjoy tayo!” anyaya ni Jameel. “Ganito talaga siyaba! Let’s party!”
Biglang hinubad ni Jameel ang kaniyang T-shirt at pantalon, tumakbo, at tumalon sa pool. Saglit siyang umahon sa pagkakaligo at inanyaya si Rashid na maligo.
“Diyaku! Ayoko!” sabi ni Rashid habang panakaw na tumitingin sa lantad na katawan ni Jameel. “Maya na! Matenggaw gayd.”
Nakaramdam ng pag-init ng katawan si Rashid, ngunit ayaw niya itong pansinin dahil alam niyang haram ang kaniyang nararamdaman. Sa isip niya, ito ay isang fitnah lamang ng shaytan na kailangan niyang ipagbuno. Gusto na niyang umalis ngunit ayaw naman niyang masabihan siya ng kaniyang mga kaibigan na KJ, lalo na ni Jameel.
Nagkayayaan ang magkakaibigan na inumin ang kanilang biniling isang bucket ng Red Horse at dalawang Emperador.
“Umiinom ka? Su benal man,” tanong ni Rashid kay Jameel na hawak-hawak ang isang bote ng Red Horse.
“Saguna bu man, ngayon lang to! Tawbat ta bu, mapapatawad naman tayo ng Allah.” Tumatawa si Jameel habang ibinubuhos ang Red Horse sa baso.
Hindi napilit ng magkakaibigan na uminom si Rashid, kaya’t nanood na lamang siya kung paano uminom at dahan-dahan nahihilo ang mga ito dahil sa tama ng alak. Mas lalo siyang nabahala kay Jameel na nagsisimula nang mahilo at nagsasalita ng kung ano-ano.
Madaling araw na nang matapos mag-inuman ang lahat. Lahat ay tila bangkay na nakaratay sa sahig na kahit anong pilit na paggising ay wala nang lakas upang tumayo at maglakad. Sa pag-aalala ni Rashid sa mga kaibigan ay pinakiusapan niya ang may-ari ng resort na bantayan ang mga kaibigan. Ngunit mas nabahala siya sa kaibigang si Jameel. Naisip niyang alalayan na lamang si Jamel upang maiuwi ito sa kani-kanilang boarding house.
Akay-akay si Jameel ay nagpahatid sila sa habal-habal papunta sa kanilang boarding house. May kamahalan man ang pamasahe dahil madaling araw, mas mainam nang makauwi sila nang ligtas at maayos. Unang huminto sa boarding house ni Jameel ang habal-habal upang ibaba siya ngunit dahil curfew, sarado na. Dinala na lamang ni Rashid si Jameel sa tinutuluyan niya.
Marahang pinahiga ni Rashid ang kaibigan sa kama. Kumuha siya ng tuwalya at ipinampunas ito sa katawan ni Jameel. Nanginginig ang kamay niya habang pinupunasan ang bahagi ng katawan ni Jameel. Lumakas ang pagpintig ng puso ni Rashid na may halong kaba. Kailanman ay hindi siya nakaramdam ng ganoong kaba. Ngunit sa kalooban niya ay may nagpupumiglas na init sa kaniyang katawan. Mas lalo siyang nagulat nang hawakan ni Jameel ang kaniyang nanginig na kaliwang kamay at inilagay sa puson nito. Tumayo si Rashid, inilagay ang tuwalyang kaniyang hawak sa upuan, at pinatay ang ilaw. Muli niyang inilapat ang kaniyang nanginginig na kamay sa katawan ni Jameel.
*
“Assalamu alaykum!” panawagan ng imam mula sa masjid. “Bedtawagan nami su mga suled nami na mga Muslim na babae endu lalaki, bata endu matanda na saksihan ang pagpaparusa sa dalawang binatang nagkasala sa agama Islam.”
Dumating na ang araw na kinatatakutan ni Rashid. Ito ang araw na nakatakdang pagbayaran nila ni Jameel ang kanilang ginawa sa harap ng kanilang mga magulang, kamag-anak, kaibigan, at kakilala sa buong bayan ng Kitango, Maguindanao. Paparusahan sila sa pamamagitan ng paghampas sa buong katawan nila ng dulo ng dahon ng niyog na may mga tinik. Haharap ang dalawa sa entabladong sinadyang ipinagawa upang doon sila tatayo habang hinahampas. Sandaang beses silang hahampasin.
“Astaghfirullahil adezeem, ya Allah ampon ako,” paggunita ni Rashid habang nakayukong umaakyat ng entablado at nakasuot ng lambong na puti.
Marahang inilatag ni Rashid ang kaniyang mga kamay sa isang mesa habang nakaharap ito sa mga tao ngunit hindi niya magawang tumingin sa kanila lalo’t nasa harapan niya ang kaniyang e’ma at i’na. Isang malakas na hampas ang naramdaman niya na gumising sa kaniyang nanghihinang katawan. Napatingala siya sa labis na sakit na dumatal sa manipis niyang balat. Napatingin siya sa harap. Mga mata ng mga taong mapanghusga ang kaniyang nakikita. May nagbubulungan, humihiyaw, at nagmumura. Sumunod ang isa pang malakas na hampas. Habang tumatagal ay mas lalo itong lumalakas at ramdam na niya ang hapdi nito. Dahan-dahan na rin umaakyat ang hampas sa kaniyang braso.
“Aday! Aday! Adaaaaaaaay!” malakas na sigaw ni Rashid kasabay nang pagpatak ng kaniyang mga luha. “Di ko den balinganan. Tama na! Di ko na uulitin. Aday!”
Sa ibaba ng entablado ay ang kaniyang mga magulang na maluha-luha na lamang. Nais man nilang pigilan ang parusa, para sa kanila at sa katuruan ng Islam, ito ang tamang gawin upang hindi sila tularan ng iba.
“Maganda i nan sa mga bayot! Parusahan pa sila!” sigaw ng isang lalaking nanabako sa gilid ng entablado habang nagmamasid sa pagpaparusa kay Rashid.
Hindi nakayanan ng i’na ni Rashid ang pangungutya na kaniyang naririnig kaya nahimatay ito. Agad itong dinala sa loob ng masjid nang mahimasmasan.
Halos hindi na makahinga si Rashid sa tinatamasang hampas. Nanghilamos na rin siya ng kaniyang mga luha. Habang tinatanggap ang bawat hampas ay hindi na niya batid pa ang sakit nito kundi ang hapdi ng kahihiyang kaniyang kinakaharap. Mas masakit ang nararamdaman ni Rashid para sa sama ng loob na kaniyang naibigay sa magulang. Isang matinding hampas pa ay biglang pumukol sa kaniyang gunita ang gabing dahilan ng kaniyang pagdurusa ngayon.
*
Hinimas-himas ni Rashid ang dibdib ni Jameel. Isang mainit na balat ang kaniyang naramdaman. Marahan na rin niyang hinimas-himas ang puson ni Jameel na nagpapaungol kay Jameel nang mahina. Itinulak ni Jameel ang ulo ni Rashid pababa at hinayaan niya itong paglaruan ang kaniyang kabuuan.
“Nginan?” gulat at may pandidiring tanong ni Ustadz Musa, ang nagmamay-ari ng boarding house. “Ano to? Astagfirullah!”
Nakaligtaang i-lock ni Rashid ang pinto. Nawala rin sa isipan niya na tuwing madaling araw ay umiikot si Ustadz Musa sa buong boarding house at sinisigurong nakasara ang bawat pinto ng mga silid.
“Mga saytan kayo! Tayo kayo d’yan! Kalalaki ninyong mga tao, ganyan ginagawa ninyo sa bahay ko! Kaya pala minamalas na ’to!”
“Ampon kami, ustadz. Patawad,” sumamo ni Rashid na dali-daling tumayo mula sa pagkakasubsob kay Jameel.
Habang si Jameel naman ay sinisikap na mahimasmasan at tumayo. Pasuray-suray na lamang itong humingi ng tawad sa galit na ustadz.
Buong gabing binantayan ni Ustadz Musa ang dalawa habang tinatawagan ang mga magulang ng dalawa. Kinaumagahan ay sinundo sina Rashid at Jameel ng kanilang mga magulang. Nakatanggap ng isang malakas na suntok ang dalawa mula sa kanilang mga ama.
“Pakayaya kano duwa!” maiyak-iyak na sabi ng ama ni Rashid. “Nakakahiya kayo! Ito pala ang ginagawa ninyo, hindi na kayo natakot sa Allah.”
Naiyak na lamang sa sulok ang ina ni Rashid habang nanggagalaiting nakatitig naman ang ama ni Jameel sa kaniyang anak.
“Prepara kano duwa,” mahinahong paalala ng ama ni Rashid. “Maghanda kayo sa inyong parusa ng mga imam sa bayan. Gustuhin man naming itago ang ginawa ninyo pero hindi ito tama. Magsabar na lang tayo, magtiis na lamang tayo.”
Isang malakas pa na hampas ang nagpabalik sa gunita ni Rashid. Ramdam niyang natinik na ng niyog ang kaniyang balat. Isang malakas na pagkuyom ang kaniyang naigaganti. Sa kaloob-looban niya ay kung hindi lamang sila nadatnan ng may-ari ng boarding house na isang ustadz ay hindi mabubunyag ang ginawa nila ni Jameel, lalo’t pareho nila itong ginusto. Pero hindi niya maipagkakailang kahit hindi man sila nahuli ay hindi sila makakatakas sa mata ng Allah.
*
Sa bawat kantong nadaraanan ni Rashid ay pangalan niya ang kaniyang naririnig. Bulong-bulungan ang kanilang ginawa ni Jameel. May tumatawa, nangungutya, at nagmumura.
“Pamagayasi kanan, bilis!” utos ng kaniyang inang umiiyak habang sakay ng motorsiklo.
Isang mahigpit na yakap ang ibinalot ni Babo Amina sa kaniyang anak na si Rashid. Ramdam niya ang kahihiyang ibinabato sa kanila ng buong bayan pero nauunawaan niya ito bilang isang Muslim. Nagtalukbong na rin si Rashid ng malong nang hindi niya masilayan ang bawat dinaranas nilang pangungutya.
Pagdating na pagdating sa bahay, agad na pumasok sa kuwarto niya si Rashid. Umupo sa kaniyang kama, humarap sa salamin, at pinagmasdan ang sarili. Isang mukha ng kahihiyan ang kaniyang nakikita.
Kinaumagahan, mataimtim na nagdasal ng Sub’h si Rashid. Hindi pa man tuluyang sumisikat ang araw ay nagpalit siya ng damit. Hinanap niya ang kaniyang malong. Napansin niyang pinalitan ito ng malong na makintab na hindi pangkaraniwang inilalabas sa mga karaniwang araw. Nangiti siya. Tumayo siya sa harap ng salamin. Nagpalit siya ng malinis na damit na isinuot niya noong Eid’l Fitr— malinis, bago, at mabango. Kinuha niya ang makintab na malong. Mas matibay ito kaysa dating ginagamit niya. Hinanap niya ang dalawang dulo nito at tinupi. Muli siyang ngumiti. Lumingon sa kanan at kaliwa. Naglakad siya paatras upang pagmasdan ang kaniyang sarili. Hawak-hawak pa rin niya ang makintab na malong. Naisip niyang hindi na sa beywang ito gagamiting panali. Sa isip niya ay mas may nababagayan ito bilang panali, hindi na isang laso kundi isang karaniwang panali na lamang na kaniyang gagamitin ngayon.
“Astaghfurullah, ya Allah ampon ako nenka,” bulong niya sa sarili. “Patawad sa gagawin ko.”
Huminga siya nang malalim. Matagal niyang pinagmasdan ang sarili sa salamin habang nakakuyom ang kaniyang mga kamay. Sa kalooban niya kailanman ay hindi mapapalaya ng isa pang pagkakamali ang kaniyang sarili. Binitawan niya ang malong. Tumayo siya.
“Lilisanin ko muna ang inged, ang pamayanang ito hangga’t sa tuluyan nang maghilom ang sakit. Babalik na lamang ako kung may pagtanggap na sa isang katulad ko,” huling sambit ni Rashid.