Nabasa

By Alvin Pomperada
Poetry

Ayaw paawat ng ulan. Hindi na marinig
ang guro. Parang sirang channel
ang buhos sa bubong ng silid-aralan. Wala nang
tengang nakikinig. Naghihintay na lang
makalabas. Paano kaya
makakauwi kung walang pamasahe?
Nakadungaw ang balintataw ko sa alulod.

Pagkalabas, hinigpitan ko ang kapit
sa bag pack at ang sintas ng sapatos
sabay talukbong ng polo sa ulo.
“Isa. Dalawa. Tatlo. Takbo!”
Sinalubong ko
ang ulan at ang lamig ng hangin sa pagkaripas.
Para di gaanong mabasa, sumisilong ako
sa bawat madaanang tahanan.

Nang malapit na sa amin, napahinto ako
nang makita ang kanal sa daraanan.
Hindi ko kayang lampasan
ang ragasa ng tubig-ulan. Sumugod ako
sa abot-bewang na baha. Malapit na
akong makalampas nang hinampas ng agos.

Naanod ako at nabasa
ang mga libro. Saan nga bang pahina nababasa
papaano makaaahon?

Advertisement