Anito Files

By Boon Kristoffer Lauw
Novel Excerpt

“KIKO, DAPA!”

Lumingon ako at nakita ang anino ni Sinag sa malayo. Kuminang ang mga talim ng dalawang palaso sa nakahatak niyang pana.

Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa.

Itinapon ko ang katawan ko sa madamong bahagi ng gubat at nagdasal sa mga ninuno kong ‘wag nila akong hayaang maging barbeque. Ay! Bananaque na lang pala kasi mas masarap ‘yon. Hindi ko pa kasi nasusubukan ang kapangyarihan ng aking Anito pero hindi masamang maniguro.

Ilang saglit pa, narinig ko na ang matitinis na sipol ng mga pinalipad na palaso. Sa ibabaw mismo ng ulo ko.

Umikot agad ako at tiningnan kung may tinamaan ang kasama ko.

Kainis, wala. Nakailag ang dalawang garudang humahabol sa akin at dumiretso lang ang mga palaso ni Sinag sa pagitan ng dalawang puno—

BAM!

Napatalon ako sa gulat. Sa pag-ilag ng mga malaagilang nilalang, sumalpak sila sa mga katabing puno. Abot hanggang sa puwesto ko ang kalabog ng pagkabangga nila. Ilang saglit pa, bumagsak ang mga garuda sa lupa at hindi na gumalaw pa.

Nagmadali akong tumayo.

“Ang galing mo, Si—” Babatiin ko na sana ang nagligtas sa akin pero naglaho na siya. “Sinag?”

Wala.

Ginamit siguro ni Sinag ang tagabulag, ang Anitong nagpapalaho sa tagapaghawak nito sa paningin ng iba.

“Kiko! Takbo!” sigaw naman ni Yumi mula sa malayo. “Bi—”

Napaluhod bigla si Yumi sa lakas ng pagsipa ng isang garuda sa hawak niyang kalasag. Sinubukan niyang sibatin ang kalaban pero mabilis itong nakailag.

“KIKO! ANO PANG GINAGAWA MO?” ulit ni Yumi. Parang nanay ko pag pinapabangon ako.

Umatake na naman ang isa sa apat na garudang katunggali ni Yumi.

Napalunok ako.

Walang tigil sa pag-atake ang mga garuda kay Yumi. Mabuti na lang, protektado siya ng kanyang Anito. Pero pag tumagal pa ang laban, mapapagod din ang Lakan ng tribung Tatag.

Nakarinig ako ng mga panibagong sipol sa ere. Pagkatapos, bumaon ang ilang palaso sa hita at braso ng isa sa mga garuda at napasigaw ito sa sakit.

Pansamantalang napatigil sa pag-atake at napaatras konti ang mga garuda mula kay Yumi.

Ang galing ng mga kasama ko. Pero ako…

Gustuhin ko mang tumulong, wala akong maiambag. Ipinadala kasi kami dito para iligtas ang aming mundo.

Pero ako…

Yumuko ako at tiningnan ang mga kamay ko. Nanginginig ang mga ito.

Na naman…

“Kiko! Tumakbo ka na!” sigaw na naman ni Yumi.

Kailangan kong tumakbo. Iyon lang ang maitutulong ko sa kanila ngayon.

Pero hindi ako makatakbo. Hindi ako makagalaw.

“KIKO!” boses ni Sinag. Lumitaw ang Lakan ng tribung Bagwis sa malayong harapan ko. Nakatingin siya sa itaas ko.

Nagawa kong tumingala.

Tatlong garuda ang lumulusob sa akin.

Tumakbo papunta sa akin si Yumi pero alam kong hindi siya aabot. Nagpalipad din ng sunod-sunod na mga palaso si Sinag pero isa lang sa tatlo ang tinamaan niya.

Pumikit ako.

Naalala kong may nakapagsabi sa aking may katapusan ang lahat ng bagay. Ito daw ang katotohanang mas matanda pa kaysa aming mga ninuno. Pero sabi niya sa akin, huwag daw akong mag-alala—dahil sa katapusan daw nagsisimula ang mga bagay na pinakadakila.

Natawa ako.

Ito na marahil ang aking katapusan—pero walang kadaki-dakila sa aking ginagawa.

Hindi dapat ako ang nandito. Dapat si—

Sumiklab bigla ang labanan sa itaas ko. Umalingawngaw ang salpukan ng bakal sa matitigas na balat ng mga garuda. Iminulat ko ang aking mga mata at nasaksihan ang pagsayaw sa ere ng kambal na kris ni Kaya. Para siyang isang diyosang mandirigma.

Napilitang lumihis ng direksiyon ang mga garuda.

Pagkababa, pinaligiran nila kaagad si Kaya. Pero ang hindi nila alam, tapos na ang kanilang laban. Tinamaan sila ni Kaya, ang tagapaghawak ng Anitong pamako. Daplis lang ang kailangan niya.

Natumba bigla ang dalawang garuda.

Nanlaki ang mga mata nila. Kahit ano’ng gawin nila, hindi nila maigalaw ang kanilang mga katawan. Iyon kasi ang kapangyarihan ng Anito ni Kaya, ang maparalisa ang sinumang masugatan ng tagapaghawak nito.

“S-salamat—” simula ko sana pero tinitigan ako nang masama ng masungit na mandirigma.

Bigla akong nawalan ng hininga. Nanigas ang katawan ko. Tinamaan din ata ako ng Anito ni Kaya. Iyon na siguro ang pinakamahabang tatlong segundo ng buhay ko.

Pagkatapos, iniwan na ako ni Kaya at sinamahan si Yumi. Nakahinga ako ulit.

Si Kaya naman ang Lakan ng tribung Bangis, ang tribu ng pinakamahuhusay na mandirigma. Nagulat ako nang matuklasang magkaedad lang kaming dalawa. Hindi kasi karaniwan ang magkaroon ng napakabatang Lakan.

Wala din sa wastong edad ang pagiging Lakan ko. Hindi kasi sinasadya ang pagkapasa sa akin ng Anito ng aming tribu. Pero si Kaya, mukhang naging Lakan dahil siya ang pinakamahusay sa lahat ng mahuhusay sa kanila.

Si Kaya din marahil ang pinakamahusay sa pakikipaglaban sa aming apat.

At ako naman ang pinakamahina.

Ako si Kiko, ang pinakahuling nararapat na maging Lakan ng aming tribu.

Advertisements