By Mubarak Tahir
Fiction
Marahang iniangat ni Niño ang kaniyang maninipis na braso saka kinapa-kapa ang kaniyang kumot. Nang makita niya ang dulo ng kumot, dahan-dahan niya itong itinali sa kaniyang payat na balakang. Humarap siya sa salamin. Napansin niyang hindi maayos ang pagkakatali sa kumot kaya inulit niya hanggang sa isang malaking laso ang kaniyang nabuo. Ngumiti-ngiti siya habang nakapamewang ang dalawang kamay. Yumuko siya. Hinila ang laylayan ng kumot. Umatras nang kaunti. Humakbang paharap nang marahan. Mabilis na umikot. Huminto, kumaway-kaway, at ngumiting halos abot-tainga. Nakatayo siya ngayon sa harap ng salamin na para bang nasa entabladong puno ng maraming ilaw na iba’t iba ang kulay.
Ganito ang mga eksena sa loob ng kuwarto ni Niño tuwing umaga. Hindi pa man sumisikat ang araw, maaga na siyang gumigising. Bukod sa pagrampa sa harap ng salamin, kinakailangan niyang gumising nang maaga upang maghanda sa mga gagawin sa maisan.
Nang makapag-agahan, nagmadaling isinuot ni Niño ang kaniyang lumang damit na isinusuot lamang niya kapag nagtatrabaho sa maisan. Halos hindi na malaman ang kulay ng damit dahil sa mga mantsa ng putik. Bitbit ang isang lumang galon ng tubig at isang supot ng nilagang saging, binagtas niya nang walang sapin sa mga paa ang mabatong daan kasama ng iba pang magsasakang patungo sa maisan. Yumuyugyog ang bolong nakatali sa kaniyang tagiliran. Bakas naman ngayon sa kaniyang mukha ang kasiyahan dahil sa nakikitang makukulay na paruparo, ngunit minsan ay mahigpit na nakatikom ang mga tuyo niyang labi dahil sa pagkabagot. Sa bandang huli, napabuntonghininga siya saka iniangat ang nakayukong ulo—isang araw na naman ng pakikipagbuno sa maisan.
“Paano ‘yan, hanggang dito lang kami,” pagpapaalam ng isang matandang lalaki habang humihithit ng tabako.
“Sige po, Mang Agkog,” ang malumanay na tugon ng Niño na pawisan ang noo.
Tuluyang naghiwalay ng landas sina Mang Agkog at Niño. Tinungo ng bawat isa ang kani-kaniyang maisang pagtatrabahuan.
Huminga muna nang malalim si Niño bago dahan-dahang iniangat ang mga balikat habang mahigpit na hinawakan ang bolo. Yumuko siya at marahang isinubsob ang dulo ng bolo sa lupa. Humihinto siya minsan, lalo na pag nagsimula nang uminit ang araw. Ramdam na rin niya ang pag-init ng singaw ng lupang kaniyang binubungkal. Napalunok siya sa pagkauhaw. Agad niyang kinuha sa tabi ng mayayabong na damo ang kaniyang baong tubig. Tumingala siya kasabay nang pag-angat ng galon. Ibinuhos niya nang marahan ang tubig sa kaniyang tuyong mga labi. Nagpatuloy sa pagbubunot ng damo at pagbubungkal ng lupa ang batang lalaki. Wala siyang inaksayang sandali.
Hapon na nang umuwi si Niño kaya naman laking saya niya kapag natatanaw na sa di kalayuan ang kanilang bahay. Isa itong barong-barong na tila matagal nang inabandona, yari sa nilalang dahon ng niyog ang bubong, at pinagtagpi-tagping luma at buluking mga tabla ang dingding. Naglaho ang kanyang ngiti nang may sumigaw sa kaniyang likuran.
“Hoy! Baklang Mais!” sigaw ng isang lalaki na sakay ng bisikleta.
Hindi kumibo si Niño. Nagpatuloy lamang siya sa paglalakad ngunit hindi siya nito tinatantanan hanggang sa hinarangan siya nito ng bisikleta. Hindi alam ni Niño kung ano ang kaniyang magiging hakbang. Namumutla na rin ang kaniyang nanginginig na tuyong mga labi. Biglang pumasok sa kaniyang isipan na kumaripas ng takbo papalayo sa batang lalaki. Habang matulin na tumatakbo, hindi niya namamalayang pumapatak na rin ang kaniyang mga luha.
“Anak! Ano’ng nangyari sa ‘yo?” gulat na tanong ni Aling Mila na abala sa pagsasaing ng hilaw na saging.
Agad na pinaupo ni Aling Mila ang pawisan at namumutlang anak. Binigyan niya ito ng tubig. Halos ilang patak lamang ng tubig ang kumapit sa mga labi nito dahil sa matinding pagkatakot. Niyakap na lamang nito ang nanginginig nitong mga tuhod.
Kinaumagahan, balisa si Niño dahil sa sinapit. Habang nakaupo sa tarangkahan ng kanilang bahay at nakatulala, nilapitan siya ng kaniyang ina.
“Niño, anak. Bakit ka tulala?” mahinahong tanong ni Aling Mila kahit nababahala.
Alam ni Aling Mila ang kalagayan ni Niño. Hindi ito ang unang beses na nakita niya ang anak na umuwing takot na takot at umiiyak. Minsan na ring naikuwento sa kaniya ng mga kumare sa bayan ang panunukso at pananakot ng ibang tao kay Niño dahil sa kilos nito.
“Nay, pag bakla po ba, walang karapatan maging masaya? Na maging normal?” pagaralgal na tanong ni Niño sa ina.
Hindi nakakibo si Aling Mila sa tanong ng anak. Napabuntonghininga na lamang siya habang hinahaplos ang likod ng anak at magkatinginan silang dalawa. Naisin mang sagutin ni Aling Mila ang tanong ng anak, hindi niya alam kung papaano ito sasabihin. Siya mismo ay hindi alam ang wastong sagot.
Bago pa man magtanghali, naisipan ni Niño na muling tumungo sa maisan upang tapusin ang kaniyang paglilinis. Matamlay niyang binagtas ang daan patungo sa maisan. Habang naglalakad sa mabatong daan, may biglang naalala siya.
Hapon noong pauwi na siya galing sa bahay ni Mang Agkog, namangha siya sa kaniyang natagpuan—isang babaeng manika na halos lasog-lasog na ang katawan. Balot ito ng putik. Buhol-buhol ang buhok. Gula-gulanit ang damit na kulay rosas. May sugat din ang magkabilang mukha at may hiwa sa bandang noo. Nilapitan ito ni Niño at marahang hinaplos-haplos ang pisngi.
“Ang ganda mo siguro noon. Kawawa ka naman,” pabulong na sabi ni Niño habang hawak-hawak niya ito. “Dadalhin kita sa bahay, papaliguan, at papalitan natin ang gusgusin mong damit,” dugtong pa niya habang nakangiti.
Masayang naglalakad si Niño habang hawak-hawak ang napulot na manika. Minsan napapaindak ito sa tuwa at napapaugong. Hindi namamalayan ni Niño na may sumusunod sa kaniyang ilang batang lalaki na kasing-edad lamang niya. Napalingon lamang siya nang tinamaan ang kaniyang batok ng maliit na batong itinapon ng mga ito. Napapikit siya sa sakit.
“Bakit may manika ka?” tanong ng isang batang lalaki na sadyang pinalaki ang mga mata para manakot.
“Bakla ka ‘yan, tol!” tugon ng isa pang bata.
Nilapitan ng tatlong batang lalaki ang hindi makakibong si Niño at tinangkang hilahin ang manika. Nagpumiglas si Niño. Mahigpit niyang hinawakan ang nag-aagaw-buhay niyang manika.
Boog!
Isang malakas na suntok sa sikmura ang nagpabitaw sa kaniyang mahigpit na pagkakahawak sa manika.
“Aray ko!” sigaw ni Niño nang matisod pa siya sa matulis na bato habang naglalakad. Bumalik siya sa kaniyang ulirat.
Napansin niyang nasugatan ang maputik na kuko ng kaniyang daliri sa paa. Tanging kaliwang kamay na lamang ng manika ang naiwan sa kaniyang nanginginig na kamay sa panahong iyon.
Nagpatuloy sa paglalakad si Niño hanggang marating niya ang maisan. Inilagay niya ang kaniyang baong tubig sa gilid ng pilapil at sinimulan na niyang maglinis ng mga ligaw na damo. Ilang oras din ang kaniyang inilaan sa paglilinis nang mapansin niyang malawak na rin ang nalinisan. Huminto siya at naupo sa tuyong pilapil. Habang namamaypay gamit ang kaniyang lumang salakot, may biglang sumagi sa kaniyang isip. Agad niyang iniligpit ang mga gamit niya sa paglilinis. Isinuot niya ang salakot at kumaripas ng takbo bitbit ang bolo at lalagyan ng tubig. Mangiti-ngiti siya.
Narating ni Niño ang batis. Mula nang magtrabaho siya sa maisan, hindi na rin siya nakakapaglibang dito upang maligo. Natatakpan ang batis ng mayayabong na dahon ng mga halaman at punongkahoy na nakapalibot dito. Hindi siya nagdalawang-isip na hubarin ang kaniyang lumang damit. Tumalon at nagtampisaw siya sa batis na tila isang bibe na ilang linggong hindi nakakapagtampisaw sa tubig. Napapahalakhak siya minsan. Nalilibang din siyang manghuli ng maliliit na hipon. Pinaglalaruan niya ang mga suso at kuhol. Nang maramdaman niya na ang pagod, nagpahinga siya sa paanan ng malaking puno na sumasadsad ang malaking ugat sa batis.
Habang masayang ibinababad ang mga paa sa daloy ng tubig, naalala niya ang kauna-unahan niyang manika. May namuo sa kaniyang puso. Gusto niyang magkaroon muli ng manika. Kumuha siya sa tabi ng mamasa-masang putik. Dahan-dahan niya itong inilapat sa kaniyang magagaspang na palad, pinisil-pisil, at idiniin nang marahan. Gumawa siya ng isang maliit na bilog. Kumuha siya ng matulis na sanga at ipinang-ukit niya ito sa bilog na putik. May dalawang mata, isang ilong at labi, dalawang guhit at may kilay na. Humulma rin siya ng dalawang paa at dalawang kamay at ikinabit niya ito sa parihabang anyo na gawa sa putik. Ipinagpatuloy niya ito hanggang makabuo siya ng isang babae. Ibinilad niya ito. Mangiti-ngiting niyang pinagmamasdan ito habang hinihintay na matuyo. Nang matuyo na ay marahan niya itong inilagay sa isang dahon, itinabi, at tinakpan ng salakot.
“May kulang pa ata,” sambit pa niya.
Pumitas siya ng iba’t ibang uri ng dahon at pinagtagpi-tagpi. Bumunot din siya ng matitibay na damo. Nang mapansin niyang kumpleto na ang kaniyang kinakailangan, muli niyang kinuha nang buong ingat ang imaheng kaniyang itinago. Mula bewang, dinikitan niya ito ng mga dahon na kulay-pula at dahan-dahan niyang pinaikutan ng damo bilang panali rito. Ang itaas na bahagi ay nilagyan naman niya ng manilaw-nilaw na dahon na nagsilbing damit ng imahen.
“May naisip akong ipapangalan sa ‘yo. Nina! Tama, Nina,” buong galak na wika ni Niño habang nakahimlay sa kaniyang putikang palad ang imaheng itinuturing niya ngayong isang manika.
Magdadapithapon na nang makauwi si Niño sa kanila. Laking gulat ng kaniyang ina nang makita niyang masaya ang kaniyang anak.
“Anak, masaya tayo ngayon, a,” puna ni Aling Mila sa anak na mangiti-ngiti habang naghuhugas ng kamay sa banggerahan.
Ngiti ang naging tugon lamang ni Niño.
Araw ng Sabado. Walang mga gawain sa maisan kaya nagpaalam si Niño sa kanyang ina na pupunta sa bayan. Dala niya ang kaunting halaga ng perang kaniyang naipon buhat nang magtrabaho sa maisan. May kalayuan din ang bayan sa kanilang bahay ngunit mas pinili niyang maglakad na lamang. Kinakapa niya minsan sa bulsa ang imaheng kaniyang hinulma at biglang mangingiti. Hindi rin niya alinta ang mainit na sikat ng araw. Mag-iisang oras bago niya narating ang bayan. Wala siyang inaksayang oras. Lumingon-lingon siya. Nilibot niya ang mga kalye at nang mapansin niyang hindi niya mahanap ang kaniyang hinahanap ay nagtanong-tanong ito.
“Ginoo, saan po ba rito ang bentahan ng mga manika?” magalang na tanong ni Niño sa isang lalaking nasa gilid ng daan na naninigarilyo.
“Nanakawan mo? Pero lalaki ka naman. Baka naman bakla ka,” malakas na tugon ng lalaki habang nakatutok ang dalawang mamula-mulang mga mata nito kay Niño.
Natakot si Niño kaya agad niyang nilisan ang lalaki. Sa kaniyang paglalakad, napatingin siya sa isang gusali. Agad niya itong tinungo. Laking gulat niya nang makitang puno ito ng mga laruan. Iba’t ibang uri ng laruan. May panlalaki at pambabae. May nakakatawag-pansing mga kulay. May maliliit at malalaking hugis. Halos hindi siya mapakali sa galak dahil sa mga nakikita niya. Palingon-lingon siya. Taas-baba ang pagtingin. Sabik na sabik siyang pumasok dito.
Akmang papasok na siya nang bigla siyang hinarang ng guwardiya.
“Hoy! Bawal dito ang batang lansangan,” pambungad ng guwardiya.
“Kuya, may titingnan lang po sa loob,” pagsusumamo niya.
“Bakit? May pambili ka?” pasubali ng guwardiya habang itinutok ang batuta sa ulo ni Niño. “Alis! Alis!”
Hindi na nagpumilit pa si Niño. Inikot na lamang niya ang buong labas ng tindahan. Mabuti na lang gawa sa salamin ang dingding nito kaya kita pa rin ang loob nito. Sa loob ay may mga batang masayang naglalaro at namimili ng mga laruan kasama ang kanilang magulang. Maluha-luha niyang pinagmamasdan ang mga ito. Hanggang tingin na lamang siya mula sa labas.
Sa kaniyang patuloy na pagmamasid sa loob, may umagaw sa kaniyang pansin. Tinutukan niya ito na halos hindi na siya kumukurap. Nanlaki talaga ang kaniyang mga mata. Ang kanyang hinahanap at hinahangad ay natagpuan niya. Nakabitin ito. Kulay pula at kaakit-akit ang makukulay nitong palamuti sa damit. Kulay ginto ang buhok. Pula ang mga labi at makakapal ang pilikmata. Kay gandang manika na para bang kinakawayan siya nito. Marahan niyang inilapat ang kanyang magagaspang na palad sa salamin ng tindahan, na kung hindi lamang matibay ay nasira na dahil sa pagkakadiin ng kaniyang kamay.
Hindi niya namalayang papalapit na sa kaniyang likuran ang guwardiyang nanlilisik ang mga mata habang mahigpit na hawak ang batuta. Hinawakan ng guwardiya ang likod ng damit ni Niño. Nagulat at maluha-luha si Niño. Nagpumiglas siya ngunit mas lalong hinigpitan ng guwardiya ang pagkakahawak sa kaniya. Nasasakal na siya ng kaniyang damit. Pinagpapawisan na siya.
Muli nagpumiglas si Niño ngunit malakas ang guwardiya. Malakas ang pagkakasipa at pagkakatapon nito sa kaniya papalayo sa kaniyang kinatatayuan. Humampas sa magaspang at mabatong daan ang kaniyang mukha. Tuluyang siyang napaluha at namilipit sa sakit. Marahan siyang tumayo dahil sa sakit na tinamo. Nang makatayo, pinagpag niya ang lumang damit na nabalot ng alikabok at tuyong putik. Paika-ika siyang pumunta sa tabi habang nakatitig sa guwardiyang nangingiti-ngiti pa dahil sa nangyari.
Muli niyang ibinaling ang kaniyang paningin sa tindahan. Napabuntonghininga na lamang siya habang nanginginig ang buong katawan. Napansin niyang pumapatak na pala ang butil ng mga luha sa kaniyang hawak-hawak na imahen ng manika.
Hindi man niya nahawakan at nakuha ang minimithi ay sapat na sa kaniyang nasilayan ito. Iiwan niya ang bagay na iyon na umaasang maaangkin ito sa kaniyang pagsisikap at pagsasakripisyo.
Habang naglalakad nang paika-ika, mas lalong lumakas ang paniniwala ni Niño na hindi magtatapos ang kaniyang mga ninanais sa buhay sa isang lipunang malupit at mapanghusga. Na kinakailangan niyang itayo at iangat ang kanyang sarili sa pinakamabuting paraan. Na igagalang din ang kaniyang pagkatao. Na wala siyang sakit na dapat kamuhian at pandirian ng lahat.