By Mubarak Tahir
Poetry
Sa manipis na balakang itinali
At nabuo ang malaking lasong
Sa sahig sumasadsad nang malaya,
Hindi ng kaniyang kaluluwa.
May buhay ang mga daliring
Kumakawala sa musika ng lungkot.
Bawat pilantik ay patak ng luha.
Bawat pagngiti ay sinturon ng diyablo.
Nakapinta ang imahen sa salaming
Manikang inabandona ang nakikita.
Lantad sa pisngi ang maitim na lipstick
Kaya di makangiti at makahalakhak.
Boy!
Sigaw ng dumagundong na tinig.
Mga mata’y pula at nanlilisik,
Lantad na ang ugat ng mga braso.
Handa nang kumawala
Sa nagmamakaawang kaluluwa.
Napalitan ang maitim na lipstick
Ng pulang lip balm
Na pumapatak sa labi—
Regalo ng demonyong mapaniil.
Pilit kumakawala ang kaluluwa,
Humihiyaw nang walang tinig.
Kulay itim ang luhang dumadaloy;
Natunaw ang mascara ng pilikmata.
Hindi nakontento ang demonyo:
Hinila ang makapal na sinturong
Dulo’y yari sa kinalawang na bakal,
Na sabik lumapat sa balat.
Ngumiti ang demonyo saka natawa
Habang tumatangis ang kaluluwa.
Pilit niyang iginagalaw ang mga daliri,
Nakikipagbuno sa sinturon ng demonyo.
Napulot ang basag at kumikinang na salamin
Tila abot ang pag-asa’t tagapagtanggol,
Susi sa pagkakapiit sa hawla ng impiyerno.
Salamin ay nabuwal at nabasag.
Nabuhay ang kaluluwa,
Hawak ang basag na salamin.
Naroon ang repleksiyon ng sarili.
Binasag ito at isinaksak sa demonyo!