Liar Goes to Hell

By Allan Ace Dignadice
One-act Play

Mga Tauhan
Christian
Lucipher
Isang Lalaki

Tagpuan
Kasalukuyang panahon, sa ganghaan ng impiyerno.

Pagbukas ng ilaw at tabing, makikita ang isang malaking pulang pinto. Puti ang buong paligid maliban sa pinto. Sa gilid nito, may isang matandang lalaking nakaupo sa bangko. May darating na mas batang lalaki.

CHRISTIAN: Excuse me po, Manong, nasaan po tayo? Anong lugar po ito?

LUCIPHER: Nasa pinto ka papuntang impiyerno, iho.

CHRISTIAN: Naku! Sinasabi ko na nga ba! Sandali lang, kuya ha. Klaruhin lang natin. May rubrics ba kung paano ni’yo malalaman kung saan mapupunta ang tao pag namatay?

LUCIPHER: Nagbabasa ka ba ng Bibliya?

CHRISTIAN: O-oo naman!

LUCIPHER: E, bakit ka pa nagtatanong?

CHRISTIAN: E, kasi nga, nagsisimba ako tuwing Linggo. Nangungumpisal, nangongomunyon. Hindi ba sapat ‘yong mga saging na ino-offer ko tuwing Pasko? Saan napupunta ‘yong mga sukli na inilalaglag ko sa donation box?  Nagdarasal naman ako . . . Kaya nga, Manong, tinatanong kita, may rubrics ba kung paano mo malalaman ang kahahantungan ng isang tao?

LUCIPHER: Una, may iilang mali sa mga sinabi mo, iho. Base sa Bibliya, ang Sabbath Day ay nasa huling araw ng isang linggo, kaya kung pagbabasehan mo ang Gregorian Calendar, Sabado ka dapat magsimba. Pagkatapos, kung may reklamo ka tungkol sa pangungumpisal, komunyon, at mga offering mo, hindi naman ako ang arsobispo ng parokya ni’yo. Hindi dito ang lugar para magreklamo ka tungkol sa relihiyon mo. At panghuli, hindi ako ang nagpapasya kung saan mapupunta ang namatay na mga tao.

CHRISTIAN: E, sino?

LUCIPHER: Nagbabasa ka nga ba talaga ng Bibliya?

CHRISTIAN: Ano . . . A, kasi . . . Sige na nga, wala namang magbabago. Hindi! Ni minsan hindi.

LUCIPHER: Talaga! Hindi mo alam ang John 3:16? Kahit ang 1 John 4:8 na “God is love”?

CHRISTIAN: Nakikita ko lang ‘yong isang verse sa bus na lagi kong sinasakyan.

MATANDANG LALAK: Meron naman pala. Ano naman ‘yan?

CHRISTIAN: YBL 62019, “God Bless Our Trip.”

LUCIPHER: Hindi ka nga nagbabasa ng Bibliya. Teka, teka. Nagsisimba ka rin nga ba?

CHRISTIAN: Ay, oo naman. Kahit ‘yan, pagsisinungalingan ko pa ba?

LUCIPHER: Mamatay man?

CHRISTIAN: ‘Yan pa talaga ang banta mo sa akin, ha?

LUCIPHER: Kung nagawa mong magsinungaling na nagbabasa ka ng Bibliya, kaya mo ring magsinungaling na nagsisimba ka.

Hindi kikibo si Christian.

LUCIPHER: Tingnan mo na.

CHRISTIAN: O siya. Hindi na nga ako nagsisimba kasi Sunday shift ako sa paaralan. Pero kung walang pasok sa Linggo, dumadaan naman ako sa harap ng simbahan at nangungurus.

LUCIPHER: Totoo din kaya ‘yong kumpisal, aber?

CHRISTIAN: Kung minsan nga lang. Tapos pili lang. Kaya ko bang sabihin sa pari na nanonood ako ng porn?  Na nagma-masturbate ako sa mga magasing nabili ko sa may kanto? Hindi ko kayang sabihin ‘yon!

LUCIPHER: Sapat na bang rason ‘yon para hindi ka umako sa mga kasalanan mo sa Diyos?

CHRISTIAN: Mapagpatawad naman ang Diyos, di ba? Lagi naman siyang umiintindi. Ano pa ang dahilan na isusumbong ko ang mga kasalanan ko sa pari kung papatawarin din naman ako ng Diyos?

LUCIPHER: Ikaw ang bahala.

CHRISTIAN: Tapos hindi pa ba ako mapapatawad ng Diyos kung palagi naman akong naghuhulog ng barya sa donation box? May paprutas din akong offering kung may okasyon, Pasko, anniversary ng parokya, at Semana Santa.

LUCIPHER: Sino ba ang kumukuwestiyon sa panata mo?

CHRISTIAN: Ikaw! Kanina mo pa kinukuwestiyon ang pananampalataya ko! Hindi naman nasusukat ang pagkabanal kung palagi kang nasa simbahan. ‘Yong iba nga, mas masahol pa sa akin pero kung makaiyak sa misa akala mo nag-aparisyon sa kanila ang Birhen ng Barangay. May mga kakilala nga ako na imbes maghulog sa offering ay nangungupit pa.

LUCIPHER: Bakit mo ikinokompara ang sarili mo sa iba? Hindi ba ang kaligtasan ay indibidwal at hindi naman grupo-grupo.

CHRISTIAN: Pakiramdam ko kasi nadaya ako.

LUCIPHER: Paano ka naman nadaya?

CHRISTIAN: No’ng lumapit sa bahay namin ang mga katekista, sinabi nilang gawin ko ito, gawin ko iyan upang masalba. Gano’n din ang sinabi ng mga misyonaryong ‘Kano. At no’ng mga naggigitara na may dalang mga sobre. Tapos sa huli, wala namang nangyari. Impiyerno pa rin ang bagsak ko!

LUCIPHER: Kasi nga, wala namang relihiyon ang makakasalba. Ikaw lang at ikaw ang nakakaalam kung sapat ba ang pananampalataya mo para tanggapin ka sa Langit.

CHRISTIAN: Hindi na ba talaga ako makakapunta sa Langit?

LUCIPHER: Bakit mo naman naitanong?

CHRISTIAN: Mabait naman ang Diyos, di ba? Baka kung makiusap lang ako sa kaniya, sabihin ang mga pandaraya na sinabi ng mga tao sa akin. Ang mga rason kung bakit hindi ako laging nakakasimba o nakakakumpisal. Na sadyang nagmamadali lang ako tuwing umaga kaya di na ako nakakadasal at sa gabi nama’y pagod na kaya mabilis naiidlip. Kung makakausap ko lang ang Diyos, baka-sakaling makalusot pa ako papuntang Langit.

LUCIPHER: Bakit, ayaw mo ba dito sa Impiyerno?

CHRISTIAN: Di ba nga, tulad do’n sa mga pelikula, mainit, madilim, at nakakatakot ang Impiyerno. May di maapulang apoy, naglalagablab na mga bato, at nakakatakot na mga nilalang ang nagkukubli sa kadiliman ng Impiyerno!

Tatawa si Lucipher.

LUCIPHER: Alam mo, hindi ka lang sinungaling, madali ka pang maloko! Tingnan mo ngayon ang paligid. Ito ba ang mainit, madilim, at nakakatakot na lugar na iniisip mo? Pinananatili ko kayang malinis ang lahat dito . . . Naiinitan ka ba?

CHRISTIAN: Hindi.

LUCIPHER: Kasi nga hindi naman mainit sa Impiyerno. Ni hindi nga madilim o nakakatakot. Payapa, di ba?

Titingin sa paligid si Christian.

CHRISTIAN: Oo nga no? E, kung payapa rin dito, ano ang pinagkaiba ng Langit?

LUCIPHER: Wala! Wala talaga! Gusto lang ng Diyos na kasama niya ang mababait at malayo sa kaniya ang mga di masyadong mabait. ‘Yong mababait kasi, alam ng Diyos na madali silang susunod sa mga utos niya kaya gusto niya sila doon.

CHRISTIAN: Parang mga . . . alalay?

LUCIPHER: Kung sa konsepto mo bilang tao, e di oo.

CHRISTIAN: Nakasulat din ba ‘yan sa  Bibiliya?

LUCIPHER: Oo naman! Tingnan mong naidulot sa ‘yo ng hindi mo pagbabasa ng pinakaimportanteng aklat sa lupa.

CHRISTIAN: (Sa sarili) Kung gayon . . . A, kaya pala . . . (Sa kausap) Teka muna, sino ka ba? Bakit alam mo ang lahat ng ito? Ikaw ba ang Diyos?

LUCIPHER: Malapit na. Pero isang rangko lang na mas mababa.

CHRISTIAN: A . . . Ano . . . A.  Sirit na!

LUCIPHER: (Tatayo) Ako si Lucipher, ang “Tagapagdala ng Liwanag sa Kaharian ng Diyos!”

CHRISTIAN: Satanas? Ikaw si Satanas!

LUCIPHER: Saan mo naman napulot ang pangalang iyan?

CHRISTIAN: Diyan ka kilala sa lupa. Ikaw si Satanas, ang panginoon ng mga demonyo!

LUCIPHER: Ano? Ganyan ako sa lupa? Hindi ang “Tagapagdala ng Liwanag sa Kaharian ng Diyos?” Ang sakit naman!

CHRISTIAN: Bakit, mabait ka ba talaga at hindi masama?

LUCIPHER: Grabe naman ang tanong mo! Masyadong personal.

CHRISTIAN: Pero sabi mo sunod ka sa rangko ng Diyos, e bakit nandito ka sa Impiyerno?

LUCIPHER: At bakit hindi? Ito ang pangalawa sa mga kalupaan ng Diyos. Isa itong napakalaking responsibilidad na sinuman ay mangangarap na kunin.

CHRISTIAN: Kung gayon, ipinagkatiwala sa ‘yo ito ng Diyos mismo?

LUCIPHER: Oo, Christian. Tama ka.

CHRISTIAN: Paano mo nalaman ang pangalan ko?

LUCIPHER: Matagal na kitang sinusubaybayan, Christian. Nakita ko ang paghihirap mo upang maipakita ang pananampalataya mo. Kahit alam mong mali. Pero alam ko ang nasa puso mo. Isa kang mabuting tao.

CHRISTIAN: Isang napakalaking papuri naman muli sa ’yo, Ginoong Lucipher.

LUCIPHER: Ginoong Ipe na lang. Ipe ang palayaw ko.

CHRISTIAN: Salamat, Ginoong Ipe. Bakit ni’yo naman ako pinapanood mula dito sa Impiyerno?

LUCIPHER: Nagdaan na ang palugit ng buhay ko, Christian. Ilang dantaon na rin ang inilagi ko sa serbisyo sa ating Diyos. Inabot na ako ng katandaan at kailangan na ring magpahinga. Christian, alam kong ikaw ang pinakabagay upang humalili sa posisyong aking iiwan.

CHRISTIAN: Talaga! Ikalawa sa pinakamataas na posisyon sa Diyos? Sa akin mo talaga ibibigay?

LUCIPHER: Nakita ko kung paano mo ipinaglaban ang katotohanan sa likod ng bawat kasinungalingan sa iyong puso. Alam kong gusto mong magbago . . . Kaya tulad ng iyong hiling, kakausapin ka niya upang ipaalam sa iyo ang mga katungkulan sa bago mong posisyon.

CHRISTIAN: Hindi talaga ako makapaniwala. Kanina lang pa—

Matitigilan si Christian.

LUCIPHER: Oo, hindi ka pa patay. Hindi puwedeng magbantay sa ikalawang kalupaan ng Diyos ang isang patay. Ang kailangan ay isang buhay na taong kinayang labanan ang mga kasinungalingan na nananahan sa kaniyang puso.

CHRISTIAN: Paano naman tayo makakapunta sa Diyos? May malaki bang kamay na kukuha sa atin o may ilaw na hihigop sa atin pataas?

LUCIPHER: Ano sa tingin mo ang pintong ito?

CHRISTIAN: Huwag mong sabihing . . .

LUCIPHER: Wala talaga tayo sa Impiyerno, Christian. Narito lang tayo sa Langit. Sa labas ng Opisina ng Diyos. Kaya pumasok ka na at alam kong hinihintay ka na niya.

CHRISTIAN: Maraming salamat, Ginoong Ipe! Hindi kita bibiguin sa pagpili mo sa akin!

Mabilis na pumasok sa pinto si Christian. Agad itong nagsara. Maririnig ang mga sigaw at iyak sa likod ng pinto habang umupo muli sa bangko si Lucipher. Biglang itinaas ni Lucipher ang kaniyang palad at huminto ang lahat ng tunog.

May darating na isang lalaki.

ISANG LALAKI: Nasaan ho tayo, Manong?

Magdidilim ang ilaw at magsasara ang tabing.

Advertisement