Sa Likod ng Ngiti ni Joy

By Ralph Jake T. Wabingga
Flash Fiction

pagkatapos ng isang guhit ng isang nakangiting batang babaeng Tboli

Mataas na ang sikat ng araw ngunit hindi pa nakaalis ng bahay si Aleng Lolita dahil tulog pa rin ang anak niyang si Joy. Espesyal ang araw na ito dahil isang malaking kasiyahan ang idaraos sa bayan at maraming dayuhang turista ang pupunta upang makita silang mga katutubong Tboli.

Sa isip ni Aleng Lolita ay dapat maganda ang kaniyang anak sa pagdiriwang na ito. Kaya kagabi, inilabas niya mula sa maingat na pagkakatago ang isang kasuotang Tboli na isinusuot lamang tuwing may mahahalagang okasyon. Espesyal na hinabi ang kasuotang ito para lamang kay Aleng Lolita noong dalagita pa siya. Ngayon, maisusuot na rin ito ng kaniyang anak sa kauna-unahang pagkakataon.

Ginising ni Aleng Lolita si Joy, na bumangon at naghanda na sa pagkakataong ito. Napansin ng ina na nakasimangot ang kaniyang anak at alam niya bakit. Ayaw ni Joy na pinagpipiyestahan siya dahil sa kaniyang suot at ayos. Hindi ito pinansin ni Aleng Lolita at nagpatuloy sa pag-aayos sa anak.

Ipinasuot ni Aleng Lolita ang isang blusang may magagarang palamuti at makukulay na burda. Makikita rito ang maliliit at kumikinang na tatsulok na ibinurda sa harap ng blusa. Sa mga manggas naman ay may mga hugis-tatsulok ding may iba’t ibang kulay—pula, bughaw, at dilaw.

Ipinasuot pagkatapos kay Joy ang palda na gawa sa hinabing tnalak at inilagay ang makulay na sinturon paikot sa baywang niya. Ipinasuot din sa dalagita ang dalawang malalaking kuwintas at isinabit sa kaniyang tainga ang dalawang mahahabang hikaw. At upang makompleto ang kasuotang Tboli ni Joy, inilagay ni Aleng Lolita ang salakot na binalot ng pulang tela at may makukulay na dekorasyon. Sa wakas, handa na si Joy para sa kasiyahan!

Nang marating na ng mag-ina ang bayan, nakita nila na hindi mahulugang karayom ang plasa sa dami ng tao. Sa gitna ng plasa, may entabladong kinauupuan ang iba pang dalagang Tboli na nakasuot din ng kanilang katutubong kasuotan. Pinagkakaguluhan sila ng mga turistang kinukunan sila ng mga larawan.

Pinaupo na rin ni Aleng Lolita si Joy sa entablado at sinabihang ngumiti sa mga kamera. Hindi ngumiti ni Joy at tiningnan niya sa halip ang iba pang mga dalagang nasa entablado—masaya silang nagpapakuha ng larawan sa mga turista.

Sinenyasan ulit ni Aleng Lolita si Joy na ngumiti ngunit umiling ang dalagita. Pinagtitinginan na sila ng mga turista kaya inirapan na ni Aleng Lolita ang kaniyang anak. Dahil sa halong takot at inis, walang magawa si Joy kundi sundin ang kaniyang ina. Dahan-dahang pilit na ngumiti si Joy sa harap ng mga turista.

Advertisement