Mula sa Kaniyang Humango sa Kanilang Lahat

By Jeric F. Jimenez
Poetry

Hinukay ko ang labi ng mga mamamahayag na wasak
ang bungo, tadtad ng bala
ang buong katawan at nakababa ang siper ng kababaihan.
Ginamit akong pangaykay.
Ginamit ako upang walwalin ang lupa sa Barangay Salman,
ang barangay kung saan tahimik ang umpukan ng mga babaeng Muslim.
Walang imik ang maso ng mga kalalakihan at malungkot
ang supa-supang lollipop ng mga binatilyo.
Ako ang nagsilbing saksi paanong pagpatong-patungin ang mga sira-sirang
sasakyan nang lalo silang mabaon sa lupa
at kasamang maisudsod ang kaluluwa ng pamamahayag.
Ikinahihiya ko ang pagkakaroon ng mahaba’t malalim na palad.
Ang lapad kong lalo pang lumuray sa lamanloob ng mga bangkay.
Ikinahihiya ko ang sarili ko.
Tulad ng mga nawawala’t kamag-anak nilang naghahanap
saan nga ba sila magtutulos ng kandila?
Kung tiyak ang pumpon ngunit ginutay-gutay ang nakahimlay,
saang kampusanto nila itatarak ang dalamhating sa araw-araw, buong-buo
at lalong bumabaon sa pinakaubod ng kanilang mga damdamin?
Saang bahagi ng Barangay Salman nila iaalay ang kanilang mga luha
kung isa-isang itinutumba ang nagbibigay ng simpatya
kung ibinabayubay at winawarak ang tiyan ng mga nagtatampol
sa kanila ng malumanay na iling?
Papaano nila isisigaw ang katarungan
kung dinilig na ng salapi ang prinsipyo,
kung binuhusan na ng gintong burak ang buhanging pinagkutkutan?
Makakamit bang talaga ang hustisya kung pagala-gala pa rin ang tiyanak
at ang mga aswang, saklot-kasiyahan?
Puno ng hilakbot ang nag-iisa kong kamay.
Balot pa rin ng takot ang Barangay Salman.
Ngunit nakararamdam ako ng gimbal di lamang sa Maguindanao,
di lamang sa suyok-suyok ng Kamaynilaan
kundi maging, at lalong lumalakas ang lagunlong
at galit sa pusong umiilanlang hanggang sa kanayunan
pasanib sa mga kabundukan.

Advertisement