By Rogelio Braga
Novel Excerpt
Bahagi ang sumusunod ng unang kabanata ng nobelang pangkabataang Si Betchay at ang Sacred Circle: Ang Lihim ng Nakasimangot na Maskara, na inilabas ng Balangiga Press noong 2017.
Madaling araw ng Lunes nang ipinatawag ni Ma’am Soraida ang barkadang Sacred Circle sa McDonald’s. Halos hindi pa lumalabas ang araw nang unang dumating, tulad ng inaasahan, si Baloy, na siyang pinakamatanda sa anim. Napansin kaagad ni Ma’am Soraida ang itim na kotse na naghatid kay Baloy sa harap ng McDonald’s sa kanto ng Tandang Sora at Commonwealth Avenue. Nakasuot pa ng sunglasses si Baloy nang pumasok sa McDo.
“Good morning, Ma’am Soraida,” ang bati ni Baloy. Hinubad nito ang sunglasses at napansin kaagad ni Ma’am Soraida sa mga mata ni Baloy na tila nahirapan itong gumising sa madaling araw para sa ipinatawag niyang pulong ng Sacred Circle. “I can sense the urgency. I wonder ano na naman ang case na ito, Ma’am Soraida.”
Magkasabay na dumating sina Anna at Azalea. Mabilis silang naupo sa harapan ni Ma’am Soraida. Binati kaagad ni Azalea ang belo na suot ni Ma’am Soraida. “Blue,” panimula ni Azalea. “I think this is going to be a very serious discussion.” Tumayo si Anna at lumapit sa counter para bumili ng kape para sa kanilang apat.
Sumunod na dumating si Hamida. Sukbit nito ang malaking bag na gawa sa katsa, naka-jeans, rubber shoes, at dilaw na belo. Bumati ito ng assalamu alaykum kay Ma’am Soraida at sa grupo.
“Girl, bakit yellow ang hijab mo?” bati kaagad ni Azalea. “I thought Monday is green day?”
“Hindi natuyo kahapon ang iba kong mga kumbong. Bad trip nga, e. So, ano ang meron sa atin?”
“Meeting,” sagot ni Azalea, nakatingin siya sa labas sa mga dumaraang tao. “I hate yellow in Monday mornings.”
Bumalik na si Anna sa mesa. Naglabas ng lipgloss at nagpahid sa mga labi. Naglabas din siya ng foundation at naglagay sa magkabilang pisngi. Nagsimula na ang kanyang araw.
“Girls, we have to wait for Betchay and Jason,” panimula ni Ma’am Soraida sabay higop ng kape. “This is going to be a serious discussion. Ayaw ko nang ulitin pa ang details matapos kong ipaliwanag. Baloy, can you check nasaan ang dalawa?”
Naglabas ng cellphone si Baloy at tinawagan si Jason. Walang cellphone si Betchay. Wala rin siyang Facebook, Twitter, at Instagram. Email lang ang mayroon si Betchay at telepono sa bahay nila.
“Girl, where are you, kasi ten centuries na ang lumipas?” banas na tanong ni Baloy. “As usual, late na naman kayong dalawa ni Betchay. Bilisan ninyo. This is serious daw.”
Kalahating oras pa ang dumaan bago dumating sina Jason at Betchay. Tumayo muli si Anna para umorder ng kape para sa mga bagong dating. Magpinsan sina Jason at Betchay at nakikitira si Jason sa pamilya ni Betchay.
“Nakakaloka naman ito, Ma’am Soraida,” bungad ni Jason. Nakasuot siya ng green na polo shirt at kahel na pantalon. “Bakit kailangang alas-sais ng umaga ang meeting na ito? Tingnan po ninyo, wala pang masyadong jeep na bumibiyahe sa Tandang Sora.” At humikab si Jason na sa sobrang lakas ay nakaagaw siya ng pansin ng mga tao sa kabilang mesa.
“Betchay,” panimula ni Ma’am Soraida. “Ikaw na ang magpaliwanag sa kanila.”
Tumindig si Betchay pero nanatili sa tabi ni Ma’am Soraida. Hawak niya sa kanang kamay ang kapeng nag-aasó pa. Huminga muna siya nang malalim bago nagsimulang magsalita.
Nanatiling nakatingin sa labas si Azalea.
“Nagkausap na kami ni Ma’am Soraida kagabi sa telepono,” panimula ni Betchay. “Sacred Circle, prepare yourselves, we are leaving for Negros this afternoon.”
Napanganga sa gulat ang Sacred Circle. “Well… Negros! Bongga! Bongga, di ba?” si Jason lang ang tumugon sa grupo matapos ang halos isang minutong katahimikan.
“For me, this is going to be a vacation,” si Baloy ang unang nagpahayag ng pananabik. “I’ve never been to Negros.”
“I’m always ready,” sabad naman ni Hamida. “I am always ready.”
Napatingin ang lahat kina Azalea at Anna, naghihintay ng kahit anong tugon mula sa kanila. Nagkatinginan ang kambal at sabay na napaoo, “Sige, game kaming dalawa.” Mahahalatang hindi na naman nagpaalam sa mga magulang nila ang dalawa. Sila ang pinakabata sa grupo, halos labing-anim na taong gulang lamang. Pero nahinuha kaagad ni Ma’am Soraida na wala na naman ang mga magulang nila dahil malaya silang nakalabas ng bahay sa madaling araw. Smuggler ang nanay nila na palaging nasa labas ng Maynila at tanyag namang computer hacker ang tatay nila na marahil nagtatago na naman sa batas o nasa labas ng bansa.
“Actually, Sacred Circle, you have no other options but to go. I have your tickets na,” paniniguro ni Ma’am Soraida na may ngiti na sa mga labi. “Consider this as your vacation. Na-aarange ko na lahat pati ang titirhan ninyo roon. May kaibigan ako sa Negros and she will accommodate you. She is our client. Medyo weird ang gig na ito pero alam kong masasakyan ninyo. Aren’t you all excited?”
“We are excited, Ma’am Soraida,” diin ni Betchay na siyang lider ng Sacred Circle. “We’ll accomplish everything at hindi kami babalik dito hangga’t hindi nabibigyan ng kasagutan si Mrs. Weil.”
Ibinaling ni Azalea ang tingin niya kay Betchay. Nang nagtama ang kanilang mga mata, inirapan niya si Betchay.
Si Betchay ang unang kasapi ng Sacred Circle. Labingwalong taong gulang siya at siya ang kanang kamay ni Ma’am Soraida. Makulay ang kabataan ni Betchay na siyang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang pagtitiwala sa kanya ni Ma’am Soraida. Napulot ni Ma’am Soraida si Betchay sa isang liblib na komunidad ng mga Blaan sa Sarangani. Napadaan doon ang grupo nina Ma’am Soraida nang tinatakasan nila ang isang platoon ng mga sundalong Filipino na humahabol sa kanila. Sunog ang lahat ng bahay sa komunidad at ang tantiya nina Ma’am Soraida at ng mga kasama niya, kagagawan ito ng mga sundalo. Madalas kasing pagkamalan ng mga sundalo ang mga lumad na umaanib sa New People’s Army. Freedom fighter pa noon ng MNLF si Ma’am Soraida at estudyante sa kolehiyo sa Cotabato City kung nasa siyudad naman siya. Narinig niya ang iyak ng isang bata mula sa isang sunog na dampa. Sinundan nila ang uha at natagpuan ang isang sanggol sa sunog na dampa. Wala itong kasama. Marahil isa sa mga bangkay na nakahandusay sa lupa ang ina nito, pero maraming patay, hindi bababa sa singkuwenta.
“Alhamdullilah!” Napasigaw si Ma’am Soraida. “Buhay pa ang bata! Buhay pa ang bata!”
Ibinaba ni Ma’am Soraida ang sukbit niyang AK-47 at nilapitan ang sanggol. Nandilat siya nang mahawakan ang sanggol. Malagkit itong tila nababalutan ng madulas at kumikintab na balat—kaliskis. Dali-dali niyang dinampot ang kanyang armas na nasa lupa.
“Bakit Soraida?” ang tanong ng isa niyang kasama.
“Jinn…” ang naisagot lamang ni Soraida. Nanghihilakbot na itinuro niya ang sanggol. “Anak iyan ng mga tonong.”
Lumapit ang mga kasama sa sanggol, nakatutok ang kanilang mga baril. Biglang tumawa nang malakas ang sanggol. Tumawa nang tumawa na parang may kalaro. Nang lapitan pa nila ang sanggol, nahinuha nilang kaliskis ng ahas ang nakabalot sa katawan nito. Anak ng dambuhalang ahas ang sanggol na Blaan. Dinampot ni Soraida ang sanggol, inalis ang mga kaliskis na hindi naman pala bahagi ng kanyang balat, at kinarga niya sa dibdib na parang sariling anak. Dinala ni Soraida ang bata pababa sa Gensan. Dinala niya hanggang lumuwas siya ng Maynila para ipagpatuloy ang pag-aaral ng kolehiyo sa Philippine Normal University para maging isang guro. Ipinaampon niya ang sanggol sa kanyang kababata at matalik na kaibigan na noo’y may asawa nang doktor pero walang anak. Itinuring nilang anak si Betchay pero hindi nila itinago sa bata ang katotohanan tungkol sa pagkatao nito. Itinuturing ni Betchay na ina niya rin si Ma’am Soraida. Madalas din siya sa bahay ng guro at palagi siya nitong isinasama sa Lanao kung bumabalik si Ma’am Soraida sa kanila sa Marawi. Tulad ng lahat ng kasapi ng Sacred Circle, marunong din si Betchay ng basic combat at sa paghawak at pagpapaputok ng iba’t ibang uri ng baril.
“Mrs. Weil?” Si Anna, habang hawak ang eyeliner. “Who is she?”
“Kaibigan ko. She will accommodate you sa Silay City,” sagot ni Ma’am Soraida. “Tulad ng nasabi ko kanina, siya rin ang client namin. Nagbigay na siya ng advance payment, at kung maresolba natin ang kaso—malaki ang makukuha nating bayad and we can go on vacation.”
“Kakaiba ang pangalan niya. Imported?” Palagi, si Hamida ang mausisa sa mga pangalan ng mga lugar, tao, at pangyayaring bago sa kanyang pandinig.
“No. Filipino si Mrs. Weil,” pagpapaliwanag ni Betchay. “She is from Negros.”
“She has a weird name. I do not trust people with weird names,” salo ni Baloy habang patuloy sa pagte-text. Ipinahahanda na niya ang mga gamit na dadalhin sa biyaheng patungo sa Negros.
“Yes—and she has a weird problem, too.” Malayo ang tingin ni Betchay. Alam niyang isa na naman itong mahirap ngunit kapana-panabik na kasong reresolbahin ng Sacred Circle. “I’m sure magugustuhan siya ni Azalea,” biro ni Betchay.
“Shet! Bakit mo naman nasabi iyan? Is she a lesbo, too?”
“No, Baloy. She is a Marcos loyalist!” sagot ni Betchay.
“My God!” bulalas ni Jason. “Punyeta! Naaalibadbaran ako sa mga loyalist ng mga Marcos, Ma’am Soraida. Hindi pa ba sapat na may kasama tayong lesbiyanang apologist ni Marcos? I can’t!” Si Azalea ang tinutukoy niya.
“Putang ina mong bakla ka. You should know your history—”
“Excuse me, iha, you should know your history!” Hindi pa man natatapos si Azalea, sinagot na siya ni Jason.
“Palibhasa, maka-Aquinong dilawan ka!” Ibinagsak ni Azalea ang baso niya ng kape.
Tahimik lang ang grupo. Ayaw na nilang makisalo sa pagtatalo ng dalawa. Minsan na nilang pinagtulungan si Azalea at nauwi lang sa pagdadabog at hindi pagpaparamdam ng ilang linggo ng kaibigan. Ayaw na ring makisalo ni Anna dahil halos araw-araw na silang nagtatalo ni Azalea tungkol kay Marcos.
Itinaas ni Ma’am Soraida ang baso niya ng kape bilang pag-anyaya ng toast sa grupo. Ito na rin ang paraan niya upang basagin ang namumuong tensiyon kina Azalea at Jason. Itinaas ng anim ang kanilang mga baso at sabay-sabay na nagsabing, “Cheers sa Sacred Circle!”
“Never again!” habol ni Jason. “Never forget, mga bakla!”
Hindi na nakasagot si Azalea habang nakataas ang kanyang kamay.