Amalia

By Jerome Cenina
Poetry

Mahirap tukuyin sa mukha ni Amalia alin ang pawis at luha. Bakit pa tutukuyin kung pareho namang lumalabas na maalat kahit mapait man ang kaloob-looban?

Ang tiyak lamang, karga niya ang kaniyang sanggol habang nakatayo sa makitid na daanan ng mga tao sa tulay. Sa kanan, naghihintay ang ilog ng mga buwaya sa sandaling piliin ang tumalon. Sa kaliwa, humaharurot ang mga sasakyang sasagasa sakaling piliin ang tumawid.

Mula sa isang sasakyan, nabigong mahantong sa ilog ng isang batang marahil kasinggulang niya ang itinapong sitsirya.

Sa kaniyang kaloob-looban, tumatakbo ang alaala ng pagkabata: pinapangarap lamang na magalugad ang labas dahil pinagbawalan ng mga magulang hanggang sa nakahanap ng pagkakataon ng paglayang humantong sa kaniyang kasalukuyang kalagayan.

Hinawi ng hangin ang kaniyang magulo nang buhok, tila kinukutyang nasa labas na siya at hindi na makababalik sa kinalakhang loob. Nawalan na siya ng loob.

Hahakbang na si Amalia nang umiyak ang sanggol. Walang luha. Hindi nga naman laging magkasama ang pag-iyak at ang mga luha. Napangiti siyang naluluha saka humakbang papunta sa itinapong sitsirya.

Advertisement