Susi

By Aldrick Lawrence F. Velasco
Poetry

Batay sa sariling likhang-sining (akriliko sa kambas, 10 x 14, Agosto 2015)

Susi

Sa pagtilaok ng manok, sinisindihang
muli ng tagapaglikha ang kay tahimik
na umaga at sinasaliwan ng salítang
sayawan ng mga kalapati at kalampag
ng kampanang rinig sa lahat ng panig.

Sa kaliwang bulsa, salapi. Sa kanan,
susi ng suliraning matagal nang
tagapaglikha ng kalikasan ng inggit,
galit, yabang, at kasakiman.

*

May pintuan sa pinuntahan kong
liblib na sulok. Ipinasok ko ang sarili
sa nakitang lawak ng lagim at dilim.
Matapos dalawin ng antok, dumilat akong
nasa harap ng hapag na ang nakalapag
ay mga bilog na bungang bughaw,
dilaw, at dalandan. Nakapanlilinlang.
Nang mapatingala, nakita ko sa ilalim
ang kahoy na walang katapusan ang haba.

Ganito ako napanatag: kung naliligaw,
hindi dapat mag-alala, may parating
na sasamahan ka; kung napapagod,
sumandal sa balikat ng tagapalikha.

Sa kaliwang bulsa, salapi. Sa kanan,
susi ng suliraning matagal nang
tagapaglikha ng kalikasan ng inggit,
galit, yabang, at kasakiman.

*

Huwag mabahala: sa tagapaglikha
ng katapusan at simula ng panahon,
bumabalik ang buhay ng mga bungang bulok,
mahihinog ang mga hilaw at hihitik pa.

Advertisement