By Hannah Adtoon Leceña
Spoken Word Poetry
(Nagwagi ang pagtatanghal ng akdang ito sa Spoken Word Poetry Contest ng GenSan Summer Youth Camp noong 2017.)
Laging sinasabi sa akin ng nanay sa tuwing may nawawalang gamit sa bahay
na baka itinago lang daw ng mga duwende sa bahay,
na kapag nakiusap ka sa kanila ay ibabalik rin nila,
tulad ng mga pagkaing nawala,
at kinabukasan ay nasa mesa na.
Tulad ng mga kuwento ng lola
na si Tatay Biyan daw ay sumama sa isang sirena,
kesyo si Lolo ay nagustuhan ng isang diwata.
Mahal, puro sila haka-haka,
pero siguro totoo nga ang sabi-sabi ng matatanda.
Pero ayoko sanang maniwala sa mga bagay na hindi ko naman nakikita.
Pero siguro totoo nga, na hindi lang tayo ang nakatira dito sa mundo,
na hindi ilang kaw, hindi lang ako, hindi lang tayo,
dahil may iba, dahil may iba na, dahil may iba pala.
Pero ang pag-ibig nga sabi nila ay tunay na mahiwaga,
dahil hindi mo alam hanggang kailan ito mawawala,
sa panghabumbuhay na pag-aakala,
pero nauubos, nauupos, at nagtatapos din pala.
At no’ng nawala ka’y inari kong
baka kinuha ka lang ng mga engkantong di ko nakikita,
na baka nakalimutan mong magtabi-tabi po
kaya pinarusahan ka ng mga nuno sa punso,
Mahal, di ba sabi ko huwag kang maglalaro?
Na baka kailangan ko lang sumigaw, humiyaw
upang ilabas ka nila at kinabukasan ay naririyan ka na.
Aaminin ko sa iyo na no’ng bata pa ako
ay gustong-gusto kong magkaroon ng pangatlong mata
upang makita ang iba, pero masakit pala na makita ang iba,
na may iba ka, na akala ko iba ka sa kanila pero katulad ka rin nila.
Dahil kahit multo, maligno, impakto, o diyablo
ay magsasabing hindi ka nila itinago,
dahil ikaw mismo ang sa akin ay lumayo.
At hindi kailangan ng pangatlong mata para makita na ayaw mo na,
na lalaki pala, ang gutso mong makasama.