Hikbi ng Batang Matadero

By Dan Joseph Zapanta Rivera
Poetry

Pagkaraan ng dulang Si Maria Isabella at ang Guryon ng mga Tala ni Eljay Casto Deldoc at ng kuwentong “The Kite of Stars” ni Dean Francis Alfar

Ilang taon na ang nakalipas ngunit naalala ko pa rin
ang mga segundong galak lamang
ang ating nararamdaman sa paglalakbay,
ang mga minutong hindi alintana ang pagod at gutom
mabuo lang natin ang minimithi mong guryon,
ang mga oras na ating winaldas
upang mapunta tayo sa tinatawag nilang wakas.

Alam mo minsan, naiisip kong
paano kaya kung hindi ako sumama sa iyo?
Siguro ngayon, malaki na ang mga anak ko.
Siguro ngayon, ipinagluluto na ako ng asawa ko.
Siguro ngayon, may taong nagmamahal sa akin nang totoo
at hinding-hindi ako iiwan magunaw man ang mundo.

“Lorenzo, Lorenzo,” ang sigaw ng puso mo,
ngunit naisip mo ba ni minsang nandito akong nagmamahal sa iyo?
Naisip mo ba ni minsang nandito ako sa tabi mo,
kasama kang binubuo ang mga pangarap mo?
Naisip mo ba ni minsang mahalin ang isang katulad ko?

Malamang hindi.
Hindi ako kasingmestiso ni Lorenzo.
Hindi ako kasingyaman ng pamilya mo.
Higit sa lahat, wala akong teleskopyong kasinlaki ng kay Lorenzo.

Ano’ng magagawa ko kung patay na patay ka
sa lalaking ni hindi man lamang alam ang pangalan mo?
Maria Isabella, mahal na mahal kita,
ngunit ano’ng magagawa ko kung mas pinili mong
maging isa sa kaniyang milyon-milyong tala
sa halip na magsilbing liwanag at buwan sa buhay kong
tanging sa iyo lamang magkagulo-gulo man?

Ngayon, ako ay tuluyan mo nang nilisan,
ipinagpalit kay Lorenzong wala nang paningin.
Ngunit wala pa ring pagbabago sa aking pagtingin
sa mukha mong tila talang nagniningning
sa puso kong wala nang ibang hinangad kundi mahalin
ng isang babaeng katulad mo, Maria Isabella.

Paalam, aking tala.
Ni hindi mo man lamang nalaman ang aking pangalan.

Advertisement