By Jim Raborar
Play
(Itinanghal ang dulang ito sa 1st Drama Festival ng Apat sa Taglamig Productions, Inc. noong Pebrero 2012, sa pagdiriwang ng National Arts Month ng South Cotabato noong 2013, at sa Koronadal National Comprehensive High School noong 27-29 Disyembre 2014.)
Mga Tauhan
ELI: 36, tiyo nina Elton at Elias, matandang binata, nagsisilbing padre de pamilya ng mga Salcedo
ELIAS: 18, bunsong kapatid ni Elton, binata, 2nd year HRM na estudyante sa Maynila, guwapo at may pagkapilyo
ELLA: 23, kaibigan ng pamilya Salcedo, wedding coordinator nina Elton at Sophie
JANINE: 26, kabarkada at isa sa matatalik na kaibigan ni Elton; isang doktor sa Cebu Medical, mataray at fashionista
KELVIN: 26, best friend ni Elton, isang engineer
MIA: 26, naging classmate at matalik na kaibigan ni Elton, public teacher, unang nagkaroon ng anak sa barkada
NOAH: 6, anak ni Mia, matalinong bata
BRIGIDA: 23, assistant wedding coordinator ni Ella
ELTON: 26, kapatid ni Elias, magiging bana ni Sophie, civil engineer, katamtaman ang pangangatawan, guwapo
SOPHIE: 24, magiging asawa ni Elton, civil engineer, anak ng prominenteng pamilya sa Pampanga, maganda, matalino at mayaman pero mapagkumbaba
*
Panahon
Disyembre, taong kasalukuyan; magdadapithapon
*
Tagpo
Mangyayari ang dula sa pangalawang palapag ng bahay ng Salcedo, partikular sa palibot ng hapagkainan (na isang dining table na maaaring lapatan ng kobremesa o table runner at patungan ng isang center piece na panay prutas). Vintage type ang interior ng silid, capiz ang mga bintana, at nagkikintabang mga tabla ang dingding. Mayroon ding kahoy na estante na kinalalagyan ng picture frames ng barkada, mga libro, at mga palamuti. Sa isa pang aparador, may dinnerware na pinong tsina, glassware, at koleksiyong pangkomedor. Malapit sa lababo nakalapag ang oven toaster, blender, coffee maker, at iba pang gamit. Katabi naman ng aparador ang refrigerator at water dispenser. Sa kaliwang bahagi ng hapagkainan ang sala set na yari sa mga katutubong materyal at na may center table na pinapatungan ng mga magasin. Narito rin ang mga palamuting pam-Pasko at mga regalo para sa kasal. Sa kaliwang dulo naman ang lagusan pababa sa unang palapag.
Nasa hapagkainan si Eli na nagkakape. Naroon din si Ella na abala sa pagtsetsek ng reminders mula sa organizer nito.
Madilim ang tanghalan. Magsisimula ang overture. Musikang medley sa tugtog na pam-Pasko, pangkasal, at pambarkada. Titimplahin ang tugtog ayon sa temang komedya, malungkot, at masaya. Tatagal lamang ito ng tatlumpung segundo hanggang isang minuto.
Unti-unting liliwanag ang tanghalan kasabay ng paghina ng musika.
*
Eksena 1
ELLA: Naku, Tito Eli! Hindi na yata kayo makakatulog nito mamaya. Imagine, magsisidatingan na ang mga barkada ni Kuya Elton. Ever supportive talaga sila sa kasalan. Si Ate Janine, dadaan daw dito sa Pantua bago tutuloy ng The Farm. Si Kuya Kelvin naman hahabol na lang daw mamaya sa dinner, tatapusin niya na lang ang isang area sa Gensan. Si Ate Mia, naku, nagloloko pa ang anak kaya baka ma-late daw sila sa dinner. Nag-iinarte pa kasi si Noah. And the rest of the barkada ng kuya ay hahabol na lang. O, basta ang caterer, maya-maya lang ay magse-set up na ‘yon. So kailangang makapag-meet muna lahat ng kasali sa entourage bago simulan ang kainan.
ELI: E, kaya nga ako nagkakape. Para yatang ako na ang tumatayong magulang nina Elton at Elias.
ELLA: Ay, hindi halata!
ELI: Pambihira talaga ‘tong mga magulang nina Elton at Elias, ang suwerte naman! Ano pa ang magagawa nila e bukas pa sila darating. Itong si ate kasi, lahat inasa na sa ‘yo. Palibhasa’y mamera. Kawawang Elton.
Sandaling katahimikan.
ELLA: Choks lang ‘yan, Tito Eli. Kumikita naman ako.
ELI: Umayos ka. Maaga pa ako sa airport bukas at susunduin sina Ate at Kuya. Naku, wala na yatang pahingaan ‘to. Kanina, panay ang follow-up ko sa mga kaibigan ni Ate Ellen. Lahat dapat daw um-attend bukas. Kulit nang kulit kagabi pa, na isa-isahin ko raw puntahan ang invited friends niya. Sabi ko nga e, “Di pa ba sapat ‘yung invitations na ipinadala sa kanila?” Hayun, e lahat naman dadalo. Itong si Elias din, mula no’ng dumating ‘yan dito last Wednesday, aba’y bakasyunista! Alis nang alis ng bahay. Ayaw atang mawalay saglit sa siyota. Daig pa nila ang mga langgam at kuneho!
ELLA: Kuneho, Tito? Matatawa.
ELI: Ayan inumaga na ng uwi, namumula pa ng tsikinini. Lokong batang ‘yun, wala na ngang maitulong dito sa bahay, panay pa ang labas ng kotse. Palibhasa pag nag-i-iskul ‘yun sa Maynila e nagko-commute.
ELLA: Speaking of Elias, Tito, kailangan mai-fit niya muna ang barong. Tumawag kanina ang modista, hindi pa raw nasusukat ni Elias ang damit. Kailangan daw masukat ‘yon bago dalhin
sa hotel bukas. Kailangan yatang maisukat ‘yong lalim ng armhole.
ELI: Ha! Naku, ibang lalim ang sinusukat ni Elias, Ella. Ibang hole! Matatawa.
ELLA: Tito! Matatawa rin. Whatever hole man ang dinaanan niya, basta kailangan niyang mai-fit ang barong para sa armhole niya. Or else, ihuhulog ko siya sa manhole. May maririnig na busina mula sa ibaba kaya dudungaw mula sa bintana. Ay, saglit lang, dumating na ang caterer. Bababa na muna ako.
ELI: Pakisabi namang ‘wag munang ipa-chop ang letson. At na sa komedor na lang ilapag ang softdrinks.
ELLA: Si! Tito Eli. Bababa mula sa hagdanan sa kaliwa.
*
Eksena 2
Lalabas mula sa kanang bahagi ng entablado si Elias na kagigising lang. Kukuha siya ng juice sa ref at uupo sa hapagkainan saka magbabasa ng magasin.
ELIAS: Tito, ba’t magulo sa ibaba? Ano’ng meron?
ELI: May delubyo. O, ano naman ang plano mo sa kuya mo? Go-groomsman ka ba bukas o hindi? Tawag nang tawag na ang modista, hindi mo pa raw nasusukat ang lalim. Kasi naman ibang lalim ang inaatupag mo, Elias. Naku, pag nalaman to ng Kuya Elton mo, lagot ka, sige ka.
ELIAS: Naitahi na po.
ELI: Alin? Ang lalim?
ELIAS: Tito naman e, ang barong po. Hiramin ko po sana uli ang kotse mamaya. Susunduin ko lang po si Mae.
ELI: O, kagigising mo pa lang e, si Mae na naman ang nasa kukote mo. Kahihiwalay n’yo lang kaninang madaling araw. Nagkita din kayo sa panaginip mo kanina lang. Ngayon, gising lang ang pagitan, babalikan mo na naman. Ang asikasuhin mo ay ‘yung mga pinagagawa sa iyo ni Ella. Maligo ka na nga doon! Amoy… hmmmp! Amoy “L” ka talaga.
ELIAS: Ano na naman hong “L” ‘yan? Sasabihin n’yo namang LIBOG.
ELI: “L”… “ELIAS!” Sige na, maligo ka na. Darating ang mga barkada ng Kuya Elton mo.
ELIAS: Opo. Uubusin ang juice at gagawi na ng kuwarto niya. Tito, pahingi naman ng imported shampoo, ha.
ELI: Gamitin mo na lahat sa banyo, ‘wag lang ang towel ko.
ELIAS: Tamang-tama, dry na po ‘yung bikini n’yo sa banyo. Tatawa. Joke lang po!
ELI: Lokong batang ‘to.
*
Eksena 3
Babalik si Ella sa itaas papasok mula sa kaliwang bahagi ng tanghalan na magsisilbing lagusan patungong hagdanan, pero hindi na makikita ng mga manonood ang hagdanan.
ELLA: Okey na po, Tito. Kumpleto ang menu at may dagdag pang mga champagne. Tiyak na mag-e-enjoy tayong lahat mamaya. And you know, Tito, may bonus! A, e, sa akin na lang po
‘yon.
ELI: Naku, Ella, anong bonus-bonus na naman ‘yan, ha? Tigilan mo ako. Naku, pag hindi masarap ‘yang caterer na ‘yan e lagot ka kay Elton mamaya.
ELLA: Tito, naman, i-discount ko po, dahil nga in love sa akin ‘yong caterer! Panay ang kindat ba naman sa akin. Kaya pala no’ng nag-kitchen test kami last week e aligid nang aligid sa akin. Sinubuan pa ako. Hay, ang sarap sa lalamunan! Hahaplusin ang lalamunan saka dudungaw sa bintana. Hayun! Halika, Tito. Ang landi ng tingin, o! Dali na, Tito, tingnan mo. Kakawayan ko, ha. Magmumuwestra ng kaway, tatawa, at medyo maglalandi.
ELI: Sasama sa pagdungaw sa bintana. Magtataka at maghahanap. Alin diyan? Saan?
ELLA: ‘Yon po, o, ‘yong naka-blue. Ano ka ba, Tito? ‘Yong kumakaway.
ELI: Ha! Ilusyonada ka ba naman, Ate. Tumigil ka kung ayaw mong isang araw e home for the aged na ang catering services niyan at ikaw e maging caregiver wife. E, ang tanda na niyan! May mapapansin sa mamang naka-blue. Oy teka, pansinin mo nga kung may nunal siya sa kanang pisngi?
ELLA: Eksakto! Tandang-tanda ko po, kasi naman ‘yon lang ang bagay na gumuhit sa paningin ko no’ng idinilat ko ang mga mata ko matapos niya akong subuan.
ELI: Sigurado ka?
ELLA: Oo naman!
ELI: Siya nga!
ELLA: Oo, siya nga!
ELI: E, siya ‘yung ninong ni Elias na hindi sumipot sa binyag noong araw dahil… Naku, Ella, lagot ka diyan. Buti na lang bukas pa ang dating nina Kuya at Ate.
ELLA: Bakit ano po ‘yon? Kilala ba siya ni Elias?
ELI: Hindi! Ng Kuya Ben, oo, pero ayaw ng Ate Ellen. Naku, patay! Basta mahabang kuwento!
ELLA: Nobela?
ELI: Epiko! May fantasy pa!
ELLA: Hay naku! Naguguluhan ako. Tito Eli naman, magkuwento nga kayo.
ELI: Ang haba nga e.
ELLA: Buod! Lagom! Summary! Precis! Gist! Sige na. Or gusto n’yo, papatuluyin ko siya dito sa hapagkainan nang magkita sila ni Elias. Para maipakilala natin siya kay Elias.
ELI: Huwag! ‘Yan ang huwag mong gawin, Ella. Okey, okey, ganito kasi ‘yun… Lalapitan si Ella at ibubulong ang buod ng kuwento tungkol sa mamang naka-blue. Hindi na ito maririnig ng mga manonood. Mandidiri at parang nasusuka si Ella.
ELLA: Ha! Si Uncle Ben? Eew!
ELI: O, dahan-dahan! Bubulong muli.
ELLA: Ano? Naki-love triangle ang pari?
ELI: Shhhh! Patuloy sa pagbulong.
ELLA: Ano’ng nangyari?
ELI: Bubulong at wawakasan ang kuwento.
ELLA: Ay, ayaw ko na! Yucks! Dudungaw muli sa bintana at hahanapin ang mamang naka-blue. Magmumuwestra ng belat. Naku, Tito, buti na lang at bukas pa nga ang dating nina Uncle Ben. At hindi na nga maabutan ‘yang caterer na ‘yan! So, dapat hindi niya makikilala si Elias, baka kung ano pa ang sumunod sa epiko!
ELI: Kaya nga, e. Ikaw ba naman kasi, kung bakit sila pa ‘yung kinuha mong caterer?
ELLA: E, masarap siya! Este ang sarap niya, ay este masarap ‘yong luto nila. Ano ba?
ELI: Hay, ang buhay nga naman. Kukunin ang cellphone at titingnan ang mensahe. Babasahin nang walang tunog. O, kailangan ko munang sunduin sina Mia sa mall. Si Noah kasi, ayaw bumitiw ng X-Box. Ikaw na muna ang bahala rito. Maghahabilin kay Elias ngunit hindi na papasok ng silid. Elias! Gagamitin ko muna ang kotse, mag-single ka na lang mamaya. Basta pag nasa Koronadal ka lang, kahit ilang libot niyan sa roundball okay ‘yan! Elias? Elias, narinig mo ba ako? Kay Ella. Ikaw na nga ang magsabi diyan. O, tuloy na ako.
ELLA: Sige po, Tito! Ingat kayo. Lapitan n’yo si Mr. Blue. Bulungan n’yo ng “Utot mo blue!”
ELI: Hindi, sasabihin kong patay na patay ka sa kanya. Papalabas ng entablado sa kaliwa.
ELLA: Oy, Tito, joke lang ‘yon. Tito!!!
*
Eksena 4
Maririnig ang busina ng kotse mula sa ibaba. Dudungaw muli si Ella sa bintana. Mae-excite.
ELLA: Mula sa bintana. Ate Janine! Ate Janine! Akyat ho kayo. Hoy, lalaki, pakitulungan naman si Ate Janine sa mga bitbit. Ingatan n’yo, galing Cebu ang mga ‘yan. Salamat! Sasalubungin mula sa hagdanan si Janine. Ate kumusta kayo? Miss yah, miss yah! Ang ganda n’yo pa rin.
JANINE: Okey lang ako. Medyo nakakapagod lang. Davao kasi ang flight na available, booked na lahat ng Gensan. Siyempre, almost five hours pa din ‘yon papunta dito sa South Cotabato. Idagdag mo pa ang 50 km/hr ng Polomolok at… life is too slow in Tupi! Puchaks, kuwarenta! Takbo ng porlon! O si Elton? Nasaan ang pogi kong classmate at groom to be? Si Tito Eli? May mapapansin. Ella, you’re blooming! You must have someone na, iha.
Kailan ka huling na-in love? Hay, makaupo nga.
ELLA: A, e, Ate, gano’n ho ba? Na in love? A, e, kani-kanina lang din po… at kabe-break lang din.
JANINE: Really? Why? What happened?
ELLA: It’s a long story to tell, basta change topic na lang.
JANINE: Pa-secret-secret ka pa diyan! Bakit, nobela?
ELLA: Epiko po. May fantasy pa. Sa mahinang boses na may dalang hiya.
JANINE: Saglit lang! Kahit ending lang!
ELLA: Bubulong.
JANINE: Ha! Really? Oh, oh my, Uncle Ben!
ELLA: Oy, Ate, never tell anybody ha? Lagot ako kay Tito Eli niyan.
JANINE: Matatawa. Swear! Oh my gosh! By the way, nasaan na ang mga pinsan mo? Si Tito Eli? Si
Elias? Asan na si Elton?
ELLA: Ay oo nga po pala. Si Tito Eli, sinundo lang sina Ate Mia sa mall. Ayaw kasi paawat si Noah, kanina pa laro nang laro ng X-Box. Si Elias naman, nasa kabilang kuwarto lang, nagpapahinga. Sina Kuya Elton at Sophie naman ay nasa location ng pictorial nila sa Barangay Paraiso yata. Kanina lang kasi dumating ang photographers from Davao. Humabol ng pre-nuptial pictorial. Tamang-tama, mga ala-sais ng gabi mamaya, makakapag-start tayo ng orientation bago tayo mag-dinner.
JANINE: A, gano’n ba. Kaya pala busy ang caterer sa ibaba. O, siya sige, ilapag mo na lang muna ang mga pasalubong ko diyan at ‘yong gift ko, dito na ‘yan. Huwag nang dalhin ‘yan sa reception bukas. Magdadala ako ng iba. At Ella, makinig ka. Gift ko dapat ang bubuksan bukas. Ako ang dadala ng maliit na gift. Kung may mas maliit pa, huwag mong kunin. Gift ko dapat ang bubuksan. Nagkakaintindihan ba tayo?
ELLA: Your wish is my command, Ate Janine. Ikaw pa. Noon pa man e ang lakas mo na sa akin.
JANINE: At teka nga Ella, ‘yong Sophie ba na ‘yan ay nakita na rin nina Mia at ng barkada? Never ko siya na meet in person. Sa Facebook kasi never ko siyang in-accept. Duh! Ano naman
kaya ang nakain nitong Elton ba’t napunta ‘yang Sophie na ‘yan sa kanya. Gurang na, ang landi pa. Alam mo, tama ang kutob ko sa babaeng ‘yan. Siya ‘yong lady “S” na may sex scandal sa YouTube. Ito namang Elton, akala ko noong araw, fling-fling lang ‘yan. Aba’y nagulat na lang ako last month, inobliga na akong mag-maid of honor. Buti na lang, na-set ko na agad ang pagbabakasyon. So, si Ate na muna ang magma-manage ng clinic sa Cebu.
ELLA: You know naman, Ate Janine, napaka-sweet ng Sophie na ‘yan. And what about the YouTube scandal? Talaga ho? Oy, matingnan nga natin. Hiramin natin ang laptop ni Elias. Excited na tutungong kuwarto ni Elias. Elias? Elias?
JANINE: Naku, naku, Ella! Not tonight. Maaga ka bukas sa hotel. Doon na natin panoorin. Matatawa. Exciting!
ELLA: Talaga ho, Ate? May itinatago pala ‘tong Sophie na ‘to. Matingnan nga. Pero wala na akong magagawa niyan, Ate Janine, ha. Bilang wedding coordinator at pinsan ni Kuya Elton, bayad ho ako nito. Sobra-sobra na nga ang dina-download from America ng Tita Ellen para sa wedding na ito.
JANINE: Who cares, Ella? Ano nga ang surname ng Sophie na ‘yan?
ELLA: Kapalaran po.
JANINE: Makapal! Matatawa. O paano, tutuloy na muna ako ng hotel. Tawagan mo na lang ako mamaya pag handa na ang lahat. Please tell, Tito Eli na magpe-freshen up lang ako.
ELLA: Sure, Ate. Sige ihatid na kita sa baba. Tutunguhin nila ang hagdanan pababa.
*
Eksena 5
Lalabas mula sa kuwarto si Elias, ngayo’y bagong ligo at kausap sa cellphone si Mae. Tinititigan din ni Elias ang mga pasalubong at regalo sa hapagkainan.
ELIAS: Daanan kita diyan, Babes… Ya, don’t worry… In an hour, ginamit pa ng tito ko ang kotse… Oo, sige na, isasabay kita sa modista mamaya then tutuloy na tayo dito sa bahay… Miss you too… Love you, love you. Papatayin ang cellphone at ikakabit ang earphones sa I-pod. Magbabasa ng adult men’s magazine.
Ilang saglit lang ay may bubusina mula sa ibaba at may mga aakyat. Si Mia at ang anak nitong si Noah. Bitbit ni Mia ang paper bags ng sapatos na gagamitin kinabukasan at mga pinamili para sa anak. Mauunang papasok mula sa kaliwang bahagi ng tanghalan si Noah.
NOAH: Excited na papasok at sasalubungin si Elias nang may pagkasabik. Yayakapin nito si Elias. Tito Elias! Merry Christmas po! Tito, miss ko na po kayo. Kailan po kayo dumating?
ELIAS: Merry Christmas! Oy, Noah kumusta na ang baby naming? Ang laki mo na, a. Saan sina Mommy at Daddy?
NOAH: Okey lang po ako, Tito. Nasa baba po si Mommy. May overtime pa po si Daddy sa work. Tito, pasalubong ko po, ha. Tito, ring bearer po ako bukas ni Tito Elton.
ELIAS: Gano’n ba? Oo naman, dinalhan kita ng favorite toys mo. Galing Maynila lahat ‘yun. Christmas gift ko na ‘yun, ha! Mamaya, bubuksan natin.
NOAH: Yehey! Yehey! Thank you po, Tito!
ELIAS: Basta good boy palagi, ha.
Papasok mula sa hagdanan si Mia sa gawing kaliwa.
MIA: Oy, Elias! Kumusta ka na? Ang pogi mo na, a. Kailan ka dumating?
ELIAS: Hi, Ate Mia! Tatayo mula sa kinaroroonan at makaligtaang naiwang nakabukas ang adult men’s magazine sa itaas ng coffee table na mapapansin naman ni Noah. Hahalik kay Mia. Okey lang po ako, Ate. No’ng Wednesday lang po ako dumating. Tamang-tama nga at Christmas break na rin sa Saint Benilde.
MIA: Oo nga ano. Merry Christmas! Buti na lang at nataon din sa bakasyon ang wedding ni Elton. Kakapagod nga, bago lang din ang break namin sa public schools. Si Noah, naku, ayaw paawat ng X-Box kanina sa mall. Hayun, nagpasundo na kami kay Tito Eli.
ELIAS: Nasaan na po si Tito Eli? gamit n’yo po ba ang kotse?
Papasok si Noah sa eksena, bitbit ang nakabukas na pahina ng adult men’s magazine.
NOAH: Tito Elias, meron din po nito si Daddy sa office. Katulad din po nito. Sabi ng Mommy, bad daw po ito. Mommy, bad din po si Tito?
ELIAS: Magugulat at tangkang aagawin sa bata ang magazine ngunit naisara na ni Mia. A, e, Noah! Kakamot sa batok at akmang napahiya. Ngingiti na lamang.
MIA: Hoy diyos ko, Anak. A, e, hindi bad si Tito. Hindi lang puwede ito sa mga bata, Anak. Para lang ito sa mga… sa mga, sa mga matanda.
NOAH: Pati po kay Lolo?
MIA: Naku! Naku, paano ba ito? Anak, oo at hindi. Basta sa susunod, malalaman mo rin, ha. Mamaya na sa bahay magpapaliwanag si Mommy, ha. Ibalik na natin to kay Tito, Anak. Magmumuwestra kay Elias na itago ang magazine.
NOAH: Opo, Mommy. Babalik sa sofa at maglalaro ng games sa cellphone.
ELIAS: A, Ate, pasensiya po. Maupo na ho kayo. Antayin na lang natin sina Kuya Elton at Ate Sophie. Tutunguhin ang kabinet at ipapatong ang magazine sa mataas na bahagi. Babalikan si Noah at kukulitin.
MIA: ‘Yon nga at nasa pictorial pa ang dalawa. Nagkasalubong din kami ni Janine sa baba at babalik lang daw siya later. Hayun, hinatid na ni Tito Eli sa hotel. Sina Kelvin at Caesar, hahabol din mamaya. Naku, ang ibang barkada, bukas na siguro ‘yon kasi naman napaka-busy nga naman ng panahon, Friday pa kasi e. Oy, Elias, maiba ako. Totoo ba’ng tsismis na ‘yan kay Sophie? Honestly, hindi ko pa ‘yan nakita in person, ha, pero kung ano-ano nang balita ang nakakarating sa amin. Totoo ba ‘yong Lady “S” sa YouTube? Naku, dapat nagdahan-dahan muna ‘tong Elton na ‘to. At saka ang tanda-tanda na ng Sophie na ‘yan, ha. Mukha na siyang nanay ni Elton. Hay, no’ng high school pa man kami, lapitin talaga ng kahit sinong babae ‘yang kuya mo na ‘yan.Feeling ko nga nadali ‘yan ng gayuma. Ano sa palagay mo, Elias?
ELIAS: Gayuma ho? Matatawa. Okey naman po si Ate Sophie. Bukod sa sexy, ang ganda no’n, Ate.
MIA: Hmp! Salcedo ka nga talaga, Elias! Matatawa rin. Maglilibot sa bandang likod ng hapagkainan at mapapansin ang mga dating larawang nakakuwadro sa estante. Hahawakan ang mga ito at wari’y may maaalala. Nakaka-miss ang high school life. Imagine anim na taon na si Noah, saka pa lang ikakasal si Elton, parang ang bilis-bilis ng mga pangyayari. Kailan lang ako nabuntis, ngayon, ring bearer na ang anak ko. Kaya ikaw, Elias, ‘wag kang tumulad sa amin na napaaga ang responsibilidad bilang magulang. Gayahin mo si Kuya Elton mo na nasa tamang edad na, may plano, at handa pa. Pero huwag na huwag mong gayahin ang pagkatanga ng kuya mo sa pagpili sa mapapangasawa, ha? Bukod sa eskandalosa na, matanda pa. Magtataray.
ELIAS: Matatawa nang bahagya. Okay po kami ni Mae, Ate. Kay Noah. Halika, Noah, pasyal tayo diyan sa labasan. Magmomotorsiklo tayo.
NOAH: Yehey! Sige po, Tito. Sa roundball tayo. Hihilain pababa si Elias.
ELIAS: Ate, sandali lang kami sa ibaba.
MIA: Sige, mag-ingat kayo. Dito na ako mag-aantay. Pagod pa ako. Noah, ‘wag masyadong malikot, ha? Mauupo sa sofa at magmumuni-muni.
NOAH: Opo, Mommy.
ELIAS: Halika na. Bababa.
*
Eksena 6
May mapapansin si Mia sa CD rack. Magpapatugtog ito ng kantang “I Say a Little Pray for You,” await, at may maaalala. Ilang saglit pa, darating sina Kelvin, Janine, Eli, at Ella. Tamang-tama at aabot sa koro nito ang kanta na siya namang sasabayan ng awit ng mga papasok sa hapagkainan. Kasama si Mia, mapapasayaw din sila. Maaring lapatan ng kaunting choreography ang kanta, kunwa’y dating nakasanayan na sayaw ng magkakabarkada noong high school. Maghihiyawan ang magbabarkada.
MIA/JANINE: Janine!/Mia!
KELVIN: Hey guys, kumusta? Yayakap at magbebeso kay Mia. Parang walang anak ‘tong si Mia, a. Si Pareng Nilo darating ba?
MIA: Male-late ‘yon. O, kumusta na ang engineer naming bro? Buti napaaga ang dating n’yo. Talagang totohanan na ang pagiging best man mo bukas?
KELVIN: ‘Yun nga e. E ako ang best friend, ano ang magagawa ko? Buti na lang at pareho kaming may panahon ni Janine. Kay Janine. Ano, Dok?
JANINE: I can’t afford to miss my cute classmate and friend’s wedding ‘no. E kung hindi lang si Elton, magki-clinic na lang ako sa Cebu. At siyempre, puwede ba kitang hayaan na lang na mag-isang maglakad sa aisle? Siyempre, hindi. Yayakapin si Kelvin. I missed you, Kelvin. O, kailan naman ang plano n’yo ni Joan?
KELVIN: Joan is just around. Masyadong busy pa kami at hindi pa namin napag-uusapan ang kasalan. Hopefully in a year or two.
JANINE: Well good for you. Ang saya lang, ‘no. Kahit once a year lang tayo nagkikita pero buo pa rin ang barkada. Isn’t it funny na gaano man ka-busy ang mga buhay-buhay natin ay napapanahunan natin ang magsiuwian?
ELI: O, paano naman kasi, pag nagyayaan kayo, e hindi n’yo naman iniisip minsan ang panahon at hindi n’yo rin matiis.
ELLA: Pagkatapos, pinipilit n’yo akong pauuwiin from duty para pagsilbihan kayong lahat. At ang Kuya Elton naman e pagtatrabahuin ako ng sangkatutak na paperworks pagkatapos ng reunion n’yo. Matatawa.
MIA: At nagmimistulang bistro ang bahay na ito. Imagine, mula high school hangggang nagkaroon na tayo ng propesyon, not to mention my little Noah, saksi na yata ang hapagkainan na ito sa bawat kabanata ng ating pagsasamahan. Walang nabago sa anyo. Ang mga capiz na bintana, mga larawan sa kuwadro, ‘tong mesa, ang sofa, bahay Salcedo pa rin. Ilang toneladang luha na kaya ang tumulo rito?
JANINE: Not to mention the sipon. Ang lakas mo pa naman pag sipunan na ang labanan, Mia. Matatawa.
MIA: Oy, not much ha. Mag iisip muli at may maaalala. Libo-libong bangayan, tampuhan, halakhakan… Hay, nakaka-miss.
KELVIN: Kahit ngayon dramatista ka talaga, Mia. Siyempre naman. E, bakit kasi dito na ang nakasanayan nating tambayan? May iiba pa ba sa hapagkainang ito?
ELLA: Actually meron, Kuya! Ang hapagkainan sa ibaba, dahil doon may handa, dito wala. Ay teka lang, check ko na muna ang iba n’yong barkada. Tatawag lang ako sa landline sa ibaba. Sira kasi ‘tong extension phone. Ituturo ang phone sa side table. Si Brigida, parating na ‘yon. Siya ang assistant coordinator ko. Pag pumanhik ‘yon dito mamaya, paki-coordinate n’yo na lang ang prepared CD ng visual presentation n’yo mamaya, ha. Ayoko ko ng flash drive. CD lang! Sa kanya lahat ng AVP. Bababa na muna ako. Bababa.
ELI: O, paano Kelvin, Mia, Janine, sige. Medyo nahilo ako. Iidlip lang muna ako saglit sa kuwarto. Kayo na muna ang bahala. Kabisado n’yo naman ang bahay. Sa inyo kaya ‘to. Sige, iwan ko na muna kayo.
KELVIN: Sige ho, Tito Eli. Kailangan n’yo pong magpahinga. Kami na ang bahala dito. Hindi na ho kayo nasanay.
ELI: O, sige. Salamat. Papasok na sa kuwarto.
*
Eksena 7
JANINE: Hay, timing! Eto, Kelvin, makinig ka. Naalala mo ‘yong tinext ko sa ‘yo last time about Sophie?
MIA: Hoy, maghunos-dili kayo.
KELVIN: Oh, what about it, Jan? Which one, ‘yung YouTube thing?
JANINE: Exactly! Mia, dumito ka nga. Anyayahin si Mia at kunwa’y may iko-convene. Now, I have two set of CDs here. Remember what I have told you last week? Na gagawa ako ng AVP for the reception na ang laman ay ‘yong mga sex scandal ng Sophie na ‘yan?
KELVIN: Hindi kaya makakaeskandalo tayo niyan, Janine. Ano sa palagay mo, Mia?
MIA: No, no! Sabihin nating maling video lang ang nai-feed ng mag-o-operate ng AVP. At hindi naman maniniwala ang mga dadalo at si Elton na sa atin nanggaling ang mga ‘yon, di ba?
KELVIN: Itong Elton kasi ni hindi niya man lang napakilala nang husto ‘tong si Sophie sa akin. Ang laswa nga ng mga pinaggagawa no’n sa YouTube. At saka, ano ba ang itatawag natin sa kaniya? Ate? Mauupo sa sofa at magbabasa ng magazine.
JANINE: Hahalakhak. Tita! O di kaya, lola!
Papasok mula sa hagdanan si Brigida. Bitbit ang isang pouch, folders, at organizers.
BRIGIDA: Hi! Good afternoon po. Kayo po ‘yong mga kasali sa entourage na kaibigan ng groom?
MIA: You must be Brigida? ‘Yong assistant ni Ella bukas?
BRIGIDA: Gano’n nga po. Bridge for short. Ako po ‘yong mag-a-assist sa technicals bukas. So, kasali po kayo sa entourage bukas, Ma’am. Kay Mia.
MIA: Naku, ako hindi. Ang anak kong si Noah, oo. Maupo ka.
BRIGIDA: Salamat. Ay, oo nga po pala, kayo po ‘yong may magri-ring bearer na anak. Anyway, nandito po sa akin ang program para bukas sa reception. Nakalagay po dito ‘yong ten-minute audio visual presentation na cared of barkada. So need ko po ‘yon para ma set ko na po.
JANINE: Perfect! Makinig ka iha, maglalaro tayo at may premyo ka. Huhugutin ang mga CD mula sa bag. Makikita sa di kalayuan ang reaksiyon ni Kelvin. Hindi mapakali sa pinaplano ng barkada. Dalawang CD ang mga ito. Ang “A” ang original na AVP. Pero ang una mong isasalang ay itong “B” na ang laman ay scandal! Kunwari nagkamali ka lang ng salang at siyempre hindi mo alam kung kanino galing ito. Maliwanag?
BRIGIDA: So part ho ba talaga ito ng presentation? Hindi akalain na totohanang scandal ang laman ng CD.
MIA: Exactly! Ganyan ang choreography! Sundin mo lang ang instruction sa ‘yo at tiyak na matutuwa ‘tong sina Sophie at Elton. Intiendes?
BRIGIDA: Okey po. Sige, makakaasa po kayo. Mamaya, magse-set ng orientation si Ella sa flow ng ating program bukas. Pag makumpleto po ‘yong entourage mamaya saka niya na uumpisahan. Hindi ko po alam if makakabalik pa ako mamaya. Kapag matapos ko na po ang order ng mga itutugtog, saka na siguro. What is important po ay nandito na ang mga ‘to sa akin. Dadaanan ko muna ang mga pina-splice kong house music for the weddng sa shop. See you when I see you po. Bye! Akmang aalis.
JANINE: Pahingi pala ng number mo, iha.
BRIGIDA: Huhugutin mula sa organizer ang calling card. Ito po. Just text or call me if may additional info pa po kayo.
JANINE: Sosyal! Salamat. Sige, ingat sila sa iyo.
BRIGIDA: Okey po. Bye! Aalis subalit sadyang maiiwan sa sofa ang pouch na kinalalagyan ng cellphone nito. Folders lamang ang mabibitbit nito.
JANINE/MIA: Bye! Matatawa at matatawa at matatawa.
*
Eksena 8
Aakyat sina Elias at Noah.
NOAH: Tatakbo papasok. Mommy, may pasalubong po ako sa kuwarto ni Tito Elias.
MIA: O, dahan-dahan. O, bless to your Ninong and Ninang.
KELVIN: Oy, ang laki na ng Noah naming, a. Hahaplusin sa ulo si Noah at kakargahin. Magmamano si Noah.
JANINE: Bless, anak. Be a good boy always, ha?
NOAH: Opo, Ninang. Hahalikan si Janine.
JANINE: Kay Elias. Oy, Elias, kumusta na ang binata namin?
ELIAS: Hahalik kay Janine. Okey lang po ako, Ate. Heto, bakasyon na po.
JANINE: Mabuti. Ayusin ang pag-aaral, ha? Naku, ang pogi mo na.
ELIAS: Ngingiti na lamang. Kay Kelvin. Kuya, buti napaaga ang dating n’yo. Sabay kumusta.
KELVIN: Oo, maagang natapos ‘yung area ko sa Gensan. O, pagbutihin mo ang pagne-nursing mo, ha.
ELIAS: HRM po sa Saint Benilde. Salamat, Kuya.
KELVIN: A, De La Salle. Okey, may future chef na kami ha.
ELIAS: Kay Noah. Halika, Noah, bubuksan na natin ang mga laruan mo sa kuwarto.
NOAH: Bababa mula kay Kelvin at tutungo sila ni Elias sa kuwarto. Sige po. Yehey!
*
Eksena 9
Papasok si Ella. Mauupo na ang barkada palibot sa hapagkainan.
ELLA: Hay naku! Male-late talaga ang iba n’yong barkada. Anyways, umpisahan na lang natin. Asan na nga ba si Tito Eli. Tatawagin si Eli. Tito Eli, Tito Eli… halina po kayo. Start na tayo.
MIA: Nagpapahinga pa ‘yon, Ella.
ELLA: Hay naku! Dapat nandito na siya. Anyways, uumpisahan ko na sa mga roles n’yo. Una kayo, Kuya Kelvin, ang best man. Kailangan kayo sa wine toasting tomorrow, about one minute lang ang script n’yo dito, tapos cheers agad. Then dapat most of the time aaligid kayo dapat kay Kuya Elton para a-assist kayo palagi.
KELVIN: Okey. Copy, Ella.
ELLA: Next kayo po, Ate Janine, ang maid of honor. Dapat wala po kayong masyadong bitbit bukas aside sa pouch ninyo at bouquet. Dahil most of the time, aaligid rin kayo kay Ate Sophie. Kayo din po ni Kuya Kelvin ang in charge sa party poppers, na maggagaling lahat ‘yon sa akin bukas. Maliwanag ho, Ate Janine?
JANINE: Tse! Ang ganda mo, Ella.
ELLA: Natural ‘yang kagandahan ko, Ate.
JANINE: E, iga-guide mo pa rin naman ako bukas, Ella, ‘no? Just give me cues. Magtataray.
ELLA: Magmumuwestra ng kagandahan. Kayo naman po, Ate Mia, sisiguraduhin n’yo pong nakaligo na si Noah ng alas-dos ng hapon bukas. Nasa hotel na dapat kayo by 3 PM. May pictorial pa ng 4 PM lahat ng nasa entourage bago pumunta ng simbahan. Huwag n’yo pong painumin ng maraming tubig si Noah para hindi maghanap ng CR sa kalagitnaan ng ceremony. At please inform Kuya Nilo na magdala ng lighter sa bulsa para sa candle bukas. Nakuha n’yo po?
MIA: Proceed, Ella.
*
Eksena 10
Papasok si Eli at mauupo din sa hapagkainan. Biglang papasok si Elton dala-dala pa ang mga ekstrang damit na ginamit sa pictorial. Makikipagkumustahan at ilalapag ang mga damit sa sofa.
ELTON: At kumusta naman ang aking barkada? Oy, miss ko na kayo, a. Hahalikan at yayakapin sina Janine at Mia pagkatapos ay yayapusin si Kelvin. Kanya-kanyang reaksiyon ang magmumula sa mga barkada. Pasensiya kayo at medyo natagalan kami sa pictorial. Paiba-iba kasi ng location at hinahabol ang sinag ng araw. Naks naman, excited na yata ang lahat, a? Ano, Ella?
ELLA: Everything is under control, Kuya.
Biglang papasok si Sophie ngunit batid na hindi alam ng barkada na siya ang tunay na Sophia Kapalaran. Hahalik ito sa bawat isa sa barkada.
SOPHIE: Hi! Saka tatabi kay Elton sa isang banda.
ELTON: Guys, for the very first time, I would like you to meet my fiancée, Sophia Elizalde Kapalaran, 24, a businesswoman based in Subic. Her family owns a real estate in Pampanga and Sophie manages the marketing department. I met her in December last year during the World Building Expo in Manila. We both have the same profession. She’s also a civil engineer. Sophie, meet my closest friends. Kelvin is my best friend and an engineer also. This is Mia, a teacher. And this Janine, a medical practitioner based in Cebu. Of course, Ella and Tito Eli.
Halatang mapapahiya ang barkada. Hindi naman alintana ni Sophie ang bawat reaksiyon ng barkada. Hindi mapakali ang tatlo sa nasaksihang taliwas sa kanilang inisip.
SOPHIE: Pasensiya na kayo kung medyo sinorpresa namin kayo ng ganito kasagad, to think na bukas na ang wedding at ngayon lang talaga ako ipinakilala ni Elton. Sinadya itong lahat ni Elton. Itinago na niya ako nang husto from you. Pero simula pa man no’ng naging kami ay isa-isa niya nang ikinukuwento kayo sa akin. Kaya medyo alam ko na ‘yong pinagsamahan n’yo. Hayaan niyo later tonight, pupunta dito ang family ko para maipakilala ko rin kayo sa kanila. Kararating lang nila all the way from Pampanga. Ako nga ang na-surprise at ganito ka-close ang samahan n’yo. Hayaan n’yo, mamahalin ko nang lubos si Elton. And one more thing, if you happen to browse over the net ‘yong kapangalan ko po na may sex scandal sa YouTube, definitely, hindi po ako ‘yon. At sa edad at mukha po, ang layo. Matatawa kaunti.
Mananatili ang pagkagulat ng barkada.
ELTON: Definitely that’s not Sophie. Si Lady “S” ‘yon. Anyway, it’s my entire plan to really surprise you, guys! Tiyak ‘yong ibang barkada natin tonight masosorpresa din. Kay Sophie. So, maupo ka na, Hon. Sige, Ella, ipagpatuloy mo na ang orientation.
ELLA: Ayan. Pati ako at si Tito Eli ay ingat na ingat sa mga detalye ni Kuya Elton na dapat ni picture ay walang makikita dito sa bahay dahil nga surprise. Anyways, saan na nga ba ako? Titingnan ang kopya.
Papasok si Elias at hahalik kay Sophie. Mauupo din sa hapagkainan. Biglang aalis ng mesa sina Janine at Mia, tutungo sa isang banda at tatawagan si Brigida. Mahahalata ng mga manonood na nagmamadaling matawagan agad si Brigida upang bawiin ang naipadalang CD. At bawiin ang plano. Subalit halatang hindi ito nakokontak.
JANINE: Nagda-dial. Sasambitin ang pangalan ni Brigida. Mag-uusap din sila ni Mia nang mahina lamang. Bridge, Bridge, sagutin mo ako. Dali, Bridge.
MIA: Ano na? Sinasagot ka ba?
JANINE: Ayaw. Putol nang putol.
MIA: Ako nga diyan. Akin na. Da-dial at mag-aantay. Bridge, Bridge, sumagot ka.
Tatawag, mapuputol, sisimulan uli, mapuputol. Babalik sila ng upuan at magda-dial uli sa isang tabi.
ELLA: Okey, dito na nga pala tayo sa reception. Mapapansin ni Ella ang dalawa. Oy, mga ateng! Mamaya na po ‘yan, makinig muna kayo. Ano na namang tulay ‘yan?
JANINE: A, e, bridge over troubled waters, Ella! Matataranta.
ELLA: Ang alin?
MIA/JANINE: Kami! Ay wala, wala.
JANINE: Ano ka ba, Mia? Maupo na nga tayo uli.
ELTON: Are you okay, Mia, Janine?
ELIAS: Juice po mga ate, gusto n’yo?
ELLA: Naku po, magkaka-trouble talaga pag hindi kayo makikinig. Okey, balik tayo sa reception, sa reception..
Biglang papasok si Brigida. At biglang magugulat sina Mia, Kelvin, at Janine.
BRIGIDA: I’m back! Naka-full smile.
MIA/JANINE/KELVIN: Bridge!
BRIGIDA: A, e, naiwan ko po ang cellphone ko sa pouch po. Nasa sofa yata. Nakakagulat naman kayo.
MIA/JANINE/KELVIN: Ha!
SOPHIE: Bridge!? Tatayo at hahagkan si Brigida.
ELLA: O, parang gulat na gulat kayo?
BRIGIDA: Sophie? As in Sophia Elizalde Kapalaran? Ikaw nga! Ay! Hahagkan muli. Naku, Ella, I didn’t expect na si Sophie pala ang magiging wife ni Kuya Elton. I thought ka batch n’yo rin. What a small world! Si Sophie, dating kaklase ko sa Ateneo de Manila no’ng first year! Kumusta ka na? Napadpad ka dito sa aming probinsiya!
SOPHIE: Oo, Bridge. Pati ba naman ikaw, isinekreto din sa ‘yo ni Ella? I missed you so much. I lost contact with you na kasi. Oo, si Elton. Kay Elton. Hon, si Bridge, ang dating kaklase ko sa Maynila. Nag-transfer kasi siya dito after a year. Naku, ako yata ang na-surprise sa mga pangyayari. It’s a blessing talaga na nagkita tayo muli. At sa wedding ko pa!
ELTON: What a perfect time! Every person na malapit sa atin nasa palibot lang natin. ‘Yan ang masayang naidudulot ng sorpresa.
ELLA: Wow, what a small world talaga! Oo, si Sophie nga Brigida. At tiyak bukas marami pang sorpresang darating. O Bridge, kumusta ang business n’yo kay Ate Janine?
JANINE: A kuwan, ano, Bridge…
MIA: ‘Yong ano sana…
KELVIN: E puwede bang… ayusin lang sana…
BRIGIDA: Ayos na po ‘yon lahat! Nothing to worry na sa transaction natin, mga ate at kuya. Everything is set already. Napagawan ko na po ng master copy. Lahat ng part sa program bukas, naipasok ko na po sa flash drive na ‘to para tuloy-tuloy na. Naka-prepare na po ‘yon at final na ho ‘yon lahat. Nothing to worry na po. Ako pa. Basta matutuwa kayo, Sophie. Though hindi ko pa talaga napapanood kasi nagmamadali ‘yong technician kanina. Basta may aabangan tayong lahat! It’s here already. Huhugutin mula sa bra nito ang USB na nakakabit sa isang USB sling at ipapaikot patalikod nang dahan-dahan na akma namang aabutin sana ng barkada subalit hindi ito nahablot. Naka-full smile ulit.
KELVIN: Naku patay! Sa mahinang tono.
ELI: Bago pa man lumamig ‘yung pagkain sa ibaba, mabuti na sigurong ipagpatuloy na lang natin mamaya ang pag-uusap. Pag kumpleto na rin ang entourage.
BRIGIDA: Maigi pong mag-group picture muna. Sige ako na ang kukuha. Poposisyon sa isang banda at huhugutin ang camera.
ELTON: Elias, tawagin mo na si Noah sa kuwarto.
ELIAS: Opo. Papasok sa kuwarto at sasabay na lalabas si Noah at ngayo’y sasali sa pictorial.
Matataranta pa rin sina Janine at Mia. Mula sa hapagkainan, sasabay sa group pictorial. Papagitna sina Sophie at Elton. Sa kaliwa sina Mia, Kelvin, at Janine. Sa kanan naman sina Ella, Eli, Elias, at Noah. Mahahalatang ngiting aso ang barkada samantalang naka-full smile ang lahat. Sa bilang na tatlo mula kay Brigida, mag po-pose ang lahat sa kani-kanilang eksena. Mananatili ang eksena pagkatapos ng isang flash mula sa camera.
BRIGIDA: Okey, ready… 1, 2, 3, smile! Mahahalata ng mga manonood ang reaksiyon ng barkada. Ay isa pa. Ihahanda uli ang camera ngunit nasabit ang sling ng USB mula sa leeg nito. Chaka! Nasabit. Huhugutin ang USB at ilalapag sa mesa. Ready, okey, ready… 1, 2, say BRIDGEEEEE!
LAHAT: BRIDGEEEEEEE!!!!!!!
Eksaktong magpa-flash ang camera nang mag-uunahang kunin ng barkada ang USB sa mesa. Freeze.
Sasabay ang pagdilim ng tanghalan.
Ire-reprise ang musika.
Tabing.