Ang Bida

By John Dominic Arellano
Poetry

Pagkapanood ng mga dulang Luna at Ang Sugilanon ng Kabiguan ni Epefania

Liliwanag ang entablado at naroon ka, ang nag-iisang
prinsesang kamamanghaan ng lahat na nakaantabay
sa susunod na tagpo. Darating ang prinsipe at magkakagulo
ang maraming dilag, ngunit tanging ikaw ang makikita nito.
Hindi mo papansinin ang binata, na susuyuin ka. Papalapit
nang papalapit ito at ang ispatlayt. Darating ang bruha:
“Hindi ka mapapasakanya!” Sasabuyan ka nito ng asido
sa mukha. Mapapaso ka at tutulungan ng mga ekstra
na ikabit ang prostetiks. Sisigaw ang prinsipe: “Akin lamang
ang prinsesa!” Hahalakhak ang bruha: “Tingnan mong mabuti.”
Lalapitan ka nito at hihilahin ang buhok. “Tingnan mo!
Ito ba ang kagandahan? Hamak na mas maganda ako!”
Sasagot ang prinsipe: “Kailanma’y hindi naging maganda
ang taong puno ng poot at panibugho sa kapuwa!” Sisigaw
ang bruha: “Kung di ka mapapasaakin, mabuting patayin ka!”
Bubunot ito ng patalim at akmang sasaksakin ang prinsipe,
na maipagtatanggol ang sarili. Mag-aagawan sila ng patalim
hanggang sa masasaksak ng bruha ang sarili. Sa katapusan,
natapos ang buhay ng kontrabida. Pupuntahan ka ng binata,
hihimasin ang iyong pisngi, at papahirin ang iyong luha.
“Huwag ka nang umiyak. Iibigin kita habambuhay, prinsesa.”
Sasagot ka ng isang tanong: “Mamahalin mo pa rin ba ako
kahit pangit na at hindi na ako prinsesa?” Sasagot ito: oo.
Sasaliw ang romantikong musika. Yayapusin ka niya
at hahalikan sa noo. Lilitaw ang isang diwata sa entablado,
pupuspusan kayo ng biyaya, ibabalik ang iyong kagandahan,
at dadamitan kayo ng pangkasal. Sa huli, magdiriwang
ng inyong pagmamahalan—and they lived happily ever after.

Ganito ang takbo ng mga tagpo hanggang sa huling
pagtatanghal ninyo. Umugong noon ang palakpakan,
lalo na ng mga batang manonood na lagi namang bago
sa mga mata nila ang ganito. Pinasalamatan ang direktor
at ang buong produksiyon. Pagkatapos, nilapitan ka
ng isang batang babae: “Ate, paglaki ko, gusto kong
maging katulad mo.” Napaluha ka. Sa totoong buhay,
Elisa ang iyong pangalan at isang nars kahit ang totoong
gusto mo ay gumanap sa teatro, sa harap ng madla.
Niyakap mo nang mahigpit ang bata: “Mangarap ka
at tuparin mo ito, ha.” Pinatay na ang ilaw at isinara
ang tabing. Habang hawak ang kopya ng iskrip ng dula,
nakangiti kang humihikbi sa gitna ng entablado—nag-iisa.

Advertisements