Ako Si Dan

By Dan Joseph Zapanta Rivera
Spoken Word Poetry

(Itinanghal ang akdang ito sa Hugot sa Kalye, na isinagawa sa Koronadal City noong Setyembre 2017 ng lokal na grupo ng mga manunulat at ng South Cotabato Provincial Tourism Council.)

Ako si Dan,
isang Pilipinong galing sa Mindanao,
na ayon sa iba’y magulo raw.

Ako si Dan,
isang Pilipinong naninirahan sa isang bansang malaya,
sa bansang makakarinig ka ng putok sa bawat sulok.

Ako si Dan,
naturingang isang mangmang,
walang kaalam-alam sa mundong ginagalawan.

Tama nga naman sila.
Ako lang si Dan.

Si Dan na pag narinig ang salitang Cotabato,
ang iniisip agad ay gulo—at wala nang iba kundi gulo.

Si Dan na pag nakapatay ng isang terorista,
may sandaang libong pisong naghihintay sa kanya at sa kanyang pamilya.

Si Dan na pag nakalikom ng 5,000 followers sa Facebook,
matatawag niya na ang sariling tagapagbalita ng bayan.

Si Dan na wala nang ginawa kundi magreklamo
at isisi ang lahat sa gobyerno, pati na ang kanyang kahirapan.

Si Dan na walang pakialam pag nanggahasa ang isang adik
ng isang babaeng walang kalaban-laban,
ngunit pag ang adik ay natokhang
gagawin ang lahat, makamit lang ang katarungan.

Pasensiya na, ako lang si Dan.

Mas pipiliin ko pang makinig kay Mocha Uson
kaysa mga taong sumasakit na ang puson dahil sa gutom.

Si Dan na mas pipiliin pang magprotesta
at magpabayad sa midya magkaroon lamang ng pera.

Sino nga ba ako sa mundong ito?
Ako lang si Dan.

Si Dan na mas maniniwala pa sa matamis na kasinungalingan
kaysa napakapait na katotohanan.

Si Dan na tinatawag ang sarili niyang alagad ng Diyos,
ngunit kung makapagsuway sa utos ay sobra pa sa isang busabos.

Si Dan na magaling manghusga ng tao
subalit ni minsa’y di niya magawang magpakatotoo.

Ano ba ang magagawa ko?
Ako lang si Dan.

Minsan nang naniwala sa akin si Rizal at tinawag akong pag-asa ng bayan,
ngunit heto ako ngayon nagpe-Facebook, Twitter, at Instagram,
nakadamit ng magagandang kasuotan upang tingalain ako
at inyong isipin na may pakialam ako sa ating bansa,
na may pakinabang ako sa ating lipunan.

Pagod na ako.
Pagod na ako sa lahat ng nangyayari sa ating bansa.
Pagod na akong matakot sa mga taong dapat nagpoprotekta sa atin.
Pagod na akong maniwala sa mga pangakong iniiwan ng mga politiko
lalo na pag nangangailangan sila ng aking boto.
Pagod na akong magsalita para sa mga taong di naman ako nakikita.
Pagod na pagod na ako.
Pagod na akong magpakatanga at magpakabobo.

Ako si Dan.
Alam kong pagod na rin kayo.
Kaya kung gusto ninyo ng pagbabago, umpisahan ninyo sa sarili.
‘Wag ninyong hayaang tapakan ang inyong mga karapatan.
‘Wag na ‘wag kayong manapak ng karapatan ng iyong kababayan,
dahil hindi namatay ang ating mga bayani para tayo’y magkasakitan.

Pakiusap, buksan ninyo ang inyong mga mata,
ang inyong mga tainga, at ang inyong isipan.
Magising na kayo sa katotohanan.
Pakinggan ang dapat ninyong pakinggan.
Tingnan ang dapat ninyong tingnan.
Tulungan ang dapat ninyong tulungan.

Ako si Dan,
Tayo ay mga Dan.
Tayo ay mga Pilipino.

Advertisement