Introduction

Dalawa ang kahulugan ng Bagong Taon sa tulang “Pagpapatuloy” ni Nanoy Rafael—pagpapatulóy (pagpapapások) at pagpapatúloy (hindi pagtigil). Inihahanda natin ang pagpasok ng araw na ito sa pamamagitan ng pagtitípon sa isang kaínan, pagtataboy ng malas, pagsásayá, at, higit sa lahat, pangangako ng pagbabagong-búhay. Hindi nga ba’t ni(li)likha ang Bagong Taon para sa mga bagong pagkakataon? Kailangan itong itangi mula sa panahong nagpapatúloy lang naman sa pag-inog.

Ganito rin sinasalubong ng Cotabato Literary Journal ang Bagong Taon. Ipinagpapatúloy natin ang isang layunin na maging tampúkan ng mga natatanging akda ng rehiyon kaalinsabay ng pagkilala ng mga bagong tinig sa pagsusulat. Kayâ, sinadyang lahat ng manunulat na kasáma sa isyung ito ay hindi pa nailathala sa alinmang isyu rito. Halos lahat rin sa kanila ay mga mag-aaral sa hayskul o kolehiyo at unang naglathala ng mga gawa sa SOX Zine Fest noong 24 Nobyembre 2017.

Nais din nating maipagpatúloy ang tradisyon ng katutubong panitikan sa rehiyon. Lagi namang mayroong pagsasangkapan sa katutubo sa maraming akdang nailahok na rito, ngunit iilan lámang ang isinulat ng at nása anyong katutubo. Narito ngayon ang maiikling tulang “Sising” at “Ulyang” ni Merhana Macabangin ng Polomolok at “Kem Ngà” ni Ryan Christian Dulay Tuan ng Lake Sebu. Nakabatay ang mga ito sa mga tradisyonal na anyo ngunit nilapatan ng makabagong sensibilidad. Kay Macabangin, pabugtong ang simula ng bawat tulang Maguindanaon ngunit nagtatapos sa itinuturing ngayong hugot. Batay naman sa anyo ng kasabihang Tboli ang kay Dulay Tuan ngunit binabali niya ito sa pamamagitan ng simpleng pagpapantay ng katayuan ng mga bata at matanda sa unang linya.

Sinusundan naman ng maikling kuwentong “Slaughter” ni Krizza Nadine Calmerin ang isang nakasanayan at palasak nang balangkas ng mga salaysay—pinagtaksilan ng iniibig kayâ naghiganti—ngunit naghahain siya ng panibago sa pamamagitan ng pagsubok na paglaruan ang nakamihasnang anyo ng katha. Nasa mahabang tradisyon din ng pagsusulat tungkol sa pagsusulat ang mga akdang “Chatkat” ni Jonamari Kristin Ordinario-Floresta ng Kipadawan at “Kamatayon” ni PG Murillo ng General Santos. Isang maikling kuwentong pambata ang “Chatkat” at tungkol sa palakang natutuwang dagdagan at bawásan ang mga ibinabalita, kayâ itinalagâ siya sa hulí bílang mananalaysay na maaaring magkuwento ng kahit ano—totoo man, batay sa totoo, o kathang-isip. Samantála, tungkol naman ang “Kamatayon” sa gamit ng pagsulat upang buhayin at kitilin ang damdamin ng manunulat. Sinusubok ding magpakita ng dalawang akdang ito ng mga bagong imahen para sa panitikan at pagsulat—paninyismis at paglililok.

Maaari namang mayroong mga kailangang hindi o hindi magawang patuluyin sa kasunod na yugto ng ating mga búhay. Sa maikling sanaysay na “A Dream in a Minor Key” ni Kurt Joshua O. Comendador ng General Santos, halimbawa, lumaki na siya sa pagtugtog ng piyano at nangangarap na maging isang propesyonal na manunugtog, ngunit sa ngayon ay kailangan niyang tahakin ang ibang landas para sa kagustuhan ng magulang. Katotohanan ding nagpapatúloy ang hindi magagandang bagay kahit na subukan man nating itaboy para bumuo ng inaasam na panibagong simula. Ganito ang takbo ng mga pangyayaring inilalarawan sa kayâ marahil nag-aalangang mga linya ng tulang “Misfortune” ni Jerome Cenina ng Alabel, Sarangani.

Panghulí, binubuksan ang isyu ngayon ng kathang “Survival” ni Al-faidz Omar ng Palimbang, Sultan Kudarat. Matimpi at payak na paglalarawan ito ng búhay ng mga itlog ng pagong upang ilahad sa atin ang katotohanang ang mga nilalang na ipinapatulóy natin dito sa daigdig—sa akda: ang mga itlog, ang ina ng nagsasalaysay, o ang mismong nagsasalaysay—ay hindi lahat nagpapatúloy na mabuhay.

Maaaring ipakahulugan nga sa Bagong Taon ang tambálan ng ipinapatúloy na dati o tradisyon at ng ipinapatulóy na bago o eksperimentasyon. Ganito ang isang aasahan natin sa Cotabato Literary Journal sa mga susunod pang buwan ng bagong taon; bukod sa pagtatampok ng mga nailathala ng anyo, manunulat, at wika, nariyan lagi táyong nag-aabang sa mga panibagong tinig at hindi inaasahang pag-akda. At sa prosesong ito, maaaring mayroong mga kailangang iwanan, kusang mamaalam, at marapat na baguhin, ngunit umaasa táyo—a, pag-asa nga naman ang isa pang kahulugan ng Bagong Taon—na para sa ikauunlad ang mga ito ng panitikan at pagsulat sa rehiyon.

Naragsak a Baru nga Tawen!

 

M.J. Cagumbay Tumamac
Maitum, Sarangani

Advertisements