By Blesselle Fiel
Fiction
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan.
Masarap maglaro sa dilim-diliman.
Pagkabilang ko ng tatlo nakatago na kayo.
Isa. Dalawa. Tatlo.
“Bang, Alvin! Bang, Dodong!”
Halong tawa at panghihinayang ang narinig sa magkalaro nang nahuli sila. Paano nga ba sila hindi mahuhuli e nakatayo lang sila sa likod ni Junjun?
“Sa susunod,” sambit ni Junjun habang umiikot sa paligid ng kalsada, “kung ayaw n’yong mahuli agad, magtago kayo nang maayos. Ang dami namang puwedeng mapagtataguan diyan.”
Nakita niyang nakatago sa likod ng isang paso si Princess. Ang itim na buhok nito ay di matakpan ng berdeng dahon ng tanim. “Bang, Princess!”
Dali-daling tumakbo si Junjun mula sa kaniyang puwesto kanina at hinampas ang pader. Tuwang-tuwa siya dahil sa unang pagkakataon nahuli niya silang lahat. Kung puwede nga lang i-celebrate, gagawin niya. Sa ngayon, nanamnamin na lang ni Junjun ang kaniyang maliit na tagumpay.
Pasado alas-singko na ng hapon. Kanina pa sila naglalaro sa kalsada sa harap ng kanilang mga tahanan. Kahit ilang oras na ang nakalipas, hindi nauubusan ng lakas ang mga pawis na pawis na paslit.
Babalik na sana sila sa kanilang paglalaro nang mapadaan ang tatay ni Junjun. Katulad ng ibang araw, umuwi na naman itong lasing at may hawak na pulang supot. Dinig na dinig nilang magkakaibigan ang sigawan mula sa loob. Nagliliparan mula sa dalawang bibig ang mga salitang nagnakaw, lasing, ayoko na, at kriminal.
Hay. Lagi na lang.
Nanlumo si Junjun. Lagi na lang ganito ang eksena sa loob ng kanilang bahay. Lahat ng kasiyahan na dulot ng kanilang paglilibang ay naglahong mistulang bula. Hindi naman lingid sa kaalaman niya ang pinaggagawa ng kaniyang itay. Ngunit sino nga ba siya upang baguhin ang pamamaraan nito, ang hanapbuhay nito?
Anak lang naman.
Anak na wala pang pinag-aralan. Anak na walang patutunguhan. Anak na walang kinabukasan.
Mas mabuti na lang na hayaan niya na lamang ito.
Tinapik ni Princess si Junjun sa balikat. “Halika, maglaro na lang tayo ulit. Si Dodong naman ang taya.”
Isang munting ngiti ang naipinta sa mukha ni Junjun. Isang tango at bumalik sa paglalaro ang mga bata. Nakatabon na ang mga kamay ni Dodong sa kaniyang mga mata, dinig na dinig ang mga padyak ng anim na maliliit na paa.
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan.
Masarap maglaro sa dilim-diliman.
Pagkabilang ko ng tatlo nakatago na kayo.
Isa. Dalawa. Tatlo—
Bang!
Malalim na ang gabi. Pilit na ikinukubli ni Junjun ang kaniyang pautal-utal na paghinga. Sa isang maliit na eskinita, pilit na itinatago niya ang kaniyang sarili
Dapat hindi nila ako makita, ang sabi niya sa isip niya. Parang awa n’yo na, ayaw kong makulong.
Pinagsiksikan ni Junjun ang kaniyang katawan sa mga sako ng basura, nagdadasal na sila’y mapadaan lang at titigil rin sa paghahabol sa kaniya.
Lagi na lang kasi e.
Lagi na lang siyang wanted sa kanilang paningin. Lagi na lang dapat maliksi ang mga kamay kapag may kinukupit, mabilis ang mga paa kapag hinahabol. Lagi na lang siyang pinagagalitan ng kaniyang konsensiya at binabangungot sa gabi.
Hindi niya naman ito ginusto. Sadyang ito lang talaga ang buhay na ibinigay sa kaniya. Ang buhay na hinubog ng kaniyang itay para sa kaniya. Napakarami niyang pangarap sa buhay, ngunit tila lahat ng ito’y nilipad ng usok ng sigarilyo ng kaniyang ama.
Bakit ganito? Bakit siya pa?
Sabagay, kung tutuusin, hindi lang naman siya ang nalulong sa masamang bisyo. Si Alvin at Dodong ay nagtutulak na ng droga. Si Princess, ang unica hija ng kanilang pamilya, ay isa nang Magdalena.
At siya? Mula noon hanggang ngayon, nanatiling naglalaro, nagtatago sa dilim.
Kung puwede nga lang sana bumalik sa nakaraan, bumalik sa liwanag. Hindi naman siguro magkakaletse-letse ang buhay niya.
Siguro’y nakapag-aral siya—elementarya, hayskul, at kolehiyo, kung kakayanin.
Siguro kung nakapagtapos siya, isa na siyang doktor ngayon.
Siguro—
Bang!
Lagot.
Dali-daling tumakbo si Junjun. Nakabuntot sa kaniya ang mga lalaking naka-uniporme, may hawak na baril. Kaliwa, kanan, kaliwa, kanan. Kasing tulin ng kabayo sa kalsada. Kabisado niya na ang pasikot-sikot ng kalye. Siguro naman ay makakatakas siya ngayon, tulad ng dati.
Bang!
Hindi pala.
Bumagsak ang katawan ni Junjun paharap. Naging kulay pula ang kalsada. Unti-unti na siyang nawawalan ng malay, at hindi niya alam kung pinaglalaruan siya ng isip niya, pero naririnig niya ang kantang madalas niyang inaawit no’ng bata pa siya.
Tagu-taguan, maliwanag ang buwan.
Masarap maglaro sa dilim-diliman.
Pagkabilang kong tatlo nakatago na kayo.
Isa. Dalawa. Tatlo.