Pagda-dwaya

By Norman Ralph Isla
Play

Mga Tauhan

Rahima, 44, unang asawa ni Yasser

Johaira, 22, kasambahay ni Rahima

Jamila, 25, magiging pangalawang asawa ni Yasser

Yasser, 48, ang lalaki sa buhay nina Rahima at Jamila

Tagpuan

Sa loob ng isang tahanan ng may-kayang mag-anak. May nakaayos na sofa set na saktong-sakto sa sukat ng carpet, pinakamahaba sa gitna at magkaparehong pangkaraniwang upuan sa magkabilaan. May maliit na lamesa sa gitna at may nakatayong plorera, na may malapit nang malantang mga puting rosas. May mga disenyong Arabiko at pang-Muslim ang bahay: may mga nakasabit na kuwadro ng mga salita mula sa Qur’an, may estante na may nakapatong na mga litrato ng pamilya.

Panimula

Makikitang naglilinis ang kasambahay na si Johaira. Papalitan niya ang puting kobre ng sofa ng kulay pink. Kakatapos niya pa lamang at papasok si Rahima na nakasuot ng bathrobe at pajama.

RAHIMA : At bakit pink ang mga sofa?
JOHAIRA : Ibinilin po kasi ni Sir Yasser, Ma’am. Palitan na daw kasi manilaw na.
RAHIMA : Kailan pa nagkaoras si Yasser sa bahay at makialam sa ayos dito?
JOHAIRA : Sumusunod lang po ako, Ma’am.
RAHIMA : Ibalik mo ang puti.
JOHAIRA : Awadi, naalis ko na po. Bakit ho? Maganda naman po ang pink.
RAHIMA : Talaga? Maganda pa rin ang puti.
JOHAIRA : Okey na po ito, Ma’am.
RAHIMA : O sige. Hindi na puti pero… huling araw mo na rin sa trabaho.
JOHAIRA : Awadi, mas maganda po talaga ang puti, Ma’am. Pero medyo manilaw lang po konti.
RAHIMA : Basta ‘yang puti.
JOHAIRA : Papalitan ko po mamaya pagkatapos kung ayusin ‘tong mga bulaklak. (Inilapag niya ang mga pulang rosas at tatanggalin na sana niya ang mga lumang puting rosas sa floral vase.)
RAHIMA : Ay, ay, ano yan Johaira? Bakit mo papalitan ang mga bulaklak?
JOHAIRA : Lanta na po kasi, Ma’am. Matagal na po.
RAHIMA : Kakabili lang ‘ata natin niyan. Papalitan na agad?
JOHAIRA : Palanta na po. Awadi, kung nakikinig kayo sa akin na plastic ang bilhin, e baka forever pa nating di palitan.
RAHIMA : Forever nga, fake naman. O sige. Tutal nakabili ka naman din. (Makikita ang mga pulang rosas) Ay, bakit pula? Hindi ba’t laging puti ang gusto kong bulaklak sa lamesa. Johaira, puti!
JOHAIRA : Pula po ang binili ni Sir, e. Ibinilin niya po ‘yan kanina bago umalis.
RAHIMA : At ngayon may pakialam na siya sa kulay at disenyo ng bahay na ito (tila kinakausap ang sarili).
JOHAIRA : (Ilalagay na ang mga bulaklak)
RAHIMA : Puting rosas! ‘Wag mong ilalagay ‘yang pula.
JOHAIRA : Awadi, Ma’am! Paano po ako matatapos kung ayaw ninyong ayusin ko ito? Ibinilin lang po iyan lahat ni Sir. Sumusunod lang ako.
RAHIMA : Puwes! Ako ang sundin mo, Johaira. Ako!
JOHAIRA : A? Opo, Ma’am.
RAHIMA : Talaga pa lang itinuloy niya ‘yun. (Mapapaisip) Anong oras siya umalis?
JOHAIRA : Mga alas-4 pa po ng umaga. Tulog pa po kayo sa kabilang kuwarto, Ma’am.
RAHIMA : Alam ko, do’n ako natulog. Do’n din ako nagising… (tatahimik at uupo)

Hindi niya talaga ako pinakinggan. Sinundo niya talaga ang magiging dwaya

niya.

JOHAIRA : Opo, Ma’am. Sa totoo lang po, di na po ‘ata ninyo mapipigilan si Sir.
RAHIMA : (Bubuntonghininga) Naisip ko na lahat ng posibleng paraan para tigilan niya ang pagda-dwaya. Pero wala, wala!
JOHAIRA : Kahit po ba kailan, Ma’am, di po kayo nabahala na baka magka-dwaya si Sir?
RAHIMA : Noon, no’ng mga bata pa kami, pero hindi pagkatapos ng 25 taon. Nawaglit na sa isip ko. Di ko inasahang mangyayari pa ito.
JOHAIRA : Alam naman natin, Ma’am, na tanggap ang pagda-dwaya sa atin.
RAHIMA : Oo, parte nga ng kultura’t paniniwala natin pero… bakit pakiramdam ko nadaya ako? Naloko. Masaya naman kami, may mga anak. Pagkatapos maiisipan niyang magka-dwaya? Ako lang ang numero uno sa loob ng 25 taon. At ngayon… darating itong babaeng ito at balak akong palitan.
JOHAIRA : Ma’am, kayo pa rin po ang unang asawa.
RAHIMA : Oo. Ako nga pero ayoko nang may ikalawa, may kaagaw.
JOHAIRA : Ma’am, may pahintulot ng mas nakakaalam ang pagda-dwaya.
RAHIMA : Alam ko Johaira, Muslim din ako. Pero di ko matanggap, di ko matanggap! (Matitigilan) Tama, ‘yun nga ang gagawin ko. Tawagan mo si attorney, magpapaiskedyul ako ng appointment.
JOHAIRA : Opo. (Pupunta sa telepono, hahanapin ang numero sa listahan at magda-dial. Ilang sandali, may kausap na sa telepono. Habang makikitang tinatanggal ni Rahima lahat ng pink na damit ng sofa.) Ay, wala po siya diyan? Mga kailan po ang balik niya? Sa susunod na linggo pa. Sige po. Tatawag na lang po ako ulit. (Ibababa ang telepono.) Ma’am, wala po si Attorney.
RAHIMA : O sige, magpapatulong na lang ako kay Bapa. Akin na ang puting cover nito.
JOHAIRA : Sandali lang po. (Akmang kukunin ang basket na may puting cover nang biglang mapapatayo) Ay! (Magugulat dahil sa busina ng kotse na nagpapahiwatig na buksan na ang gate). Si Sir Yasser, Ma’am, dumating na! (Tatakbo palabas.)
RAHIMA : (Itatapon sa sahig ang pink na cover, kukunin ang puti mula sa basket at tatayo sa gawing kanan)
JOHAIRA : Ay, Ma’am… sina Sir Yasser at Ma’am?… (matitigil)
YASSER : O, bakit ang kalat dito? Di ba sabi ko pink cover ang sofa, Johaira? Ang mga bulaklak, bakit nakakalat pa?
RAHIMA : Sinabihan ko siyang puti, pati ‘yang bulaklak. Bakit pink at pulang rosas talaga? Paborito niya? (Nakatingin kay Jamila)
YASSER : Hindi. Gusto ko lang na maiba.
RAHIMA : Ayokong may binabago dito.
YASSER : Parang bulaklak at cover lang ng sofa, Rahima, malaking bagay na sa ‘yo?
RAHIMA : E sa ‘yon ang nakasanayan ko.
YASSER : Bahala ka. Dito na titira si Jamila.
RAHIMA : Jamila.
JAMILA : (Pupulutin ni Jamila ang pink na cover) Magandang umaga po.
RAHIMA : Umaga lang! (Tatahimik) Talagang ginawa mo nga Yasser!
YASSER : Ilang beses na akong nagpaalam at nagpaliwanag sa ‘yo.
RAHIMA : Pero di ako pumayag! (Pasigaw)
YASSER : (Nagsawalang-bahala) Johaira, samahan mo muna si Jamila na iligpit ang mga gamit niya sa kuwarto.
JOHAIRA : Opo, Sir. Dito po, Ma’am Ja… Ja…
JAMILA : Jamila. (Sasama at tutungo sa kuwarto)
(Magkakatinginan sina Yasser at Jamila. Papasok sina Jamila at Johaira dala-dala ang mga bag).
RAHIMA : Makikipaghiwalay ako sa ‘yo.
YASSER : Hindi puwede.
RAHIMA : Puwes, ibalik mo siya sa kanila. Alang-alang sa ating mga anak, sa ating pamilya.
YASSER : Dito na siya titira.
RAHIMA : Hindi puwede.
YASSER : Ako ang masusunod sa bahay na ito.
RAHIMA : Bahay ko rin ito.
YASSER : Wala ka nang magagawa. Kung ayaw mo dito, lumayas ka.
RAHIMA : At bakit ako lalayas? E bahay ko nga ito.
YASSER : Bahala ka na diyan. Naipaliwanag ko na sa ‘yo ang lahat. (Akmang papasok sa kuwarto).
RAHIMA : Sinungaling ka.
YASSER : (Lilingon) Ano?
RAHIMA : Di ka tumupad sa pangako mo.
YASSER : Ha?
RAHIMA : Nangako ka na ako lang. Pinagpalit ko ang lahat. Umalis ako sa trabaho ko kasi sabi mo para mapirme ako sa bahay, para may magbantay sa mga bata… dahil mahirap na lumaki silang walang ina. Di mo ba alam na malapit na akong maging branch manager noon? Nilunok ko ang panghihinayang kasi alam kong nandiyan ka! Kahit masakit sa akin na mag-resign, mas pinili kong sundin ang sinabi mo kasi alam kong nandiyan ka! At dahil iyon ang gusto mo… para sa atin… sa mga anak natin. (Uupo sa sofa.) Di ko inakala na darating talaga ang araw na ito. Hindi ko matanggap, Yasser.
YASSER : Nakausap ko na ang mga anak natin. Ayos na sa kanila. Tama na ang ilang pag-uusap natin, Rahima. Tanggapin mo na.
RAHIMA : Tanggapin mo na ring hihiwalayan kita. Pumayag ka!
YASSER : Nababaliw ka na ba? Hindi kasalanan ang pagda-dwaya!
RAHIMA : Nasa batas natin na kailangang magpaalam nang maayos sa unang asawa.
YASSER : Nagpaalam ako sa ‘yo.
RAHIMA : Pero di ako pumayag.
(Magkakatinginan ang dalawa)
YASSER : Wala ka nang magagawa. (Papasok sa kuwarto)
(Tatayo si Rahima at pupunta sa gawing kaliwa sa may estante na pinapatungan ng mga litrato ng pamilya nila, ng mga anak niya.)

(Agad lalabas sina Jamila at Johaira mula sa kuwarto).

JOHAIRA : Sa kusina lang po ako. (Tutungo sa gawing pakusina)
(May panandaliang katahimikan. Makikitang nag-aalangan pa si Jamila).
JAMILA : (Lalapit kay Rahima) Alam ko galit ka sa akin.
RAHIMA : Mas galit ako sa asawa ko.
JAMILA : Mahirap kaming patawarin pero nakikiusap akong tanggapin mo kami.
RAHIMA : Hindi ko alam ang isasagot ko.
JAMILA : Hindi mo rin alam gaano kong pinasasalamatan si Allah dahil nakilala ko siya.
RAHIMA : Bakit?
JAMILA : Dahil may tao pa palang tutulong… magmamahal sa akin sa kabila ng… pagkamatay ng asawa ko sa giyera. Naging sandalan ko siya.
RAHIMA : A. (Gulat)
JAMILA : Halos mabuang na ako nang mga panahong iyon. At nang nakikilala ko siya, tinulungan niya ako… Mabait si Yasser kaya nahulog ang loob ko sa kaniya. Kaya kung maging dwaya man niya ako, taos-puso ko iyong pinasasalamatan. At tatanawin kong malaking utang na loob ang iyong pagpayag.
RAHIMA : Pero mahal ko si Yasser, at ayaw kong palitan mo ako sa puso niya.
JAMILA : Di ko kailanman mapapalitan ang isang katulad mo sa buhay niya.
RAHIMA : Pero bakit nakuha niyang mag-dwaya?
JAMILA : Dahil Muslim din siya.
RAHIMA : (Nakatitig lamang kay Jamila)
JAMILA : Nakikiusap ako.
(Muling tatayo si Rahima at pupunta ulit sa gawing kaliwa sa may estante na pinapatungan ng mga litrato ng pamilya nila, ng mga anak niya. Ngunit mas matagal sa pagkakataong ito.)
RAHIMA : Mga anak ko (habang tinitingnan ang mga litrato), Insha’allah.
YASSER : (Lalabas sa kuwarto) Rahima? Jamila.
RAHIMA : (Titingin kay Yasser) Dito na siya titira. Bahagi na rin siya ng pamilya… pero
YASSER : Pero?
RAHIMA : Ako na ang manager mo sa negosyo natin.
YASSER : O sige. Dalawa na tayo.
RAHIMA : At…
YASSER : At? At ano ‘yun kaluma ko?
RAHIMA : Bilhan mo rin siya ng sarili niyang sofa.
YASSER : Sige.
RAHIMA : Johaira! (Halos pasigaw) Sige, ayusin natin, Jamila. (Kukunin ang puting cover)
Tutulong si Johaira. Magsasara ang dula na ang tatlong babae ay isinusuot ang puting cover ng sofa habang nakatayo lamang si Yasser na payapa silang pinagmamasdan.
Wakas
Advertisement