Aden Bon Besen Uyag-uyag

By Mubarak M. Tahir
Essay

(This essay won the third prize at the 2017 Palanca Awards.)

Kilala ang bayan ng Maguindanao bilang isa sa mga tampulan ng gulo, tulad ng Maguindanao Massacre. Ito ang pagkakakilala at naging tatak ng hindi man lahat ngunit ng karamihang tao, lalo na ang mga hindi naman bahagi ng kuwento ng bawat may buhay sa Maguindanao. Mga kuwentong maaari sanang maunawaan ngunit marami ang hindi nakakaunawa dahil sa kawalan ng kamalayan at kaalaman. Hindi maiintindihan dahil sa hindi pagkakapantay-pantay ng kinalalagyan sa lipunan. Hindi mauunawaan dahil sa hindi magkaparehong pananaw sa pananampalataya.

Isa sa mga barangay ng Maguindanao ang ang Kitango, Datu Piang. Ito ang bayang kinamulatan ko. Ang bayang humulma sa aking pagkatao. Ang bayang humubog sa aking prinsipyo, pananaw, at paniniwala sa buhay. Ang bayang nagbuklod sa aking kinalakhang pamilya. Ang bayang namuhay sa katotohanang sa kabila ng lahat, maaari akong mamuhay at magpatuloy sa buhay.

Pitong taong gulang ako nang magsimulang mahubog ang aking pananaw at pagmamahal sa bayang kinalakhan. Wala mang kamuwang-muwang sa tunay na imahen ng buhay, patuloy namang naglalayag ang aking kamalayan sa aking kapaligiran, sa aking bayan.

Malaking bahagi ng populasyong bumubuo sa Maguindanao ay mga Muslim na Maguindanaoan. Kaya naman, ang kultura, tradisyon, at paniniwala ng lahat ay nakabatay sa Islam. Isa sa mga pinakamahalagang araw sa buhay ng bawat nananampalatayang Muslim ang pag-aayuno na tinatawag na Saw’m, dahil kabilang ito sa limang haligi ng Islam. Hindi ganap ang pagka-Muslim ng sinumang nag-aangking Muslim kung hindi isasagawa ito. Ang dakilang buwang isinasagawa ito ay tinatawag na Ramadhan — buwan ng pag-aayuno, buwan ng pagsasakripisyo, buwan ng paghingi ng kapatawaran, at buwan ng paggunita sa Allah. Ang lahat ng mamamayan sa Kitango, Maguindanao, bata at matanda, ay naghahanda at sabik sa unang araw ng pag-aayuno. Inaasahang mag-aayuno ang lahat, maliban sa mga batang hindi pa umabot ang edad sa pitong taong gulang, matatandang wala ng kakayahan o mahina na ang pangangatawan, mga nagdadalantao at nagpapasuso ng sanggol, mga babaeng may regla, mga nagbibiyahe ng malayo, at siyempre ang mga hindi naman Muslim.

Dahil bata pa noong nangyari ang karanasang aking ibabahagi, hindi ako obligadong mag-ayuno, ngunit bilang paghahanda ay sinanay na ako nina A’ma at I’na kahit hindi ko man maisagawa sa buong araw. Dahil sa pagkasabik ko sa unang araw, isinama ako ni A’ma sa padiyan upang mamili ng kakailanganin sa unang araw ng pag-aayuno. Habang sakay ng bisikleta si A’ma at nasa kaniyang likuran ako, masaya kong pinagmasdan ang kabuuan ng aking bayang sinilangan. Napalibutan na ng makukulay na bandila o pandi ang bawat kalye na tila kumakaway ang matitingkad nitong kulay na pula, dilaw, at berde habang hinahampas ng hangin. Hindi rin nakatakas sa aking munting pandinig ang tugtog ng kulintang at agong na mas lalong nagpapasigla sa lahat. Paminsan-minsan ko lang din marinig ang mga instrumentong ito dahil pinapatugtog lamang ito kapag may mahahalagang pagdiriwang, gaya ng kasal. Kasabay ng bawat ritmo ng tugtog ay ang kagalakan ng bawat isa sa bayan. Kapansin-pansin na halos lahat ay abala, ngunit mas nangingibabaw ang ngiti o tawa ng bawat isa. Ngiti ng kapayapaang namumutawi sa puso ng bawat Maguindanaoan.

Nang makarating kami ni A’ma sa padiyan, abalang-abala ang halos lahat ng may paninda sa pagsasaayos, pagpapanday, at pagpapatayo ng barong-barong na paglalagyan ng paninda. Habang hawak-hawak ni A’ma ang aking kanang kamay, hindi maalis sa aking paningin ang ilang batang kasing-edad ko na tumutulong sa kanilang magulang sa paghahanda. Lalo akong nabuhayan dahil ramdam ko ang katiwasayan ng pamumuhay naming lahat.

Magdadapithapon na nang makauwi kami ni A’ma mula sa pamamalengke. Hindi pa man nakaakyat sa hagdan ng bahay, dumating ang panawagan sa pagdarasal na tinatawag na bang o adzan. Nang mailagay sa hapag ang mga pinamili, agad naming tinungo ni A’ma ang balon na pagkukunan ng tubig na panghugas ng katawan bago magdasal. Habang nagdarasal, abala naman si I’na sa paghahanda ng hapunan. Ginisang sariwang kangkong na nangingibabaw ang amoy ng tanglad at pritong galunggong ang inihanda ni I’na. Tanging ilaw ng lampara ang nagpapaliwanag sa aming hapag habang kumakain. Habang ninanamnam ang pagkain, hindi ko naiwasang titigan ang mga mukha ng aking mga magulang. Bakas ang katandaan sa kanilang mga noo. Ang mga mata nila ay tila kasasalaminan ng katiwasayan ngunit nangingibabaw ang pagkabahala at takot. Hindi ko man lubos maunawaan ang mga ito, naniniwala akong may kapayapaan sa bawat ngiti nina A’ma at I’na. Pagkatapos maghapunan, muli kaming nagdasal para sa I’sa, ang dasal sa gabi. Nakaugalian na sa aming nayon na hindi pa man kalaliman ng gabi ay nasa loob na kami ng aming mga kulambo bilang paghahanda na rin sa unang araw ng pag-aayuno. Ako’y masaya sa ganitong mga oras dahil alam kong ako’y ligtas at panatag dahil napapagitnaan ako ng pagmamahal nina A’ma at I’na.

Nagising na lamang ako sa mainit na dampi ng kamay ni I’na bilang hudyat na ng pagkain. Kahit hirap at pilit na iminulat ang mga mata ay masigla akong bumangon. Agad kong tinungo ang bangang may tubig at naghilamos. Habang kumakain, pilit na hinihila ng antok ang aking gising na balintataw sa aking bawat mabilis na pagsubo. Kinakailangang bago pa man sumapit ang adzan sa pagdarasal sa Sub’h, dasal sa madaling araw, ay tapos na kaming kumain. Hindi na kami maaari pang kumain o uminom ng anuman hanggang hindi sumasapit ang adzan sa pagdarasal sa Maghrib, ang pagdarasal sa gabi. Pagkatapos kumain, hindi na muna kami natulog upang magdasal sa umaga. Muli kaming bumalik sa aming higaan at natulog.

Sa buong araw ng pag-aayuno, maliban sa pagdarasal sa Duh’r, ang dasal sa tanghali, at ang As’r, ang dasal sa hapon, ay kinakailangang lagi nang gunitain ang Allah gaya ng paulit-ulit na pagsambit sa Allahuakbar (dakila ang Allah), Subhanallah (sambahin ang Allah), Alhamdulillah (ang pasasalamat ay sa Allah), at La Ilaha Illa Allah (walang ibang Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah). Hindi rin dapat kaligtaan ang pagbabasa ng banal na kasulatan ng Allah na ang Qur’an, dahil ang banal na kasulatang ito ay ibinaba sa pamamagitan ni Anghel Gabriel sa sugo na si Propeta Muhammad (sumakaniya nawa ang kapayapaan). Naniniwala kami na ang bawat titik na nababasa sa aklat ay katumbas ng sampung mabuting gantimpala. Maliban sa hindi maaaring pagkain at pag-inom ng anuman ay hindi rin ipinapahintulutang magtalik ang mag-asawa. Ang mga maliit na kasalanan gaya ng pagsisinungaling ay pinupuna rin.

Dinadalaw man ng pagkagutom at pagkauhaw, pilit ko itong nilalabanan. Minsan, hinahayaan ko na lamang ang aking sarili na dalawin ng antok upang hindi mabatid ang pagsasakripisyong dinaranas sa buong maghapon. Ramdam ko ang katahimikang bumabalot sa buong pamayanan dahil sa panatang ginagawa. Walang ingay. Tanging langitngit lamang ng kawayan at lagaslas ng tubig ang aking naririnig, senyales ng katahimikan at kapayapaang namumutawi sa aming bayan.

Pagkatapos magdasal ng As’r ay inanyaya ako ni A’ma na sumama sa padiyan. May kahinaan mang dinanas, sumama pa rin ako. Muli ko na namang naulinigan ang bawat ritmo ng kulintang at agong habang papunta sa padiyan. Nadatnan namin ni A’ma ang padiyan na hindi mahulugan ng karayom. Bata at matanda, babae at lalaki ay abala sa pamimili ng mga ihahanda para sa buka o iftar. Nakipagsiksikan si A’ma na bumili ng mga sariwang isda gaya ng tilapya, hito, at iba pang uri ng isda na karaniwang matatagpuan sa ilog ng Maguindanao. Hindi rin nakawala sa aking paningin ang pangkat ng matatandang lalaki na abala rin sa pamimili ng tabako. Nakita ko si A’ma na nakisali na rin at marahang itinaas ang isang hibla ng tabako. Mababakas sa mukha niya ang pagkasabik sa paghithit ng tabako. Pag-angat niya ng tabako ay akmang lalanghapin na sana niya ang halimuyak ng tabako ngunit agad rin niya itong nailayo sa kaniyang ilong dahil bawal ang kusang pag-amoy sa anumang bagay na makakapaghatid ng tintasyon na maaaring maging dahilan ng pagkawala ng bisa ng pag-aayuno. Binigyan naman ako ni A’ma ng limang piso upang bumili ng bloke ng yelo. Kung may mabenta man sa lahat sa padiyan, iyon ang yelo na halos pag-agawan ng lahat. Ilang minuto rin akong nakipagsiksikan makakuha lang ng yelo, pampawala ng tigang na lalamunan. Nang pauwi, huminto kami upang bumili ng mga kakanin. Hindi kompleto ang handaan kapag walang kakanin ng Maguindanoan gaya ng dudol (gawa sa katas ng niyog at pulang bigas), inti (gawa sa katas ng niyog at bigas na kulay dalandan), plil (hinulma galing sa dinurog na hinog na saging), at tinadtag (gawa sa harina na hinulma na parang bihon). Magdadapithapon na nang makauwi kami ni A’ma sa bahay.

Bang! Bang! Boooom! Bang! Ang mga tunog na nagpagising sa amin nang madaling araw bago pa man sumapit ang Saw’m. Mga tunog na kailanman ay hindi ko pa narinig. Mga tunog na gumimbal sa katahimikan ng buong bayan. Napatakbo si A’ma sa labas ng bahay at tinawag ang aming kapitbahay. Ilang beses ding tumawag si A’ma ngunit mga putok lamang ng nagsasalubungang bala ang bumalot sa aming pandinig. Mas lalo pang lumakas ang putukan. Napagapang na lamang si A’ma palapit sa amin ni I’na na nagyakapan sa isang sulok ng bahay, na niyuyugyog naman ng malakas na ingay ng putukan. Gumagapang kami nang biglang mabuwal ang haligi na aming kinalagyan. Natagpuan namin ang aming mga nagimbal na kaluluwa sa banggerahan. Nakita ko si I’na, namumutawi sa kaniyang mga mata ang pagkabahala at takot habang mahigpit akong yakap ng kaniyang mga bisig. Tanging Allahuakbar, Subhanallah, at Astaghfirullah ang mga katagang naibubulalas ni I’na. Niyugyog ng ingay ng malalaking sasakyan na may lulang mga sundalo ang kinatatayuan ng aming bahay. Balot na rin ng alikabok ang labas ng aming bahay. Bilang ko na rin ang mga butas sa bawat bubong at haligi ng bahay na gawa ng nagsisulputang mga bala. Sa mga butas ko na rin naaninag ang bawat silahis ng araw, ngunit mahapdi sa paningin. Umaga na pala…

La Ilaha Illa Allah! Alhamdulillah! Dalawang salita na nakapagpanatag sa aming kalooban nang sambitin ni A’ma. Narinig namin ang sigaw ng isang lalaki na, “Ceasefire!” Hudyat ito na panandaliang titigil ang putukan. Nagmadali kaming lumisan sa bahay sa takot na maabutan ng kasunod na bakbakan. Tinunton naming tatlo ang mabato at maalikabok na daan patungong bayan. Habang naglalakad, napagtanto ko ang malaking pagbabago sa kapaligiran. Kay tahimik. Wala na ang tugtog ng kulintang at agong. Tanging alingawngaw na lamang ng putukan sa may di kalayuan ang nakikisabay sa pagpintig ng aking puso. Doon ko rin lamang napagtanto, na ang tanging dala ko ay ang  sambayangan na karpet na ginagamit sa pagdarasal bukod sa suot kong luma at punit-punit na damit. Magkakahawak-kamay naming tinunton ang daan patungo sa padiyan.

Pagdating namin sa padiyan, akala ko ay araw ng pamamalengke. Doon pala nagtipon-tipon ang mga taong apektado ng bakbakan. Isa sa ipinagtataka ko ay tila walang naganap na kaguluhan sa bawat reaksiyon ng bawat isa.

Ilang oras lang mula nang lisanin namin ang bahay, muling sumiklab ang bakbakan sa pagitan ng mga Moro Islamic Liberation Front o MILF laban sa mga sundalo ng pamahalaan. Hindi ko man maintindihan ang dahilan ng hidwaan ng dalawang grupong iyon, alam kong marami ang apektadong mamamayan. Sa araw na iyon, hindi ako nakapag-ayuno ngunit isinagawa pa rin ito nina A’ma at I’na. Ipinagpatuloy nila ang pag-aayuno kahit hindi sila kumain sa madaling araw.

Pinagpahinga ako nina A’ma at I’na sa isang barong-barong sa padiyan. Ilang araw din ang aming pananatili sa padiyan. Minsan, natutulog kami sa mga paaralang nagsisilbing kanlungan namin. Kapag ceasefire naman, paisa-isang kinukuha ni A’ma ang gamit naming naiwan sa bahay. Minsan pa, naisipan kong maglakad-lakad sa padiyan. Pinagmasdan ko ang kapaligiran ng aking kinagisnang bayan. Tanging buntonghininga ko na lamang ang aking naririnig habang bumubulong ang mga putok sa kabilang bayan. Tanging alikabok na amoy pulbura ang aking nalalanghap at hindi na ang iba’t ibang amoy ng mga kakanin. Wala na rin ang mga nakikipagsiksikang mamimili. Tanging nakaharang na lamang na mga sasakyang pandigma ang nakatambay sa bawat kanto.  Tanging wasak na mga kawayan na lamang din ang kumakaway at hindi na ang makukulay na mga bandila. Mga anino at imahen na lamang ng kahapong matiwasay ang nanatili sa aking isipan. Ngunit mas takot ako sa kaisipang ang imaheng iyon ay mananatiling imahen na lamang at hindi na magiging realidad.

Kasabay nang putukang nagaganap sa may di kalayuan, naikintal sa aking murang isipan ang pangyayaring iyon. Isa lamang ang aking napagtanto sa pagkakataong iyon, maaari pala kaming mamuhay sa bayang binabalot ng gulo. Nabubuhay sa musika ng mga bala. Humihinga sa usok ng pulbura. Patuloy na mamamayagpag ang katiwasayan ng buhay sa kabila ng suliraning kinakaharap ng aming bayan. Patuloy sa paglalayag ang bawat mumunting pangarap ng mga Maguindanaoan sa kabila ng katotohanang kay hirap abutin, tulad ng paghahangad namin ng kapayapaan.

Wala mang kamuwang-muwang sa lahat ng nangyari, batid kong hindi ito tama, na hindi ito ang hinahangad ng bawat isa. Ang pangyayaring ito ang tunay na magpapatibay at huhubog ng aking pagkatao. Ang pangyayari sa aking bayang sinilangan ang huhulma sa aking kinabukasan. Ang bawat putok ng bala ang tutugtog habang tutuntunin ang daan tungo sa hinaharap. Ang simoy at hamog ng pulbura ang magbibigay ng anyo sa aking mga pangarap. Ang kislap at tilamsik ng bawat bala ang iilaw sa aking landas, sa aming bayan.

Simula pa lamang ang lahat ng masalimuot na pangyayari tungo sa pagbuo ng sampung titik ng salitang kapayapaan. Umaasang sa bawat titik ng salitang ito ay hindi tunog ng baril ang maririnig kundi ang ritmo ng kulintang at agong. Darating ang panahon na ang bawat mamamayan ng Maguindanao ay magtitipon-tipon sa padiyan hindi dahil kami ay nagsilikas kundi dahil ipagdiriwang namin ang salitang kapayapaan. Umaasa akong ang bawat bandila na nasa gilid ng daan ay patuloy na itataas, maiwawagayway, at kailanman ay hindi kukupas ang matitingkad nitong kulay.

Ang bayang aking kinalakhan at kinamulatan ay hindi naghihingalo. Ang bayan ko ay dinapuan lamang ng matinding sakit na hanggang ngayon ay hinahanapan ng lunas. Hanggang tumitibok ang puso ng mga mamamayan ng aking bayan, patuloy itong hihinga at hindi hahayaang tuluyang malason ng pulbura ng digmaan. Hanggang umuusbong ang mapa ng Maguindanao sa rehiyon ng ARMM, magpapatuloy na makikilala at tatatak ang pangalan nito dahil may buhay at mabubuhay kami sa kabila ng suliraning kinakaharap.

Advertisement