Sirena

by Mark Sherwin Castronuevo Bayanito
Fiction

Nilusob ni Ezra ang dagat ng Sarangani. Wala siyang pakialam kung hatinggabi na at wala siyang saplot, basta lamang makita niya ang kababalaghang naroroon. Kumalas naman ang bilog na buwan sa pagkakataklob ng mga ulap. Sa liwanag na hatid nito’y mayroon siyang nakita: ulong may mga matang nakatingin sa kanya.

Sinara ko muna ang aking laptop. Nakakapagod kayang mag-isip ng kuwento, lalo na kung ito’y eksperimental – kung ano man ‘yon. Wala pa akong naisip na pamagat, pati ng karugtong ng unang talata. Bakit ko kasi pinagdiskitahang isulat ang sabi-sabi dati na may sirena sa Sarangani Bay, sa may Barangay Bula banda. Pero magtanong ka sa isang taga-GenSan o taga-Barangay Bula, wala silang kaalam-alam tungkol dito. Hindi kasi nila binabasa ang libro ni Ramirez. E, kasaysayan pa naman ‘yon ng lungsod. Hay naku. Kahit na isang talata pa lang ang nagagawa ko ay gusto ko munang magpahinga.

“Uuwi ka ba sa summer?” tanong ni Ezra sa text.

“Hindi e.” text ko naman pabalik.

Wala siyang kaalam-alam na ginagamit ko siya para sa aking kuwento.

Nalalapit na ang pista ng Santo Niño sa Barangay Bula. Nalalapit na ang magarbong selebrasyon at ang paligsahan ng pagsagwan sa Sarangani Bay. Nalalapit na rin ang ika-18 na kaarawan ni Ezra, kasabay ng pista, sa ika-15 ng Enero.

Nalalapit na.

Nilapit ni Ezra ang kanyang mukha sa mukha ng kanyang kasama. Hinalikan siya nito. Nagpumiglas si Ezra, sa unang pagkakataon.

“O bakit?” tanong ni Karen.

“Wala,” sagot naman ni Ezra. “Huwag kang pumunta sa debut ko, ha.”

“Bakit naman? Ikinahihiya mo ako?” tanong ni Karen.

“Oo. Hanggang dito na lang tayo.” sabi ni Ezra, at dali-daling naglakad papalayo.

Sinara kong muli ang laptop. Sumasakit na ang aking mga mata sa ilang oras ng pagtutok sa screen nito. Tuloy-tuloy pa rin ang pag-uusap namin ni Ezra sa text. Nakakairita na siyang maka-text paminsan pero hinahayaan ko na lang. Baka sakaling may makuha akong magandang ideya mula sa kanya. Binuksan kong muli ang laptop. Microsoft Word.

Nanaginip si Ezra isang gabi. Nasa baybayin siya. Naaamoy niya ang lansa ng dagat, tulad ng mga pinapatuyong isda na ibinebenta sa palengke. Sinusubukan niyang tingnan ang malayong dako ng dagat. Wala siyang makita.

“Ma, anong ulam?” tanong ni Ezra sa kanyang ina.

“Tinanghali ka na naman ng gising! Hay naku, Ezra! Madami pa tayong gagawin! Magbukas ka na lang diyan ng lata ng sardinas!” sagot ng kanyang ina.

Araw na kasi bago ng pista. Madami nang kailangang paghandaan. Madaming kailangang gawin.

“Ezra, bantayan mo nga pala si Jun-jun. Baka pumunta sa laot, kukunin ng sirena.” sabi ng kanyang nanay.

“May sirena diyan?” tanong ni Ezra.

“Pista ngayon. Maraming lalaki na nawawala sa dagat. Kinukuha ng sirena.” tugon naman ng kanyang nanay.

“Ma, anong itsura no’n? Ng sirena?” tanong pa ni Ezra.

“Hay naku. Basta. Ulo ng babae tapos katawan agad ng isda. Wala nang leeg.”

“Pa’no ni’yo nalaman?”

“Tanong ka naman nang tanong! Tumigil ka nga!”

Abalang-abala ang lahat sa paghahanda. Abala si Ezra sa makailang beses na pagsukat ng gown na susuotin niya sa kanyang kaarawan. Lagi na lang ang kaarawan ni Ezra ang nagiging kulminasyon ng pista. Kung lalaki nga lang raw si Ezra ay siya na ang Santo Niño.

Tumigil ako sa pagsusulat para magsipilyo ng ngipin. Iniisip ko kung paano dadaloy ang kuwento. Dapat may lalaki rin sa buhay ni Ezra. Aba. Parang manliligaw lang a. Naku. Kung wala lang akong eksam sa Math, hindi ako maghihirap ng ganito sa paggawa ng kuwento.

Pumunta si Ezra sa labas, sa baybayin. Naroroon ang mga lalaking abala sa pagpipinta ng mga bangkang ipanlalaban sa pista.

May lumapit na lalaki kay Ezra, walang pantaas, at may dalang dalawang supot ng Coke. “Inom ka muna, miss,” sabi nito.

“Salamat. Ano’ng pangalan mo?”

“Raul. Ikaw?”

“Ezra.”

“A! Ikaw ‘yong taga-malaking bahay!”

“A, oo.”

[Makalipas ang mahaba-habang pag-uusap]

“Uy, punta ka naman sa birthday party ko bukas.” sabi ni Ezra.

“Pwede ba ako do’n? Wala akong susuotin.”

“Ay. Magkita na lang tayo sa labas ng bahay.”

“Pa’no?”

“Basta.”

Tatalikod na si Ezra nang nabigla siya sa nakita niya sa laot. Isang buntot ng sirena.

Nang lumingon naman si Raul ay wala naman itong nakita.

“Mauna na ako,” sabi na lang ni Ezra.

Kinagabihan, nanaginip muli si Ezra. Nakita niya si Karen, nakatayo sa harapan niya, sa baybayin ng dagat. Biglang dumating si Raul at nilunod si Karen sa dagat. Nakatayo lamang si Ezra, pinagmamasdan ang nangyayari. Maya-maya, nagpakita ang isang sirena. Inakit nito si Raul at sabay silang naglaho sa dagat. Naiwan si Ezrang nakatayo lang sa baybayin.

Kinatok ako ni Gilbert. Naistorbo na naman ako sa ginagawa ko. Pumapasok pa naman ang mga ideya sa isipan ko. Ayun. Nawawala na naman.

“Sherwin! Pa’no mo pinag-aralan ‘yong mga alkanes, alkenes, chuva?” tanong ni Gilbert.

“Ha? Bakit? May paraan ba talaga para pag-aralan ‘yun?” tanong ko naman, nalilito sa tanong niya.

“Hindi. Kasi ang gagawin ni sir, may malaking molecule tapos ‘yong iba’t ibang organic molecules,” sagot naman niya.

“E di i-drawing mo muna.”

“May drawing na doon.”

“I-drawing mo.”

“May drawing na nga.”

“I-drawing mo nga ulit para matuto ka. Umalis ka na nga. Madami akong ginagawa.”

Sumikat na ang araw. Marami ang mga dumayo sa Barangay Bula upang makikain, hindi talaga para ipagdiwang ang araw ng Santo Niño. Masyado nang matrapik sa mga daanan. Nagkasalubong ang landas nina Karen at Ezra.

“Ano bang problema mo?” tanong ni Karen kay Ezra, mahigpit na hinahawakan ang braso nito.

“Ano’ng problema mo rin?” sabi ni Ezra, pilit na nagpupumiglas.

“So ganito na lang tayo?”

“Wala nang tayo!”

Dumating si Raul at agad na inilayo si Ezra kay Karen.

“Umalis ka na!” sigaw ni Raul kay Ezra.

“Salamat, Raul,” sabi ni Ezra.

“Wala iyon. Bakit ka nandito? Di ba kaarawan mo ngayon?” tanong ni Raul kay Ezra.

“A, oo. Naghahanda pa lang sila.” sagot naman ni Ezra.

Maghapong nag-usap sina Ezra at Raul, at nang malapit nang gumabi, bumalik na si Ezra sa kanyang bahay.

“O, sa’n ka galing? Kanina pa kita pinapahanap kay Jun-jun! Gabi na, Ezra!” sermon ng nanay ni Ezra pagkarating niya ng bahay.

Hindi niya ito pinansin. Agad na niyang sinuot ang kanyang pulang gown at nagpa-make up.

Pumasok sa kuwarto ko si Kuya Jerome.

“Uy, labas tayo. May movie marathon sa TV area,” sabi ni Kuya Jerome.

“O talaga? Ano’ng palabas?” tanong ko naman.

“The Classic,” sagot niya.

“Korean?” tanong ko ulit.

“Oo,” sagot niya ulit.

“Napanood ko na ‘yon,” sabi ko naman.

Malalim na ang gabi. Matapos asikasuhin ni Ezra ang kanyang mga panauhin, tumakas siya at lumabas, may dala-dalang mga bote ng alak.

Naabutan niya sa labas si Raul.

“O, ba’t ka may dalang alak?” tanong ni Raul.

Binaba ni Ezra ang mga bote ng alak at hinagkan si Raul nang madiin.

Ayan. Malapit na akong matapos. Pero tinatamad na akong magpatuloy. Hay naku. Sandali, ano na ba ang gagawin ni Ezra at Raul sa bandang ito? Magtatanan? Magtatalik? Magtatagay? Ay ewan. Basta pupunta sila ng baybayin ng Sarangani Bay.

Nilusob ni Ezra ang dagat ng Sarangani. Wala siyang pakialam kung hatinggabi na at wala siyang saplot, basta lamang makita niya ang kababalaghang naroroon, ang misteryosong sirena. Kumalas ang bilog na buwan sa pagkakataklob ng mga ulap. Sa liwanag na hatid nito’y mayroon siyang nakita: ulong may mga matang nakatingin sa kanya. Ang mga matang nakatingin sa kanya ay napakapamilyar. Mukha niya ang nakikita niya. Ngunit hindi iyon repleksiyon lamang. Lumitaw ang karugtong ng katawan — makaliskis, maitim. Iyon na pala ang sirena, sirenang may ulong tao – ulo niya – at katawan ng isda. Tama nga ang nanay niya. Wala na itong leeg. Hindi maalindog. Hindi maganda.

Ayan! Patapos na talaga ako! Makakapag-aral na ako sa wakas ng Math. Hay naku. Huling talata na lang.

Natapos na ang piyesta kinabukasan. Laking gulat ng matatanda sa Barangay Bula na wala ni isang lalaking nawala sa dagat. Naging mapagbigay ngayon ang mahiwagang sirena. Nagluluksa naman ngayon ang pamilya ni Ezra sa bigla niyang pagkawala. Isang gown na lamang ang natagpuan sa baybayin.

Advertisement