Mithi

By Boon Kristoffer Lauw
Fiction

Isang napakalakas na dagundong ang yumanig sa aming bahay nang gabing ‘yon. Napayakap ako kay ate. Sinundan ito ng mga pagkabasag ng mga salamin.

Gising na rin si ate. Niyakap niya ako nang mahigpit bago ako pinakawalan, ngunit nanatili ang kanyang kamay sa nanginginig kong balikat.

“Huwag kang matakot. Sisilipin ko muna, ha?” sabi niya. Matagal kaming nagkatitigan. Kumikislap ang kaniyang mga mata sa dilim na parang mga bituin. Sabi niya sa akin, ganoon din ang aking mga mata, pero di ako naniwala –  buwan pa siguro, sa laki ba naman ng mga mata ko.

Tumango na lang ako, kahit naninigas ang katawan ko. Alam ko bakit kami binubulabog. Hindi ko na kailangang sumilip. Pero sa isip ko: sana, nagkamali lang ng pasok ang mga sundalo, at aalis din at ibabalik ang mga nasira nila – o kahit hindi na nila ibalik, basta umalis lang sila. Sana.

Noong nakaraang linggo lang, nabalitaan naming pinasok ng mga sundalo ang bahay nila Mateo. Kaklase ko siya sa highschool. Mabait. Matalino. May prinsipyo at pinaglalaban. Hindi na namin siya nakita mula noon, maging ang pamilya niya.

Ganito ang batas militar.

Gumapang ang liwanag mula sa gitna ng bahay papasok sa maliit na siwang na dulot ng pagbukas ni ate ng aming pinto. Hindi ko makita ang mga pangyayari sa liit ng butas ngunit dinig na dinig ko ang mga sigawan galing sa sala.

“Ano pong maipaglilingkod namin sa inyo?” tanong ng maliit na boses ni tatay.

Nakarinig ako ng malakas na pag-ungol bago ang malakas na pagtilapon ng isang katawan sa aparador sa sala.

“Nasaan ang Ibong Adarna?” Iyon ang bansag ng mga sundalo sa isa sa mga pinaka-wanted ng pamahalaan ngayon.

Milagros Adarna. Ito ang tunay na pangalan niya. Isa sa mga lider ng Makabagong Katipunan ng Pilipinas o mas kilala sa tawag na MPK. Kilala siya hindi lamang sa pamumuno sa mga nagrerebelde sa pamahalaan kundi mas lalo na sa kanyang mga nilikhang kanta. Mahigit na ipinagbabawal ang pagkanta at pagpapatugtog ng kanyang mga awitin. Sino man ang mahuling gumawa ng alinman sa mga ito ay dinadakip agad ng mga sundalo para “kuwestiyunin”.

Kapares ng mababasa sa alamat, dalawa ang epekto ng kanyang mga kanta. Ang mga ito ay hele para sa naghihirap na taumbayan, panghilom sa mga sinugatang puso ng batas militar. At kamandag naman para sa mga kaaway – sa diktador at sa kanyang militar.

Siya ang Ibong Adarna.

Siya ang aking ina.

Siya ang dahilan ng matagal nang takot at pangamba sa aming mga puso. Ang dahilan kung bakit sinasaktan si tatay ngayon. Sana hindi ko na lang siya ina.

“Nasaan ang asawa mo?” galit na tanong ng isang sundalo. Ramdam ko ang pagkamuhi sa mga salita ng armadong lalaking naghahanap sa Ibong Adarna. Ano na naman ang ginawa mo, Nay?”

“Patawad po. Hindi ko po alam. Patawad po,” pagmamakaawa ni tatay. Isa lamang siyang simpleng manunulat. Pigil sa pagpuna sa mga katiwalian at kababuyan ng gobyerno at labis sa pagpuri ng mga walang kuwentang bagay gaya ng kung anong mga piging ang dinaluhan ng diktador at ng kanyang gabinete. Isa lamang ito sa mga paraan niya upang itago ang koneksiyon namin sa Ibong Adarna, bukod sa magkaibang apelyido – gamit kasi ni nanay ang Adarna, hindi ang Esguerra ni tatay. Ngunit nahanap pa rin ng militar ang koneksiyon namin sa kanya.

Narinig kong sinipa o sinapak muli si tatay at bumagsak ang katawan niya sa sementadong sahig. Hindi pa man ako nakahihingang muli, narinig ko namang mahulog ang gabundok ng mga libro – malamang kay tatay. Sumabog ang luha sa mga mata ko, at may kaunting tunog na napakawala sa bibig ko.

Patay.

Tumahimik bigla sa labas.

Nagkatinginan kami ni ate. Hindi kami dapat nag-ingay. Hindi dapat ako nag-ingay. Alam na alam naming dalawa batay sa mga balita kung ano ang ginagawa ng mga sundalo sa mga babae. Hindi ko na mapigilan ang iyak ko.

Sinara ni ate ang pinto, saka dali-daling tumakbo papunta sa akin. Kumuha siya ng damit at pinakagat sa akin. Natigil nito ang ingay ko.

Ngunit biglang umiyak si ate. Maingay. Hindi siya ganito umiyak. Tahimik lang.

“Ate, bakit?” sinubukan kong sabihin.

Kumunot lang ang noo niya.

Malakas na dagundong sa aming pinto ang sumunod. Parang may itinatapon na katawan dito. Ayan na sila!

Madali akong itinulak ni ate papasok sa aparador. Sinubukan niyang gamitin pansara ang mga hanger sa pintuan ng aparador.

Patuloy pa rin ang malalakas na pagbagsak ng katawan sa pinto. Sa tingin ko, kaunting sipa na lamang at sigurado akong bibigay na ang mga bisagra.

Sa kaunting siwang sa aparador, nasilip ko ang mukha ni ate. Isinandal niya saglit ang kanyang mga kamay sa pinto habang nakatitig sa sahig. Para siyang nagdarasal. Kinamuhian ko ang ideyang ito. Kung totoong nakikinig ang Diyos, matagal na sanang tapos ang batas militar – sa dami ba naman nang nagdarasal.

Alam naming dalawa kung ano ang parating. Kung ano ang mangyayari. Tumigil sa pag-ungol si ate. Ngayon, tunay na ang kanyang mga luha.

Hindi ko na rin mapigilan ang sarili ko. Umagos na ang luha ko. Napigilan nang bahagya ng damit ang pag-ungol ko ngunit mayroon pa ring kaunting lumabas na tunog.

Napatingala si ate bigla. Sa isang hininga, binawi niyang lahat ang luhang kanyang naiiyak na.

“Mithilaya, makinig kang mabuti sa akin,” garalgal na sabi ni ate. “Gusto kong ipikit mo ang mga mata mo. Kahit anong mangyari, kahit ano pa man ang marinig mo, huwag mong bubuksan ang mga ito. At higit sa lahat, huwag kang gagawa ng ingay. Sa tingin mo ba, kaya mong gawin ang mga iyon para sa akin?”

Ngumiti si ate pagkatapos.

Puno naman ng laway at luha ang damit na nasa aking bibig. Tumango lang ako ng dalawang beses.

“Salamat, Mithilaya.”

Sinimulan muli ni ate ang pag-iingay at nagtago sa ilalim ng aming kama.

Patuloy namang umuungol ang pinto ng aming kuwarto. Hindi ko na makita si ate sa ilalim ng kama ngunit naririnig ko pa rin ang boses niya. Tuyo na ang lalamunan ko at mahapdi na ang mga mata dahil sa alat ng luha ko.

Pagkatapos ng ilan pang pamumuwersa, bumigay ang mga bisagra.

Advertisement