By Kiel Mark Guerrero
Poetry
(Itinanghal ang spoken word poem na ito sa Hugot sa Kalye noong ika-10 ng Setyembre 2017 sa Koronadal City, South Cotabato.)
Nakahilera
ang mga putahe ng inay
para sa pananghalian
sa harapan ng aming munting tindahan.
Si inay, binubugaw
ang mga langaw
na dumadapo sa mga ulam.
Si inay, binubugaw
ang mga batang hamog
na paulit-ulit nanghihingi ng dalawang
limang piso kapalit ng dalawang
sampagitang pansabit sa mga santong
nakahilera
sa loob ng bahay.
Si inay, bago pa man maubos
ang paninda, kinain na
ng konsiyensiya; para sa dalawang
sampagita, “Eto, dalawang limang piso.”
Araw-araw silang dumadalaw, silang mga anak
ng lansangan. Si inay, araw-araw
nakokonsiyensiyang sarhan sila ng pintuan.
Isang araw, dumating ka,
isang mamàng nakaputing barong
na walang bahid ng mantsa. Mukha
pang gawa ito ng mga katutubo sa kabilang bayan—
silang lumilikha ng magagarang
bagay pero kailangan pang magbenta
ng sampagita sa halagang dalawang
limang piso. Suot mo ang kanilang likha,
wala namang piyesta. Mukha
kang respetado. Hanggang nagturô ka
ng gustong ulam.
Tinolang manok.
Naghugas ka ng kamay pagkatapos,
saka hinandaan ng leeg
gaya ni Padre Damaso.
(Ikaw, ilang leeg na ang kinitil? Ilang buhay
ang tinapos ng sariling mga kamay?)
Hindi ka pa kontento.
Nagturô ka ulit.
“Manang,” sabi mo sa inay ko, “isang
sinigang na baboy pa nga po.” Tama na
sa asim, kailangan mo ngayon ng tamis.
(Hindi masukat sa isang sinigang na baboy
ang lahat ng pambababoy
na nagawa gamit ang iyong mga hintuturo.
Mas mainit pa sa apoy
ng impiyerno ang digmaan
kontra droga na iyong sinasabi. Pambababoy
ang lahat ng nanggagaling sa iyong bibig.)
Itinuro mo kasunod ang dinuguan.
(Ano’ng nangyari sa Perlas ng Silangan
na dapat sana ay kalinisan? Minantsahan
ng kasamaan. Dinumihan
ng mga kasalanan. Nagdanak
sa bawat sulok ang dugo.
Itinapon ang mga katawang
walang buhay sa lahat ng dako.
Walang pakialam sa mga nagmamahal.
Walang pakialam sa bawat buhay.
Patay kung patay.)
Nagturô ka ulit, ngunit hindi na
ng putahe ng inay,
kundi ang haligi ng aming bahay—
si itay.
Nakunan daw siya ng bato.
Bato? Ang dami namang bato
sa harap ng aming tindahan. O kunin ninyo
ang mga bato ni inay sa loob
ng kaniyang katawan.
Huwag si itay.
Huwag.
Pinagmasdan kita mula pagtuturô
hanggang paghuhugas ng mga kamay.
Tama na ang pagpili. Naubos na
ang laman
ng aming karinderya. Inubos mo na.
Doon ka magturô sa mamahaling kainan.
Sa may mabibigat na kubyertos
Doon nababagay ang iyong kasuotan.
Doon ka magturo sa mayayaman.
Huwag si itay. Huwag
dito.
Pakakatandaan mo,
sa bawat pagturò
ng iyong hintuturo,
mas maraming daliri
ang bumabalik sa ’yo.