Isang pagtatapat: punô ako ng alinlangan noong Hulyo 2016 nang dumalo sa unang poetry reading na isinagawa ng grupo ng mga manunulat sa rehiyon. Wala akong kakilala sa kanila maliban sa tatlong tao na hindi ko rin naman totoong kilála noon: si Genory Vanz Alfasain, na nakasáma lámang sa isang gawain sa Badjao Village; si Jude Ortega, na nangangasiwa ng SOX Writes, ang tagpuan ng mga manunulat at mambabása sa rehiyon sa Facebook; at si Kloyde Caday, na nag-imbita sa aking dumalo at magbasá. Lalo pa akong kinabahan pagkatapos marinig ang mga binása nilang akda; isang tulang pambata ang baon ko noon. Natapos ang gabíng umuwi ako nang maaga at hindi na nagpaálam sa kanila.
Isa pang pagtatapat: noon ko napagtantong banyaga ako sa panitikan sa aking rehiyon. Hindi ko kilála ang mga manunulat at mambabása at ang lawak ng kanilang ginagawa–maliban na lámang sa dati nang mga kaibígang sina Gilbert Tan, Tarie Sabido, at Mary Ann Ordinario. Napagpasiyahan kong kailangan kong bawiin ang isang dekadang pagtirá sa Kamaynilaan–at bagaman hindi ko nais na mabansagang ‘nagbabalik’, ito ang katotohanan; isa na akong banyaga sa sarili kong bayan. Kayâ nang alukin akong maging isa sa mga patnugot ng Cotabato Literary Journal, pumayag na ako dahil pagkakataon na rin iyon upang makilala ko ang mga likha ng mga beteranong manunulat sa rehiyon at ng mga kagaya kong nagsisimula pa lámang.
Ngayong buwan, isang taon na ang Cotabato Literary Journal. Narito pa rin ang aking alinlangan.
Dalawa, kung gayon, ang layunin ng isyung ito. Bukod sa ipagdiwang ang isang taon nang pagkakatatag ng Cotabato Literary Journal, nais ko ring maipakilala sa mga katulad kong ngayon-ngayon lámang nagsisimulang kilalanin ang mga manunulat sa rehiyon at ang pagkasari-sari ng mga isinusulat nila. Kayâ hindi ipagtatakang itong isyu ang mayroong pinakamaraming itinatampok na akda.
Una, makikita rito ang iba’t ibang anyong nililikha ng mga manunulat sa rehiyon. Nariyan, halimbawa, ang maikling kuwentong pambata ni Mary Ann Ordinario, na isa mga naunang nagsulat at naglimbag ng mga librong pambata sa Mindanaw. Sa kaniyang pabulang “Why is the Pig’s Nose Flat,” nakatutuwa niyang ipinaliwanag ang isang katangian ng mga baboy. Naiiba rin ang anyo ng mga sanaysay nina Lance Isidore G. Catedral na “To the Mouse I Shall Be Dissecting this Afternoon” at Jade Mark Capiñanes na “Abal.” Nása anyong eulohiya alang sa isang nilalang na madalas kitilin ng sinumang nagnanais maging doktor ang kay Catedral, samantalang hinahabi naman ang isang maikling pelikula tungkol sa mga Sama Dilaut sa isang pook sa General Santos ang kay Capiñanes. Sinubukan naman ni Mark Sherwin Castronuevo Bayanito na paglaruan ang pagkakasalansan ng mga pangyayari sa ikalawang bahagi ng kaniyang “Katipunan” upang maipamalay sa mga mambabása ang halaga ng panahon sa pagkatha. Bibihira namang maitampok sa mga nakaraang isyu ang mga dula, bagaman mayroon naman talagáng mga mandudula sa rehiyon, tulad nina Hiyasmin Gabriela Espejo at Leo Dominic Padua. Kapuwa panggagalugad sa masalimuot na isipan ng mga tao sa magkaibang konteksto ang kanilang mga likha; kay Espejo, ng isang call center agent (“Ang Call Center Sister”), at kay Padua ng isang nagpapaguhit ng sarili (“Ikalimang Berdeng Lobo”). Pinaglalaruan naman ni Kloyde Caday sa “A Prayer,” na mas kilaláng isang mananaysay, ang anyo upang epektibong itawid ang katindihan ng ipinadarama ng tula. Panghulí, sinusubok ni Kristine Ong Muslim sa “Cow No. 7” ang konsepto ng tula at katha sa ekraktikong niyang akda. Tunay ngang hindi nasusukat ang hanggahan ng panitikan; laging mayroong nananatili at nalilikhang panibago–na maaaring tingnang bunga ng alinlangan hinggil sa kalikasán ng mga nakagawiang anyo.
Mahalaga rin ang pagtatanghal ng iba’t ibang kultura sa Cotabato Literary Journal, kayâ patuloy ang paghihikayat at pagtanggap ng mga akda mula sa lahat ng wika, pangkat, at indibidwal na nása/mula sa rehiyon. (At ang katotohanan, laging kaakibat ng rehiyon ang salitâng dibersidad; kataksilan sa kakanyahan ng rehiyon, kung ganoon, ang hindi pagkilala nito.) Binubuksan ang isyung ito, halimbawa, ng tulang “像你父親的花園裡的月亮花” ni Andrea D. Lim, na nagsusulat din sa mga wikang Filipino, Binisaya, at Ingles. Mapapansin sa mga elementong nása kaniyang akda ang nalalabíng sensibilidad ng tradisyonal na panulaang nakaugat pa sa bansang Tsina. Alang naman kay Marie-Luise Coroza Calvero, isang kompositor na nagsusulat sa Ingles, Filipino, Espanyol, at Aleman, walang kinikilálang wika ang pag-ibig upang maisulat niya ang Tienes el ama más hermosa… at dalawa pang tula. Sa una namang pagkakataon, kasáma rin dito ang maikling katha ni Sharmin Tanael ng Lake Sebu na pinamagatang “Kukum” na isinulat niya sa wikang Tboli bílang bahagi ng Smulat: Short Story Writing Workshop for Teens. Habang nakaugat ang kaniyang salaysay sa panitikang bayan ng mga Tboli, lumalabas ang tinig ni Tanael bílang isang táong nabubúhay sa noon at ngayon. Sa kathang Hiligaynon naman ni Mariz Leona na “Sa Idalom sang Bulan,” hinuhugot niyang muli ang talinghaga ng buwan–bílang batis ng kabaliwan at katinuan–upang tahimik na ilahad ang isang realidad ng lipunan. Panghulí, narito rin ang dalawang akda sa wikang Binisaya: ang “Sa Kalsada” ni Paul Randy P. Gumanao (na mayroong salin sa Ingles ni Karlo Antonio Galay David) at ang “Tilapyang Puti” ni Genory Vanz Alfasain. Bagaman kapuwa tungkol sa pakikipag-ugnayan sa kapuwa (magkakapatid at magkakaibigan) ang mga ito, maririnig ang pagkakaiba ng paggamit ng itinuturing ng ibang iisa lámang na wika, lalo na kung ihahambing sa ibang Binisaya sa iba pang panig ng bansa. Makikitang mayroon ngang nahuhubog na samot-saring tinig sa pagsáma-sáma ng mga kultura sa rehiyon–isang maaari ding bunga ng alinlangan hinggil sa kalikasán ng dila ng mga naninirahan dito.
Pangatlo, lagi’t laging ipinagmamalaki ng Cotabato Literary Journal na tinatanggap nito ang akda ng mga manunulat mula sa iba’t ibang yugto ng kanilang pagsusulat. Bukod sa iláng nabanggit na sa itaas, narito, halimbawa, ang mga muling paglalathala ng dalawang tula ni Generoso Opulencia na unang lumabas sa isyung Mindanaw ng Ani noong Hunyo 1990; ang tulang “#BigasHindiBala” ni Saquina Karla C. Guiam na patungkol sa pamamaslang ng mga magsasaká sa Kidapawan na unang mababása sa The Rising Phoenix Review noong Mayo 2016; ang sanaysay na “A Familiar Haunting on Christmas” ni Gilbert Yap Tan tungkol sa pagpaparamdam ng kaniyang namayapang ina na una niyang ibinahagi sa Inquirer.net noong 2008; at ang sanaysay na “Sharing Soul Stories in Sabtang” ni Noel Pingoy tungkol sa isang karanasan niya sa Batanes na unang makikita sa kaniyang blog. Kasáma ng mga ito ang mga akdang marahil ngayon lámang mas malawak na mababása, tulad ng tulang “Swing, Swing” ni John Dominic Arellano tungkol sa bipolarity; ang dalawang tulang mayroon mang magkaibang tinig ngunit tinutuhog ng talingha ng kaluluwa ni Maine Dela Cruz; ang tulang “We are Careful” ni Michael John C. Otanes na kakakitahan ng maingat na pagpuputol ng mga linya; ang maiikling kuwento nina David Jayson Oquendo (“No Escape”) at Emmylou Shayne Layog (“Scrutiny”) na kapuwa inilalantad ang ugnayan ng mga manggagawa at ng mga mayhawak ng kapangyarihang politikal at ekonomiko; at ang sanaysay na “Quantum Leap” ni Rossel Audencial tungkol sa pagtitiyaga ng kaniyang ina.
Hulíng pagtatapat: nása pagpili ng mga akdang nakapaloob sa isyung ito ang aking alinlangan. Nagtutunggali sa aking loob ang kakulangan–marami pang pangalan, mga akda, wika, kultura, at anyong hindi naisáma–at ang kalabisan–kailan masasabing higit na sa inaasahan ang mga narito? At ang totoo, napagtanto ko: wala akong balak tugunan ang alinlangang ito. Marahil, mayroong pangangailangan ng alinlangan upang lagi’t laging lumingon sa pinanggalingan at asaming umusad at mapaunlad pa sa susunod pang mga buwan at taon ang Cotabato Literary Journal.