Ikalimang Berdeng Lobo

by Leo Dominic Padua (Play)

(This piece was staged during the 5th Drama Festival organized by the theater group Apat sa Taglamig .)

Mga Tauhan
Jedrick: 27, lalaki, manager ng isang fitness equipment distributor, mahilig sa mga likhang sining.

Cheska: 24, babae, mangguguhit na may espesyalisasyon gamit ang graphite o lapis.

Tagpuan
Sa ikalawang palapag ng bahay ni Jedrick, sa loob ng isang silid na puno ng mga koleksiyon ng likhang sining. Doon, may isang kuwadrong natabunan ng berdeng tela. Puno din ang silid ng mga nakalutang na berdeng lobo na umaabot sa kisame. Doon papasok sina Jedrick at Cheska.

*

UNANG EKSENA

Jedrick     Maghuhubad na ba ako?

Cheska     Sandali, kumalma ka muna. I’m catching my breath. (Buntonghininga). Hindi mo naman sinabi na malayo pala mula sa highway ‘tong bahay ninyo. Hindi ko inakala na sa kasulok-sulokan na pala ito ng kabihasnan.

Jedrick     Hindi ka man lang nag-text na nasa highway ka na pala, sinundo sana kita. It’s almost 6 kilometers from there to here. Sorry sa struggle mo.

Cheska     Walang signal kaya. Tapos, wala pa talagang mga habal-habal na bumibiyahe. I just followed your instructions on how to get here. Pero ayos lang naman na walang signal. Para patay ang data at hindi ako matutunton ng boyfriend ko. Time to time kasi nagpapa-update siya kung nasaan ako. You know, first time kong gagawin ito. Kaya habang hindi pa malalim ang gabi, simulan na natin. Sige na maghubad ka na diyan at mag-aayos lang ako. (Nakatalikod kay Jedrick)

Jedrick     ‘Wag kang magugulat, ha.

Cheska     (Napaharap kay Jedrick) As in frontal nudity?

Jedrick     Yes! All the way!

Cheska     Kasi.

Jedrick     Kasi?

Cheska     Kasi awkward!

Jedrick     (Tumatawa) Hindi ko ba nasabi sa iyong nude drawing ang gagawin mo?

Cheska     Oo. Hindi mo nasabi. (Nangingisi) Kasi hindi din ako papayag kung gano’n ang mangyayari.

Jedrick     Oh my! Hindi mo talaga ako mapagbibigyan? Tutal andito naman na tayo. Would you reconsider?

Cheska     Hindi talaga, e.

Jedrick     Sige ganito na lang: tatabunan ko na lang ng tela si birdie para hindi ka naman ma-conscious. At the same time, para may texture at variation ang gagawin mong drawing. Okey lang ba?

Cheska     Salamat! Pasensiya ka na talaga Jedrick, ha. Actually, it’s my first time.

Jedrick     (Kinuha ang tela at tinakpan ang maselang bahagi ng kaniyang katawan). You mean wala ka pa talagang experience?

Cheska     I’m sorry, experience sa ano ang tinutukoy mo?

Jedrick     Experience sa pagguhit na nude ang subject!

Cheska     Akala ko naman kung anong experience. Oo, virgin pa ako.

Jedrick     What?

Cheska     Ang ibig kung sabihin ay wala pa akong karanasan sa ganyang bagay. Wholesome pa ang mga subject ko.

Jedrick     Pero may plano ka namang subukan?

Cheska     Ha? Ano ‘yong susubukan?

Jedrick     What I mean is why not you try some adventures on your work.

Cheska     Tulad ng nakahubad ang subject?

Jedrick     Yes! Give it a try.

Cheska     Darating din tayo diyan.

Jedrick     Bakit hindi na lang ngayon?

Cheska     Hindi pa ako handa. Kung gagawin ko iyon, dapat ay handa din ang isipan at kaluluwa ko para naman mailapat ko nang maayos ang swak na ekspresyon sa likhang sining na gagawin ko. Para kung titingnan ito ng iba, madadama nila ang bawat emosyon sa mga hugis ng iginuhit ko.

Jedrick     Bilang isa ding mahilig sa sining, nirerespeto ko ang iyong rason. Hindi pa naman ito ang huli nating pagtatagpo. (Katahamikan) Di ba?

Cheska     ‘Wag kang mag-aalala, I’ll give you my finest work tonight!

Jedrick     I’ll expect your best performance.

Cheska     Anong performance? Hindi ako magaling sa ganyang bagay.

Jedrick     Ayan ka na naman. Tama ba ‘tong pose ko?

Cheska     (Bumaba sa kinauupuan at inayos ang pose ni Jedrick. Bumalik din pagkatapos.) Sakto na ‘yang pose mo. Huwag lang masyadong magalaw, at tandaan, hindi bawal huminga.

Jedrick     Teka, I forgot something. Wait kunin ko lang.

Cheska     Ano ‘yon?

Jedrick     Siyempre ang green balloon (Kinuha ang berdeng lobo). Teka, ganito ba dapat ang pose?

Cheska     Oo ganyan nga.

Jedrick     Ang dami kong arte no?

Cheska     Sinabi mo pa.

Jedrick     Hindi ba kita nadidistorbo? Masyado akong mabunganga.

Cheska     Hindi, mas gusto ko nga. Kasi kapag tahimik, baka maging boring ang gawa ko.

Jedrick     May iba-ibang estilo pala talaga ang mga artist.

Cheska     Oo naman, kanya-kanyang diskarte.

Jedrick     Saan ka naman natuto mag-sketch?

Cheska     Wala akong pormal na edukasyon sa pag-sketch. Nakita ko ito na ginagawa ng dati naming kapitbahay. Sinubukan ko. Natuto lang dahil sa madalas ko na itong ginagawa.

Jedrick     (Nabitiwan ang lobo pero nahabol at nakuha agad) Oops, sorry!

Cheska     No problem, let’s get it on. ‘Yang lobo talaga, pilyo masyado.

Jedrick     ‘Yung lobo talaga ang pilyo? Hindi ‘yung may hawak nito?

Cheska     Ayan naman tayo. (Tatawa) Jed, puwede magtanong? Kung okay lang sa ‘yo?

Jedrick     Sure.

Cheska     Napansin ko lang kasi sa lahat ng portrait na nakikita ko dito sa silid na ito, puro mga larawan mo na may berdeng lobo. Bakit?

Jedrick     Sa masasayang pangyayari na nangyari sa buhay ko, meron talagang lobo. For me it means celebration, kasiyahan, nag-uumapaw na kasiyahan. Kung mapapansin mo, puro helium na uri ng lobo ang nasa mga larawan na ‘yan. Kasi ang mga lobong ‘yan lumilipad, dadalhin ka paitaas and I always am on the top of my game. Hindi talaga ako nagpapatalo. Helium balloons are uplifting. Especially the green ones.

Cheska     Napansin ko din ang apat na helium balloons na nakalutang sa silid na ito. Anong emote naman ‘yang mga ‘yan?

Jedrick     ‘Yang mga ‘yan ba? Well, they signify my milestones in life.

Cheska     Emotero ka talaga. Ano-ano naman ang mga ‘yon?

Jedrick     You seems so interested.

Cheska     Magkuwento ka na. Sige na.

Jedrick     Ang unang lobo, bigay ng mga magulang ko when I graduated valedictorian noong high school. It was my proudest moment. ‘Yong pangalawa, noong grumaduate ako ng Doctor in Business Administration at ‘yong pangatlo ay noong na-promote ako as Chief Operating Officer sa kompanyang pinagtatrabahuan ko. (Matagal na katahimikan)

Cheska     At ‘yong pang-apat?

Jedrick     Sa akin na lang ‘yon. Too personal.

Cheska     Ay, ang daya naman. Bitin.

Jedrick     Ayaw mo talagang nabibitin ka ano?

Cheska     Talagang ayaw ko.

Jedrick     Gusto mo may gawin tayo? Promise, hindi kita ibibitin.

Cheska     Ayan ka na naman. Alam ko ang laman ng isip mo. Tulad ng paborito mong kulay.

Jedrick     Well, malamlam kasi sa mga mata ang berde. Natural at malamig. Siguro kasi graduate ako ng NDMU-IBED noong elementary at high school. Tapos sa De La Salle University ako nagkolehiyo.

Cheska     Kaya siguro green minded ka. (Tatawa)

Jedrick     Kung aandar ang pagiging green ko, tiyak hindi mo ito gugustuhin. Baka kasi hindi mo na ako matanggihan.

Cheska     Kahit sino naman ay hindi ka matatanggihan. Tulad ngayon, ang sarap mong pagmasdan. Ang hubog ng ‘yong katawan ang siyang inaasam-asam ng bawat sabik na sabik na laman. Ang iyong kabuuang kariktan ang siyang magpapasuko ng mga nagpapalakpakang Bataan.

Jedrick     So paano ba ‘yan? Ihinto muna natin to nang mapasukan uli ng mananakop ang Bataan?

Cheska     Uy biro lang. ‘Eto naman. Masyado ka namang atat!

Jedrick    Huwag mo akong mabiro. Hindi ako nagpapaawat.

Cheska    Sira! Pero maiba ako, sinadya mo talagang magkaroon ng silid na tulad nito?

Jedrick     Oo, kuwarto para sa mga likhang sining.

Cheska     Pero puro lang litrato na nakakuwadro?

Jedrick     Kaya nga narito ka ngayon. Para maiba naman. Bagong medium, bagong art form, hindi ‘yung pero pictures lang. Sa susunod, magpapagawa din ako ng eskultura ko.

Cheska     At ikaw pa rin ang subject?

Jedrick     Of course, mahal ko ang sarili ko. Kung anuman ako ngayon at sa kung ano ang naabot ko ngayon dahil ‘yan sa pagsisikap ko. Kaya dapat ko ring bigyan ng reward ang sarili ko sa lahat ng paghihirap at pagsisikap ko. Kasi ako na lang mag-isa dito sa mundo. Simula nang mamatay ang Mom and Dad dahil sa aksidente. Ako na lang mag-isa. Sarili ko na lang talaga ang makakapitan ko. Kaya gustong-gusto ko ang mga nakalutang na lobo. Para sa akin sila ‘yong mga magulang ko. Tinatanaw ako mula sa itaas. Parang andiyan lang sila sa taas.

Cheska     I’m sorry to hear that. Hindi ko lubos maisip na ang isang successful na tao na tulad mo, may mabigat din pa lang pinagdaanan.

Jedrick     Mabigat, malungkot, masakit. It’s the pain you could never imagine.

Cheska     Ang init talaga. (Tinanggal ang blouse)

Jedrick     Oh wow! Bakit mo hinuhubad ‘yang blouse mo? Hindi mo ba matiis ang pagiging hot ko?

Cheska     Duh! Don’t worry, may sando ako sa loob. Oo, you’re hot, that’s a given. Ang hotness mo kaya pang pigilan. Pero ang init sa silid na ito hindi na. Kaya nagtatanggal ako ng damit ko.

Jedrick     Oh wait, parang hindi ata naka-on ang aircon. (Pumunta sa aircon malapit sa kinauupuan ni Cheska). What the F! Sira ang aircon! Kaya naman pala. Gusto mo electric fan na lang? Kunin ko muna sa kabilang kuwarto.

Cheska     No need na, nakabukas naman ang bintana, at manageable naman ang init, e.  Baka kasi maalog ang canvass at hindi ako makaguhit nang maayos. Sige na, balik ka na doon.

Jedrick     Ikaw ang bahala, sandali lang. (May inalis sa mukha ni Cheska)

Cheska     (Tinitigan ang mga mata ni Jedrick)

Jedrick     (Nilapat ang kaniyang ilong sa ilong ni Cheska).

(Matagal na katahimikan)

Cheska     (Parang bibigay na at bibigyan ng halik si Jedrick). Oops! Ano’ng ginagawa mo?

Jedrick     May dumi ka sa ilong, inalis ko ito gamit ang ilong ko. ‘Wag kang mag-alala, burado na ito. Sinubukan ko rin kung bibigay ka, kung susuko na talaga ang Bataan.

Cheska     Muntik na, muntikan na talaga. Buti na lang I can resist temptation. Ikaw ha, muntik mo na ako madali kasi sobrang bango ng katawan mo. Ang bango mo talaga.

Jedrick     Aba, siyempre, para kahit sa anong activity ay handa ako.

Cheska     (Tatawa) Pati na rin sa extracurricular activities.

Jedrick     Lahat ng klase ng activity.

Cheska     Siguro magaling ka sa foreplay. Sabi nga nila, “Fragrance spices up the performance,” at doon mo sila dinadali.

Jedrick     You’re getting naughty. Mukhang may ipinapahiwatig ka ata. Sabi ko sa ‘yo, ‘wag mo akong subukan. Hindi talaga kita aatrasan.

Cheska     (Tatawa) Ulol. Sa boyfriend ko nga hindi ko pa nagagawa. Sa ‘yo pa kaya?

Jedrick     Maniwala.

Cheska     Totoo.

Jedrick     Bolera ka din ano? Maniwala ako sa ‘yo, e kung makatitig ka sa akin, para mo na akong ikinama.

Cheska     Utang na loob. (Tatawa) Aaminin ko hot ka, irresistable ang appeal mo. Pero ‘wag mo naman sanang bigyan ng kahulugan ang titig ko. Bilang artist, gano’n lang siguro ako makatingin, and besides, may boyfriend ako. Magagalit ‘yon at mas magagalit ang girlfriend mo. Takot akong kalbuhin ng nobya mo.

Jedrick     Wala akong girlfriend.

Cheska     We, sa guwapo at kisig mong iyan? Wala?

Jedrick     Isang tao lang ang mahal ko, hindi pa kami ulit, wala pang kami ulit, pero sana papunta at babalik na doon. Medyo masalimuot, hindi pa klaro. ‘Wag na natin siyang pag-usapan. Siya ang dahilan kaya merong pang-apat na berdeng lobo. Noong panahon na naging kami ang isa sa pinakamasayang araw ng aking buhay. Siya lang talaga ‘yong taong minahal ko at siya lang ‘yong mamahalin ko habambuhay.

Cheska     Sino siya? Magkuwento ka na. Dali! Sikat din ba siya katulad mo?

Jedrick     Makulit ka. Kilalang-kilala mo siya. Hangaang doon na lang ang puwede kong sabihin. ‘Wag ka nang humirit pa.

Cheska     Ay, ang KJ ni’yo po. Paasa!

Jedrick     Sana naiintindihan mo.

Cheska     Opo, naiintindihan ko po nang lubusan. Steady ka muna, ‘wag kang magalaw. (Bumaba sa kinauupuan, lumapit kay Jedrick, at tiningnan ito malapitan sa mata)

Jedrick     Sabi ko na nga ba hindi mo matitiis ang hotness ko. So shall we?

Cheska     Ano ka ba! ‘Wag magalaw sabi e. Behave. (Bumalik sa upuan at gumuhit muli). Tiningnan ko lang mabuti ang mga mata mo, ‘wag kang ano. Para mailapat ko nang maayos ang ekspresyon ng iyong mukha.

Jedrick     Sinubukan lang naman kita. Baka sakali ay bibigay ka din.

Cheska     Asa ka pa. Hinding-hindi talaga.

Jedrick     Kasi magagalit ang boyfriend mo.

Cheska     Magagalit talaga.

Jedrick     Sino ba mas pogi sa aming dalawa?

Cheska     Siyempre, siya.

Jedrick     Sino ang mas hot?

Cheska     Siya pa din, wala nang iba. 

Jedrick     Magaling ba siya sa kama?

Cheska     Sira, wala pang gan’yan. Nasabi ko na kanina sa ’yo na wala pa talaga kaming experience.

Jedrick     So weak, bakit naman?

Cheska     Ayaw ko pa talaga. Sadyang ayaw ko pa.

Jedrick     Paano kung ako na ang magyaya sa iyo? Tamang-tama tayo lang dalawa ang nandito.

Cheska     Huwag mo nga akong tuksuhin. Utang na loob. Baka gusto mo ng forever sa kulungan? Kakasuhan talaga kita.

Jedrick     Hindi mo na magagawa iyan kasi mamamatay ka sa sarap.

Cheska     Hello, ‘yong iba na lang ang patayin mo sa sarap. ‘Wag ako. Ikaw talaga, Jedrick. Kapag hindi ka pa nagtigil diyan, hindi ko talaga tatapusin ang ginagawa ko. Behave.

Jedrick     Of course hindi ko gagawin, nirerespeto ko rin ang boyfriend mo tulad ng pagrespeto niya sa ’yo. I’m just kidding you. Mahal na mahal mo talaga boyfriend mo, no?

Cheska     Sobra, kung may salita pang mas higit sa mahal na mahal na mahal, ‘yun ang sasabihin ko nang malaman niyang mahalaga siya sa buhay ko.

Jedrick     Wow, wagas!

Cheska     Oo naman. Naniniwala na ako na siya ang forever ko. Siya rin kasi ‘yong lalaki na hindi puwedeng saktan. Mabait, maunawain, mapag-alaga, at sigurado akong hindi niya ako sasaktan.

Jedrick     Ganyang-ganyan din ‘yong ugali ng minamahal ko. Pero sigurado ka bang hindi ka niya sasaktan? Kasi ako, sobrang nasaktan.

Cheska     Hindi niya ako sasaktan. Ramdam ko! Mula noong magkakilala kami sa art exhibit, alam kong siya na ‘yong tao para sa akin. Ang tao na kokompleto ng buhay ko. Kitang-kita ko sa mga mata niya na gano’n din ang nararamdaman niya. May spark. Kaya hanggang ngayon, 3 years na kami, hindi pa rin natinag ang aming relasyon.

Jedrick     Mahal na mahal ni’yo talaga ang isa’t-isa. Pero huwag kang magpakasiguro na siya na ‘yong forever mo. May mga uri ng pag-ibig na kahit alam mo na siya ang nakalaan sa ’yo, babawiin rin siya ng tadhana. Parang lobo, nasa kamay mo na, nakawala pa at masaklap, pumutok pa. Ang pagmamahal, may kaakibat na sakit at hindi ito maiiwasan. Minsan ang sakit at nakakamatay.

Cheska     Lakas naman nito makahugot. Kitang-kita ko din sa mga mata mo ang kalungkutan.

Jedrick     Ano ba iyan? I’m getting emotional. This is not the proper forum to talk about matters like this. Dapat hindi malungkot ang emosyon ko diyan sa drawing.

Cheska     Mabuti na ring may napagsasabihan ka ng bigat na nararamdaman mo. Mag-isa ka lang kaya dito. Baka mabaliw ka niyan. Handa akong makinig.

Jedrick     It was the darkest day of my life. That accident happened. 6 years ago, Mom and Dad died. Losing them was so painful. I rather chose to die than to live. I felt like I am losing everything. Nawalan ako ng number one supporter. Nawalan ako ng mga kasangga sa buhay, ‘yong mga tao na tunay na nakakaintindi sa akin. Sa preference ko at sa hilig ko, Mom and Dad were there to defend me in all ways they could. Now they’re gone. Wala na akong magagawa but to accept the fact that they’re not here anymore. But I still choose to continue living this life. Wherever they are, I’m sure they’re in much bliss. I’m successful. I’m in pursuit of my passion. This life on earth is temporary. Magkikita din kami.

Cheska     Ikinalulungkot ko ang mga bagay na ‘yan. Kung saan man ang mga magulang mo ngayon, masaya silang nakikita na tinatamasa mo ang iyong tagumpay.

Jedrick     Pero may mas sasakit pa pala kaysa mamatayan ng magulang.

Cheska     Ano ang ibig mong sabihin?

Jedrick     Ang pilit na ilayo sa ’yo ang taong pinakamamahal mo.

Cheska     Siya na ba ‘yong tinutukoy mo?

Jedrick     Exactly! I expect that person to be there when my world collapses.

Cheska     Bakit? Hindi ka niya talaga mahal? Kaya ka niya iniwan?

Jedrick     Hitik na hitik sa pagmamahal ang binibigay niya sa akin. Ramdam ko ‘yon. Tagos hanggang kaluluwa. Pero masyado lang overprotective ang mga magulang niya. Pilit siyang inilayo sa akin. Wala akong magawa. Itinuring nila akong salot sa harap ng kanilang anak. I have no choice but to be left behind.

Cheska     Grabe! Napakasakim naman. Walang puso! Teka, sabi mo kilala ko ang taong iyon. Kung hindi mo sana mamasamain, sino siya?

(Tumunog ang Cellphone ni Cheska)

Cheska     Sorry, alarm para sa voice message. Wait lang muna, ha. Magbo-voice message lang ako para pag may signal na mamaya ay masend sa kaniya. Baka nag-aalala na siya.

Hello Kiel Bheb… Malapit na ‘tong matapos, Bheb… Oo, may ginuguhit pa kasi ako… Sa San Isidro ito. Ay, hindi, sa Sitio Guadalupe pala. Huwag mo na akong sunduin. Kaya ko nang umuwi. Huwag ka mag-alala, ayos ako. Bye na, Honey, I’ll go to you after this. Siyempre, matititis ba kitang hindi makita? Sige, bye na muna.

Jedrick     Kiel pala ang pangalan niya. Bakit hindi mo sinabi na andito ka? Bakit sinabi mong nasa San Isidro ka, e andito ka sa Bukay Pait.

Cheska     Hindi niya alam na andito ako, walang nakakaalam. Magagalit kasi ‘yon.

Jedrick     Hala ka! Hindi ‘yan pagmamahal kung niloloko mo siya.

Cheska     Sinamantala ko kasi ang pagkakataon na ito na maiguhit ka para naman may fulfillment ako bilang artist.

Jedrick     Salamat, kasi pinaunlakan mo ako.

Cheska     ‘Wag ka nang masyadong magalaw. Kailangan ko nang kaunting concentration.

(Mahabang katahimikan)

Cheska     Sakto! Tapos na!

Jedrick     Puwede ko na bang tingnan?

Cheska     Oo, naman. Halika!

Jedrick     (Lumapit kay Cheska). Excellent, maganda ang pagkakagawa mo hindi mo talaga ako binigo. Magaling ka talaga. I wasn’t wrong na ikaw ang kinuha kong artist.

Cheska     Oo nga, sa kadami-dami ng mangguguhit dito sa South Cotabato, ako pa talaga ang napili mo. Gayunpaman, salamat. Salamat sa pagkakataon.

Jedrick     Tanggapin mo muna itong berdeng lobo.

Cheska     Para saan naman ito?

Jedrick     Nakalaan talaga iyan para sa’yo. May papel diyan at marker sa mesa. Magsulat ka kahit ano. You tell your whole experience ngayong gabi or something about me. Kahit ano. Tapos irolyo mo ‘yong papel. Isulat mo ang pangalan mo sa rolyo at itali dito sa lobo. Tapos iwan mo na lang itong nakalutang sa ere. Para may remembrance ako sa iyo. At para may patunay na minsan nakasalamuha ko ang magaling na artist na tulad mo. Piling-pili lang din kasi nakakapasok sa silid na ito.

Cheska     Hindi naman nagtatagal ang mga ganitong klase ng lobo. Helium ito at sa kalaunan, mawawalan din ito ng hangin at makukuyos. Paano ito magiging remembrance ko?

Jedrick     (Inilapit ang mukha niya sa mukha ni Cheska) Alam mo bang linggo-linggo akong nagpapalit ng mga lobo? Don’t worry, you will be always remembered.

Cheska     (Tulala habang nakatitig kay Jedrick nang matagal, hanggang sa nakabalik sa ulirat) Sige!

Jedrick     Anong sige?

Cheska     ‘Yang lobo, akin na. Huwag kang ano diyan.

Jedrick     (Napatawa nang malakas) Iwan na muna kita sandali.

*

IKALAWANG EKSENA

Cheska     (Nagsusulat sa kapirasong papel, inirolyo ang papel, isinulat ang pangalan sa rolyo, itinali sa lobo, at pinalutang ito. Kausap ang sarili) Kakaiba talaga ‘tong Jedrick na ito. Maarte nga talaga siya. May mga ganito pang nalalaman. Teka, nasa akin ang Ikalimang berdeng lobo. Ibig sabihin, ito ang panlimang milestone sa buhay niya. Pero paano? Dahil ba na-achieve niyang mag nude sa isang art work? E, hindi naman siya naghubad nang todo. Nevermind, ang importante fulfilled ako. Naiguhit ko ang isang sikat na katulad niya. (Itinali sa lobo ang pangalan niya. Tinitingnan ang kuwadrong nabalot ng berdeng tela). Kanina ko pa pinagmamasdan ang kuwadrong ito. Ano kaya ang nakatago diyan? Larawan ng parents niya? Bakit niya naman tatakpan? Hala! Siguro portrait niya na nakahubad? Susmaryosep. Siya pa? Walang hiya siya sa mga ganyang bagay. Hindi kaya larawan ‘yan ng taong pinakamamahal niya? (Sumisigaw) Puwede!

(Pumasok si Jedrick)

Jedrick     Puwede ang ano? Puwede na bang sakupin ang Bataan?

Cheska     Hindi. Hinding-hindi. Ang ibig kong sabihin, puwede na bang umuwi? Medyo gabi na kasi.

Jedrick     Puwede naman pero puwede ding dito ka na magpalipas ng gabi, kasama ko. Pero bago ka umuwi, inumin  mo muna ang Four Seasons. Alam kong uhaw na uhaw ka na. Ginawa ‘yan para sa iyo. Specialty drink.

Cheska     Nag-abala ka pa talaga. Sige, hindi ko na ito tatanggihan. (Ininom ang isang baso ng Four Seasons) Masarap! Ngayon ko lang natikman ang ganito kasarap na inumin. Salamat.

Jedrick     Ito na pala ang professional fee mo.

Cheska     Salamat ulit dito.

Jedrick     You’re welcome. Ako dapat ang magpasalamat sa yo. Talaga bang aalis ka na?

Cheska     Oo. Kailangan ko na talagang umalis. Naghihintay na si Kiel sa akin. At isa pa malayo din itong Bukay Pait mula sa Koronadal.

Jedrick     Ang buong akala ko pa naman ay bibigyan mo ako ng remembrance. ‘Yong remembrance na hindi na natin makakalimutan. (Tinutukso si Cheska)

Cheska     (Parang bibigay) Jedrick, seryoso ka ba talaga?

Jedrick     (Inilalapit ang kanyang labi sa mga labi ni Cheska) Sige na! Let’s give it a try. Let’s do it passionately.  Tayo lang naman ang nandito. Promise, walang ibang makakaalam. We will leave our dirty secret here.

Cheska     (Umaatras) Jedrick! ‘Wag mo namang pagsamantalahan ang kahinaan ko.

Jedrick     (Sinusundan si Cheska) I’m just offering my flesh to you. Nasa iyo na kung bibigay ka. Don’t worry. Hindi ka magsisisi.

Cheska     (Umatras nang bahagya at napahinto malapit sa kuwadrong nababalot ng tela)

Jedrick     (Hinawakan ang mga braso ni Cheska, dinampi ang kanyang ilong sa ilong ni Cheska. Hinalikan niya ang dalaga sa noo).

Cheska     (Natulala. Tinanggal ang mga kamay ni Jedrick sa kaniyang mga braso, nabitiwan niya ang berdeng lobo, at natapik niya ang kuwadro) Jed! I’m sorry! Hindi ko talaga kaya. (Napatingin sa nahulog na kuwadro. Pinulot ang larawan) Kiel! Bakit ka may litrato ng boyfriend ko?

Jedrick     (Tumawa nang malakas) Buti naman at alam mo na. Si Kiel lang naman ang taong mahal ko. Ang pinakamamahal ko.

Cheska     Pinakamamahal? Paano kayo nagkakilala? Bakit hindi ka niya naikuwento sa akin?

Jedrick     Tanga! Paano niya ako maikukuwento sa iyo, e may amnesia si Kiel. Magkasama kami noon, ako, si Kiel, ang Mama at Papa. Papunta kaming Dahican, naaksidente ang kotse namin. Namatay ang Mama at Papa. Kami ni Kiel nakaligtas, pero nagka-amnesia siya. At ‘yong mga putang magulang niya ay inilayo siya sa akin nang tuluyan na akong mawala sa alaala ng anak nila. Masakit ang mawalan ng mga magulang at masakit din na hindi ka na matandaan ng mahal mo, ng karelasyon mo.

Cheska     Ano ang pinagsasabi mo? Nahihibang ka na ba? Kayo ni Kiel may relasyon dati?

Jedrick     Hindi ako nahihibang, totoo ang sinasabi ko. Two years na kaming magkarelasyon ni Kiel bago ang aksidente. Masaya kami dati. Ang bawat araw namin ay punong-puno ng pagmamahal. Naniniwala ako na babalik siya sa akin. Pupunuin pa namin ng pagmamahal ang mga araw na kinuha sa amin.

Cheska     Hinding-hindi na siya muli pang babalik sa ’yo. Akin lang si Kiel. Masaya na kami ngayon. Masaya siyang tinatamasa ang pagmamahal ko. Mabuti naman at nagka-amnesia siya nang nakaalis siya sa baluktot ni’yong relasyon.

Jedrick     Kayo ang dahilan kung bakit baluktot ang buhay ni Kiel. Ikaw at ‘yong mga walang-hiya niyang mga magulang. Kayo ang baluktot. Hindi mo dapat tinatamasa ang pagmamahal niya. Ako lang ang nagmamahal sa kaniya nang wagas.

Cheska     Kaya mo ba ako pinapunta dito dahil may gagawin kang masama sa akin? Sinadya mo ang lahat ng ito?

Jedrick     Alam mo matalino ka. Pero naisahan pa rin kita. Handa ka na bang mamatay sa palad ko? (Tumawa nang malakas)

Cheska     Napakasama mong tao. Puwes sa akin, hindi mo ‘yan magagawa. (Tumakbo pero natumba)

Jedrick     ‘Yan ay kung makakaalis ka pa nang buhay dito, dahil sa mga oras na ito ay nilalamon na nang lason ‘yang katawan mo. Masarap ba ang specialty kong Four Seasons?

Cheska     Kailanman man ay hindi ka magiging masaya. Hindi mo makukuha  ang wagas niyang pagmama (Hinahabol ang hininga, hanggang sa binawian ng buhay)

Jedrick     Ang sabi ko sa ‘yo ay makasarili ako. Ang sa akin ay akin lang. Kawawa ka naman Cheska, ang dali mong mauto. Talentado ka pa naman sa pagguhit pero ako pa ang gumuhit ng kapalaran mo. Paano ba ‘yan? Hanggang dito ka na lang. Hindi na ako nahirapang todasin ka. At ito ang ikaapat na rason bakit gustong-gusto ko ang mga nakalutang na lobo. Doon itatali ang ang naunsiyami mong buhay… (Malakas na tawa) Paano ba ‘yan, sa ‘yo napunta ang ikalimang berdeng lobo. Bingo! (Malakas na tawa)

(Kinuha ang kamay ni Cheska) Nakalimutan mo palang lagdaan itong drawing mo. Patay ka na pala. Sige thumb mark mo na lang (Kinuha ang lapis at ginuhitan niya ang kanang hinlalaki ni Cheska saka inilapat niya ito sa drawing. Pagkatapos, tumawa nang malakas. Kinuha ang larawan ni Kiel at niyakap ito)

Kiel, mahal ko, andito na ako. Sayong-sayo lamang. Handa ka na ba? (Malakas na tawa).

Advertisement