by Hiyasmin Gabriela Espejo (Play)
Mga Pangunahing Tauhan
ROSALINDA DELA CRUZ –Isang babaeng nasa kanyang early 20’s.
JOCELYN DELA CRUZ –Kapatid ni Rosalinda. 19 years old.
MICHELLEABAD –Supervisor ni Rosalinda. Isang babaeng nasa late 40’s.
KATRINA –Kaibigan at kasamahan ni Rosalinda sa trabaho. Nasa early 30’s.
TERESA –Isang newbie sacall center.Nasa early 20’s.
Tagpo
Sa isang boarding house at sa call center.
Oras
Kasalukuyan.
*
SCENE 1
Sa kuwarto ni Rosalinda.
(Nakapokus ang ilaw sa kama kung saan nakahiga si ROSALINDA. Tutunog ang alarm ng cellphone niya.)
FLASH: 9:25 PM
ROSALINDA
Argh! Five more minutes, please!
(Pipindutin ni ROSALINDA ang cellphone. Tutunog muli ang alarm.)
FLASH: 9:30 PM
ROSALINDA
Trabaho na naman!
(Tatayo si ROSALINDA at lalabas ng entablado.)
SFX: Umaagos na tubig mula sa shower.
(Lalabas si ROSALINDA na pormal ang gayak – blusa, slacks, itim na sapatos at may dalang bag. Lalabas si ROSALINDA ng kuwarto at pupunta sa kusina.)
Sa kusina.
(Daratnan ni ROSALINDA si JOCELYN na nakaunipormeng pangkolehiyo at may binabasang libro.)
ROSALINDA
Jo! May natira pa bang pagkain from dinner?
JOCELYN
Naku, pasensiya. Ubos na ang ulam, Ate. Pero may kanin pa diyan. Magluto ka na lang ng ulam mo.
ROSALINDA
Wow! Try niyo rin minsan tirhan ako ng ulam, ha? Kahit naman iba ang takbo ng oras ko sa oras ninyo, nagugutom din naman ako, girl.
JOCELYN
I’m sorry, my call center sister.
(Titingin kay ROSALINDA at tatawa.)
Magluto ka na lang ng itlog at hotdog. Tutal, oras ng almusal mo naman, e.
ROSALINDA
Nevermind, sa office na lang ako kakain.
JOCELYN
It ups to you, my call center sister!
(Titingnan si ROSALINDA mula ulo hanggang paa.)
Teka, anong meron? Ba’t ganyan ang bihis mo? Businesswoman ang peg, te? Yung totoo, sa call center ka ba nagtatrabaho o sa World Trade Center?
(Tatawa.)
ROSALINDA
Tse! Teka, yung bill ng boarding house, dumating na ba?
JOCELYN
Hay, naku. Last month pa, te! Baka nga mapaalis na tayo dito, e! Kaya nga sinasadya kong gabi na umuwi, e. Kasi naman kinukulit na ako ni Madam.
ROSALINDA
(Bubuntonghininga)
Don’t worry. Sabihin mong magbabayad ako sa susunod na sahod.
JOCELYN
Did you sure about that, my call center sister?
ROSALINDA
Oo naman. Sige, alis na ko. Male-late na ako.
JOCELYN
Ay, teka, te. Pahingi ng baon.
ROSALINDA
Ano? Kabibigay ko lang nung Monday, ah!
JOCELYN
Sabado nung huli mo akong bigyan, te, ng limandaan. Sandaan kada araw, di ba?
ROSALINDA
Oo nga, pero nung Monday lang yun!
JOCELYN
Sabado yun, te! Huwebes ngayon.
ROSALINDA
Kaya nga nagtataka ako kung bakit ka nanghihingi na naman ngayon.
JOCELYN
Ate, Sabado yun. NSTP ko nun, e. Humingi nga ako ng ekstra para pambili ko ng NSTP shirt, pero sabi mo sa susunod na sahod mo na lang ibibigay.
(Tatawa)
Ayan ka na naman, e. Nalilito ka na naman sa araw at oras mo. Wala ba kayong tense of time sa trabaho ninyo?
ROSALINDA
Sense of time, boba.
(Titingin sa taas naparang may iniisip.)
Ay, oo nga, noh? Saturday nga yun.
(Kukunin at bubuksan ang kanyang wallet mula sa kanyang bag. Ilalabas ang buong limandaang piso.)
Wala akong change, e. Ano oras ba pasok mo bukas?
JOCELYN
Ala-una ng hapon.
ROSALINDA
Bigay ko na lang sa ’yo bukas. Alas-otso naman out ko, e. Uuwi rin ako agad.
JOCELYN
You sure that one, my call center sister! Or else I cannot goes to school!
ROSALINDA
Eto na nga lang pera ko, e! OMG! One week to go pa before sahod!
JOCELYN
Good luck! Kasi naman, pag araw ng sahod, Starbucks, taxi. Pero kahit wala kang pera, magaling ka pa ring tumayming, Ate. May 3-in-1 akong kape riyan, baunin mo na lang sa trabaho.
(Tatawa)
ROSALINDA
‘Wag na. Hindi naman ume-effect sa akin ‘yan, e. Bibili na lang ako ng Cobra sa kanto.
JOCELYN
Samahan mo pa ng yosi at nang maging super malusog ka na.
(Tatawa)
ROSALINDA
Tse! Alis naako.
JOCELYN
Goodbye and thank you, my call center sister!
(Lalabas ng entablado si JOCELYN. Si ROSALINDA naman ay maglalakad papuntang convenience store.)
Sa counter ng convenience store.
ROSALINDA
Miss, isang Marlboro. Tens. Red. Tapos isang Cobra rin.
(Iaabot ang limandaang piso mula sa wallet.)
TINDERA
Wala po ba kayong smaller amount, Ma’am?
ROSALINDA
Wala, e.
TINDERA
Sure po kayo, Ma’am?
ROSALINDA
Ano ba’ng sabi ko? Wala nga, di ba?
(Padabog na kukunin ng tindera ang sigarilyo.)
ROSALINDA
(Magagalit)
Nagdadabog ka ba, Miss?
TINDERA
Hindi po, Ma’am.
ROSALINDA
Siguraduhin mo, ha? Huwag na huwag mo akong babanggain, Miss, ha? Because I am a customer service representative. Alam ko ang rights ko as your customer. Remember, the customer is always right. It’s your job na maghanap ng change. O baka gusto mong kausapin ko manager mo?
TINDERA
(Yuyuko habang inaabot ang sukli.)
Eto na po change n’yo, Ma’am.
ROSALINDA
See, may change ka naman pala, e!
(Lalabas ng convenience store si ROSALINDA.)
TINDERA
Kala mo kung sino. I-English-English pa!
(Aktong babalikan ni ROSALINDA ang TINDERA ngunit matitigilan siya. Titingnan niya ang kanyang cellphone.)
FLASH: 10:11 PM
Kung di lang ako male-late. Humanda ka sa susunod! Kay aga-aga, bubuwisitin na ako? Aba!
(Magsisindi ng sigarilyo. Iinumin ang dalang bote ng Cobra Energy Drink. Bibilangin ang sinukli ng TINDERA.)
So, four-fifty. Paano ko pagkakasyahin ‘to ng isang linggo? Bibigyan ko pa si Jocelyn ng two hundred. OMG.
(Hihithitin ang sigarilyo.)
Ba’t ba kasi ako nagpadala dun sa hulugang Michael Kors na bag? Paano ‘to? What if hindi ko na lang muna babayaran? Payag kaya si Katrina? Sana. Teka, anong oras na ba?
(Titingin sa cellphone.)
FLASH: 10:21 PM
Male-late na ako.
(Iinom ulit ng Cobra. Itatapon ang sigarillyo at maglalakad nang mabilis palabas ng entablado. Lights off.)
*
SCENE 2
Sa lobby ng opisinang Perfect Global Solutions.
FLASH: 10:59 PM
(Tatakbo si ROSALINDA at isa-swipe ng tatlong beses ang kanyang ID sa barcode machine. Tutunong ang barcode machine.)
SFX: Tatlong short beeps.
ROSALINDA
Woooh! Muntikan na akong ma-late, a! Buti nakaabot pa!
(Tatakbo papuntang locker, kukunin ang tumbler at headset. Kukunin mula sa bag ang cellphone at itatago ito sa kanyang bulsa. Ipapasok ang bag sa locker. Tatakbo papuntang production floor.)
Sa production floor.
ROSALINDA
Good morning po, Miss Michelle!
MICHELLE
(Nakaharap sa computer.)
Good morning –
(Titingnan si ROSALINDA.)
You’re late again.
ROSALINDA
Hindi a, 10:59 po ang barcode ko.
(Ngingiti.)
MICHELLE
You’re still late. At 10:59, you should already be taking calls. How many times do I have to remind you to –
ROSALINDA
Be at the office, fifteen to thirty minutes before your shift so that you can prepare your station and your tools.
MICHELLE
See, you’ve even memorized it but what are you doing about it, Rosalinda?
ROSALINDA
Rosalinda agad? Full name agad? Hindi ba pwedeng Rosa muna?
MICHELLE
EOP. English Only Policy, Rosa. We have clients who are visiting today, remember?
ROSALINDA
I forgot. Sorry, Miss.
MICHELLE
Go ahead and prepare your station. Log in right away, okay?
ROSALINDA
Yes, Miss.
(Tatakbo papunta sa mga cubicle. Uupo sa cubicle na nasa kanan ni KATRINA at susubuking i-on ang computer.)
Ayaw mag-on! Sira ba itong station na ‘to? Ba’t kasi nang-aagaw ng station, e!
KATRINA
Kung di ka lang sana late, Rosa. Alam ko namang gustong-gusto mong umupo sa tabi ng crush mo, e! Naagawan ka tuloy. Alam mo namang may newbies, e!
ROSALINDA
(Kakausapin ang katabi sa kanan.)
Hi! Newbie ka?
TERESA
Yes, Ma’am.
ROSALINDA
‘Wag mo nga akong mina-Ma’am. Pareho lang tayong agent.
(Kikindat.)
By the way, I’m Rosa. What’s your name, baby girl?
TERESA
Teresa po.
ROSALINDA
Wala bang “for short” ‘yan, baby girl?
TERESA
Tere, na lang po.
ROSALINDA
Tere, hmmm. Medyo mahirap tandaan ‘yang pangalan na ‘yan. Saka hindi tunog-American. Naisip mo na ba anong pangalan ang gagamitin mo?
TERESA
Terry po sana yung gagamitin ko.
ROSALINDA
Hindi mabait pakinggan, e. What if, “Therese”? Oh, di ba? Very nice. Virginal. Therese.
TERESA
Oo nga, no? Sige, I’ll use Therese.
ROSALINDA
Awesome! So magte-take na ba kayo ng calls?
TERESA
Mamaya pa raw, e. Call listening daw muna kami. Side-by-side.
ROSALINDA
So sa akin ka magko-call listen?
TERESA
Kung okay lang sana sa iyo.
ROSALINDA
Sure! No problem. Wait lang, ha. Prepare ko muna yung tools.
(Magbubukas ng mga ginagamit na software sa computer.)
Okay, shoot!
(Da-dial sa teleponong Avaya at pipindutin ang Log In button nito.)
Alright! Avail pa naman pala e. Wala pang calls. So, kumusta naman tech training ninyo?
TERESA
Nose bleed.
(Tatawa.)
ROSALINDA
Nose bleed talaga. Technical support, e! Sukang-suka na nga ako sa mga routers, modems, at kung anik-anik pang maisipan nilang ibenta at sirain.
TERESA
Mahirap ba ang technical support?
ROSALINDA
At first, yes. Lalo na kapag wala ka talagang background sa technical support, tulad ko. Pero, sa awa ng Diyos, nakapasa naman. At ngayong tenured na ako, kahit half-asleep ako, mareresolve ko pa rin ang problems nina John Smith, Rashid Patel, at Tom Nguyen.
TERESA
John Smith? Sino sila?
ROSALINDA
Sila ang mga customer natin. Mga karaniwang names ng customers natin. Pero alam mo, kahit antagal ko na dito, nangangapa pa rin ako when it comes to reaching the targets. Kasi naman, pa-change-change sila ng call flow, Quality Assurance or QA guidelines, at sales metrics. Nakakaloka minsan. Lalo na ang mga customers. Get ready for irate customers. Pero, normal namang umiyak sa first call mo or sa first experience mo with an irate customer. Noon nga, e –
SFX: Long beep.
(Matitigilan si Rosalinda at pipindutin ang mute button sa Avaya. Susuotin niya ang dalang headset.)
Wait, may call na ako.
(Pipindutin muli ang mute.)
Thank you for calling Connected Home technical support. My name is Rose. How may I help you today?
(Tatahimik si Rose at pipindutin ang mute.)
Wow! Jackpot! Indian! First call, Indian agad? Kung minamalas ka nga naman.
TERESA
Bakit?
ROSALINDA
You’ll find that out soon, baby girl. Balik muna ako sa call ko.
(Pipindutin muli ang mute.)
I see. So, you lost inner-net connection? I’m so sorry to hear that, Sir. But don’t worry, I’ll be more than happy to assist you with that. Before we proceed, though, I would need to gather some information so I can create a case for you in the system.
(Pipindutin muli ang mute at kakausapin si TERESA.)
Ay, putang ina! Hindi niya raw maintindihan English ko? Sure ka na ba, Sir, o hindi ka lang talaga nakakaintindi ng English, period?
(Pipindutin ang mute.)
I’m sorry about that, Sir.
(Magsasalita nang mabagal.)
I was just saying that I would need to create a case for you here in the system. May I have your first name?
(Pipindutin ang mute.)
Struggle, baby girl, ang kumuha ng pangalan ng Indian na customer. Listen and learn.
(Pipindutin ang mute.)
I’m sorry, I didn’t catch that. Do you mind spelling it out for me?
(Pipindutin ang loudspeaker button.)
CUSTOMER
(Voice-over. Indian accent.)
A for epol. N for no. I for I know. R for royal. U for you and me. D for dool. D for dool. Ech for hooray.
ROSALINDA
See? Torture! Nakuha mo ba name niya?
TERESA
Hindi. Ang hirap kaya!
ROSALINDA
My point, exactly. Wait ha.
(Pipindutin muli ang loudspeaker button.)
I’m sorry. Was that A for alpha, N for November, I for India –
(Pipindutin ang loudspeaker at tatawa. Pipindutin ulit ang mute.)
R for Romeo, U for uniform, B for bravo or D for delta?
(Naiirita.)
Yeah, but what do you mean by B? B as in ball, banana or D as in dog, daddy? Okay, so that’s D for daddy or delta. Then another D for delta. And, was that X for x-ray?
(Pipindutin ang mute.)
Tang-ina, Sir! 3 minutes na ang lumipas, first name niyo pa lang nakukuha ko? Ang AHT ko! Please! By the way, Tere, AHT is Average Handling Time or the time you spend talking to a customer. So, sa tantiya ko dito, 45 minutes ito. Target, by the way is 15 minutes. So, good luck to me!
(Pipindutin ang mute.)
I see. H for hotel. Okay. And your last name? Oh, Patel. So that’s Aniruddh Patel. Okay. So, by the way, you mentioned that you’re not on the place where the router is? Oh, I see. There are many things that we need to check in order to fix your router. First, we need to check if you have inner-net connection from your cable modem. And we can only do that if you’re on the place where the modem and router are. Ahuh, yes, Sir. Don’t worry. I’ll be giving you a reference number. Yup! Do you have a pen and a paper handy? Okay. It is DDA or delta delta alpha. I’m sorry?
(Pipindutin ang mute at kakausapin ulit si TERESA.)
Tere! Gagong customer, o. Sabi ko DDA as in delta delta alpha, punyeta. Sabi ba naman, can you spell delta?
(Pipindutin ang mute.)
TERESA
(Tatawa.)
Gosh!
ROSALINDA
Yeah, that’s right. 156785. So it’s DDA156785. Okay. Sure! You’re welcome, Mr. Patel. Thank you so much for calling Connected Home tech support. You have a wonderful day and do take care!
(Ibababa ang headset.)
Tangina. Wala naman pala sa bahay. Panira ng sales conversion. Nagyo-yosi ka ba, Tere?
TERESA
Hindi.
ROSALINDA
Tara, samahan mo ako!
(Sisigaw kay MICHELLE)
Miss, aux one! Bye!
(Pipindot ng Aux button sa Avaya at kukunin ang yosi at lighter.)
Sa smoking area.
ROSALINDA
(Kukuha ng isang stick ng sigarilyo at sisindihan ito.)
Alam mo, Tere. Nakakainis talaga ‘yang mga customer na ‘yan. Minsan, tatanga-tanga. Tulad nung isa, tatawag para ipaayos yung connection niya, e, wala naman siya sa bahay. Asar.
TERESA
Pero ganyan ka ba talaga, Rosa? I mean, irate agent?
ROSALINDA
Hindi naman always. Minsan, may puso rin naman ako. Like one time, nagka-customer ako na super tanda na, and differently-abled pa. Super naawa ako at ang ending, umiyak ako nang bongga.
(Tatawa.)
May naging customer din akong may cancer at halos di na makapagsalita. Naiyak na naman ako.
(Katahimikan.)
Depende naman ‘yan sa customer, e. Kung nice sila, nice din ako. Kung hindi naman, good luck.
TERESA
Pero, di ba, may sanction pag nahuli ka ng QA for rudeness?
ROSALINDA
Oo, termination pa nga aabutin mo niyan e. Kaso alam mo yun, yung andami mong kailangan habulin – AHT, QA, sales conversion – hindi mo na mapapagsabay-sabay! Naisip ko nga, mahirap din ‘tong trabahong ‘to. Andami mong kailangan habuling target. Mafi-feel mo lang ‘yan pag nasa floor ka na, taking actual calls. Sikat na sikat dito sa call center ang “Hindi araw-araw Pasko.” Minsan, dami mong sales, panay mababait yung customers mo. Pero may mga araw ring buwisit na nga silang lahat, nahihirapan ka na nga sa problema ng customer mong may tatlong iMac, limang iPad, dalawang iPhone at sandamakmak na printer, binibuwisit ka pa ng supervisor mo na bumenta ng mga router. Kaya minsan, wala kang choice kundi bolahin yung customer na “You need this, you need that.” para lang makahabol sa sales. Tapos yung tipong super serious ka na sa troubleshooting mo ng dalawang router ng customer plus sandamakmak na gadgets, e, kukulitin ka na naman ng supervisor kasi 30 minutes ka na sa call. Tapos pag nagtangka kang mag-explain, ang sasabihin sa iyo ay you need to balance everything. Avoid unnecessary troubleshooting. Hello! Hindi mo naman siguro kasalanang trip ng customer mong pakyawin yung buong iCenter at i-connect silang lahat sa Internet, di ba?
TERESA
Hindi ka pa ba nahuhuli ng QA?
ROSALINDA
Hindi pa naman. Nahuhuli ako ni Sup Michelle but kinakausap lang din naman ako nang mabuti. Naku, pag ako nahuli, patay! Dadaanin ko na lang siguro sa petiks. I don’t know.
TERESA
Pero di mo pa ba naisip na magbago bago ka mahuli?
ROSALINDA
Come what may ako. Kung matatanggal, e di go. But I don’t think they can let me go. First, tenured agent ako. Second, bongga din naman ang sales ko.
TERESA
May pinapag-aral ka ba? O asawa at mga anak?
ROSALINDA
Pinapag-aral, yes. Asawa? Anak? No. Wala akong oras para sa mga ganyan. And speaking of oras, malapit na akong ma-OB!
TERESA
OB?
ROSALINDA
Overbreak!
(Hihithit ng sigarilyo at itatapon ito.)
Tara na!
(Tatakbo pabalik ng production floor.)
MICHELLE
Rosa! OB!
ROSALINDA
Sorry, Miss.
MICHELLE
What’s wrong, Rosa?
(Pabulong.)
Kanina, muntik ka na ma-late. Ngayon, OB?
ROSALINDA
Sorry po, Sup. Di na po mauulit.
(Tatakbo pabalik sa cubicle.)
OB nga ng 2 minutes.
(Susuotin ang headset.)
Thank you for calling Connected Home technical support. My name is Rose. How may I help you today?
(Binaba ang headset at pinindot ulit ang Avaya.)
Wow, wala na atang mas a-irate pa dito. Hala, sige. Dumakdak ka nang dumakdak diyan. Kuha muna ako ng tubig.
(Tatayo, kukuha ng tubig. Pagbalik niya ay isusuot niya ulit ang headset.)
Yes, I’m here. I apologize for the inconvenience, Sir.
(Pasigaw.)
No! I understand where you’re coming from. I understand the frustration. I will be more than happy to assist you with fixing your router.
(Pinindot ang Avaya.)
Mas bobo ka! Akala mo kung sino! Bobo ka nga di ba, kaya nga tumatawag ka ng tech support?
(Pinindot ulit ang Avaya.)
Okay, Sir. I really would want to help you with this issue. Before we proceed, let me gather some information so I can create a case for you. May I have your full name, starting with your first name, please?
(Pinindot ang Avaya at naiirita na.)
Isa na lang, Sir. Last na lang talaga. Promise.
(Pinindot muli ang Avaya.)
I hope that makes you feel good about yourself.
(Pinindot ang mute at tatawa nang malakas.)
Boom! Sabi ko naman kasi last ka na. Grabe, Kat, stupid and incompetent daw ako? Release ko kaya ‘tong gagong ‘to?
KATRINA
(Pinindot ang mute.)
Alam mo namang bawal ‘yan. Mahigpit na ang QA ngayon. Remember, si Justin, ganyan din yung kaso.
(Pinindot ang mute.)
ROSALINDA
Alam mo rin naming super hate ko ‘yang mayayabang na Kano. Nakakainis!
KATRINA
(Pinindot ang mute.)
Whether we like it or not, the customer is always right.
ROSALINDA
No. This customer is wrong!
(Pinindot ang Avaya.)
TERESA
Ano’ng nangyari sa call?
ROSALINDA
Ssshh. Ni-release ko. Corny e. Buwisit. Di bale, di naman ako gumawa ng case, e, so hindi ako mate-trace.
(Tatawa)
Tayming pa. Avail ulit!
TERESA
Ano nang mangyayari sa customer?
MICHELLE
Rosa, press Aux Meeting.
ROSALINDA
Coaching, Sup?
MICHELLE
Just press Aux Meet.
ROSALINDA
(Pinindot ang Aux Meet sa Avaya.)
Done, Sup!
(Tumayo at naglakad papunta sa station ni MICHELLE.)
MICHELLE
The QA sent me an email. They have monitored your live calls today. By they, I meant not just the QA, but a client as well. Do you remember what you did with your last call?
ROSALINDA
Yes, Sup. Gago naman yung customer, e.
MICHELLE
Sa three years mo dito, Rosa, I’m sure alam mo na maraming ganyang customer. Hindi ka naman irate noon, a? Don’t tell me that I haven’t warned you. Sabi ko naman, di ba. ‘Wag maging kampante. Pero hindi ka pa rin pala nadala?
ROSALINDA
Sup, hindi ko naman ire-release yung call kung hindi irate yung gagong yun, e.
MICHELLE
So ni-release mo? Oh, no.
ROSALINDA
E, sinabihan na ako ng stupid, e.
MICHELLE
Alam mo namang may SOP tayo diyan. Paano natin to ie-explain?
ROSALINDA
Na na-disconnect? Pinetiks ko naman yun, Sup, e. Di naman release button yung pinress ko. So hindi nila matse-check yun sa released calls tracker.
MICHELLE
Aba, ang galing mo sa workaround, a? I’m sorry, Rosa. Just to set your expectations, baka hindi tayo makalusot dito. Live call, e. So, sa ngayon, mag-lunch ka muna at pinapapunta nila ako sa conference room to deliberate.
ROSALINDA
Sup! Natatakot ako!
MICHELLE
Ikaw naman may gawa niyan sa sarili mo e.
ROSALINDA
Hindi naman ako matatanggal, diba?
MICHELLE
It’s up to the upper management. I’m sorry.
(Lights off.)
*
SCENE 3
Sa smoking area.
ROSALINDA
(Magsisindi ng sigarilyo.)
Tatanggalin nila ako? E, ang dami ko kayang sales contribution. Buwiseeet. No, I don’t think tatanggalin nila ako. Importante naman siguro ako para sa kompanyang ito, no? Pero, OMG, paano na’ng bills? Ang boarding house, ang installment kong bag, ang kapatid kong nag-aaral?
(Tatawa)
No, Rosa. They wouldn’t do that to you. Don’t worry. Everything will be fine. They will consider the three years you have spent with the company. They will. They definitely will. Kaya, relax, Rosa.
(Hihithitin ang sigarilyo.)
Relax.
(Itatapon ang sigarilyo at babalik sa production floor.)
Sa production floor.
MICHELLE
Rosa. Come here.
(Uupo si Rosa sa station sa tabi ni Michelle.)
This is not easy for me. In fact, I don’t know how to say this –
ROSALINDA
Tanggal na ako, ganun ba, Sup?
MICHELLE
Alam mo naming mortal sin ang mang-release ng call, Rosa. And naungkat yung mga dati mong kasalanan, AWOL, pagdadala ng cellphone sa floor –
ROSALINDA
It’s okay.
MICHELLE
I’m so sorry. I tried to –
ROSALINDA
It’s fine, Sup. I understand.
MICHELLE
(Yuyuko.)
Okay. Please proceed to the HR for your clearance.
(Enter Teresa.)
TERESA
Rosa! Ano’ng nangyari?
ROSALINDA
Ayun, terminated. Kaya ikaw, umayos ka. Kung sa tingin mong hindi bagay sa iyo itong call center, ‘wag ka ng tumuloy. College graduate ka ba?
TERESA
Oo.
ROSALINDA
Good for you. Ako kasi hindi, kaya wala akong choice. Try mong maghanap ng mas magandang trabaho. Ganun din naman uwi ng lahat ng college graduates, e. Ginagawang stepping stone ang call center. And, it’s fine, Tere. Come and go naman talaga ang mga tao sa BPO, sa call center.
TERESA
Pero, paano ang kapatid na pinapag-aral mo?
ROSALINDA
Yun nga pinoproblema ko. Nangako ako sa parents kong aakuin ang pagpapaaral sa kapatid ko. But, that’s fine! Andaming call center dito no!
(Nakapokus ang ilaw kay ROSALINDA. Titingnan nito ang kanyang cellphone.)
SFX: standard text message ring tone.
FLASH: Message from Katrina
Rosa, i’ve head… sori… nga pala, ok lng b f kunin ko na yung payment para sa bag? sinisingil na kasi ako ni ate… magbabayad daw siya ng credit card… i knw na d 2 mgndang timing, pero sori tlga…
FLASH: Message from Jocelyn
TEEEEEEEHHH! wrU na pOh? kLngAn ko na pMuNta skHuL. aLowAnce ko? 🙂
FLASH: Message from Landlady
Good morning, Rosa. Please settle your balance sa bhaus. P6,500. Thank you.
(Lights off.)
*
SCENE 4
Sa boarding house.
ROSALINDA
Jo! Jocelyn!
(Magtatanggal ng sapatos si Rosalinda at dederetso ito sa kusina. Titingnan niya ang mesa at iaangat ang food cover. Makikita niyang wala itong laman.)
Right. Wala na namang pagkain.
(Lights off.)