Introduction

Piniling manahimik ni Genory Vanz Alfasain isang gabing pauwi siya. Matutunghayan natin siyang hindi kumikibo nang pinag-usapan ng iba pang pasahero sa loob ng sinasakyan niyang traysikol ang problema sa transportasyon sa magkatabing mga bayan ng General Santos at Alabel (ang kaniyang tahanan). Naroon lamang siyang nahihirapang umupo dahil na rin hindi sila kasya ng kaniyang katabi sa upuan ng traysikol. Naroon lamang siyang nakikinig sa palítan ng mga kasáma, at iniisip: “Unsaon ba nako pag-istorya sa akong gibati, naglisod pa pod gani ko sa akong kahimtang sa sulod sa traysikel.” Ngunit hindi talaga siya totoong nanahimik sapagkat naririnig na natin ngayon sa kaniyang akdang “Tulay Buayan” ang kaniyang tinig. At kailangang pansinin na naririnig natin ito sa baryasyon ng Binisaya na natatanging ginagamit sa Sarangani at General Santos. Bumabalik gayon sa isang pangunahing gamit ng pagsusulat ang maikling sanaysay ni Alfasain–ang magpahayag sa sariling tinig at mapakinggan.

Pagpapamalay naman ng isang katotohanan ang layunin ni Melissa Barientos ng Polomolok, South Cotabato at Esperanza, Sultan Kudarat sa pagsulat ng tulang “Kaagi.” Isinulat sa estilong madalas na ginagamit sa mga tula para sa mga bata, mapaglaro niyang inilarawan ang búhay ng mga butiki upang maipabatid sa mga mambabasa na hindi madali ang mabuhay–isang pagsunod sa mahabang tradisyon ng paggamit ng katangian ng mga hayop bilang talinghaga sa búhay ng mga tao. Kaniya itong nilagom sa huling dalawang talata: “Mo-mo sa imo,/ Pyesta sa akon./ Gamay sa imo,/ Damo sa akon.// Kabuhi ka butiki/ Indi sayon./ Daw tawo man/ Indi sayon.”

Paggiit naman ng kaniyang kakanyahan ang maikling sanaysay na “Better This Way” na isinulat ni Spencer Pahang ng Kidapawan, Cotabato. Binabalikan niya rito ang unang araw niya sa junior high school at kung paano niya napansing ang pagiging “social awkward” niya ang dahilan ng ibang pagtingin sa kaniya ng mga kaklase. (At kailangang pansinin na makikita pa rin ang katangian niyang ito sa paraan niya ng pagkakasulat: walang mga usapang isinama para magpakita man lamang sana ng interaksiyon niya sa ibang tao; sa halip, puro lamang paglalarawan ng mga nakikita niya at mga pag-iisip.) Sa huli, sinubukan niyang maging bukás sa ibang tao at natuklasan ang isang panibagong bahagi ng kaniyang pagkatao habang hindi itinatakwil ang kakanyahang nagpapatangi sa kaniya–“As the tricycle wobbled down the uneven road, I made an oath to myself: I will not degrade myself for being different from other boys.”

Sa tula namang “#ReminderParaKayFuture” ni Larry Illich N. Souribio ng Tupi, South Cotabato, makikitang ginagamit ang pagsusulat upang humiling–o magpaalala–na dumating na sana ang hinihintay niyang langga: “Kung sa diin ka man subong, langga/ Tani mabal-an mo nga ari ko/ Nagahulat…” Tulad ng tula ni Barientos, ipinapahayag ni Souribio ang hiling na ito sa kumbersasyonal na paraan gamit ang baryasyon ng Hiligaynon na ginagamit sa rehiyon, at masasabing akma lamang ito upang mapangatawanan ang pagpili niyang gamitin ang makabagong anyo ng hashtag sa kaniyang pamagat.

Pagtanggap naman ng isang mapait na katotohanan ang isinasalaysay ng dagli ni Gian Carlo Cagaanan Licanda ng Maasim, Sarangani. Pinamagatang “Stars in the Ceiling,” matutunghayan lamang natin ang dalawang tauhan na nagmamasid ng mga “glow-in-the-dark stars” sa kisame. Mula roon, ipapapansin sa atin sa dulong bahagi ang tensiyon sa ugnayan ng dalawa–“We just laid there in the darkness, holding each other until he fell asleep, and I once again allowed myself to cry silently, for the chances I didn’t take, the choices I didn’t make, for the love that I lost.”–bago ipabatid na natanggap na nagsasalaysay ang kalagayan niya, nila. At alam natin na naipamalay na ito ni Licanda sa simula pa lamang ng akda nang inilarawan niya ang napili niyang gamiting talinghaga, ang mga di-totoong bituin sa kisame.

Paglalahad naman ng tunggalian sa kaniyang sarili ang tulang “Cigarettes and Ashes” ni Patrick Jayson L. Ralla ng General Santos at Polomolok, South Cotabato. Malinaw niyang inilahad kung paano maláy man ang persona sa dahan-dahang pagkatupok ng kaniyang katawan bilang kahihinatnan ng patuloy niyang paninigarilyo–at nakatutuwang pinaglaruan niya ang mga kahulugang dinadala ng salitang “ashes” para ipahayag ito–hindi nito matakasan ang ligayang nakukuha sa bawat paghithit. Sa huli, mukhang hindi naman talaga binanggit ang “pagkawasak” na maaaring mangyari dahil sa paninigarilyo para tigilan nang gawin ito, kundi para ilahad sa mga mambabasa na inaasam niya talagang mawasak: “And for the longest time,/ it desires the destruction/ of my very own body.”

Mapapansin na karamihan ng mga manunulat sa isyung ito ang maituturing na nagsisimula pa lamang galugarin ang larangan ng malikhaing pagsulat. At anuman ang layunin at dahilan nila kaya napunta sila sa pagsusulat, mahalagang makilala at maitanghal ang kanilang mga tinig. At ang totoo, ang maghikayat ng mga bagong manunulat mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon na nagsusulat sa iba’t ibang wika tungkol sa iba’t ibang karanasan at paksa ang isa sa mga pangunahing layunin kaya binuo ang Cotabato Literary Journal–isang kinakailangang paalala lalo na at magdiriwang na ito sa susunod na buwan ng isang taon ng pagkakatatag.

Advertisement