5-5-5

by Alvin Pomperada (Poetry)

Para sa mga manggagawa

Unang Isyu

Sa pagtatanim mo ng palay, sapat ang iyong buong lakas

Ngunit salat ang bulsa sa pambili ng kakaining bigas.

Kaban na ang nahukay mong bárang ginto

Ngunit ang balik lamang sa iyo’y baryang tanso.

 

Pangalawang Isyu

Ang lakas paggawa, katumbas sa kanila’y balewala

Bayarang manggagawa, wala nang marami pang salita.

Kung ayaw mo ng kanilang termino at kondisyon,

Madali ka lang palitan sa organisasyon.

 

Pangatlong Isyu

Mga bubuyog kayo sa isang malaking bahay-pukyutan.

Marami man ang inyong mga bulungan,

Hindi ito makabubuo ng sigawan

Sapagkat limang buwan lang ang taning sa pinapasukan.

 

Pang-apat na Isyu

5-5-5 (five, five, five) may kum-ple-tuna.

Ang tanong kumpleto nga ba ang natatanggap nila?

Kumpleto nga ba ang suweldo ng magti-tinapa?

Ang years of employment ng iba, magto-two na

Ngunit starting salary pa rin ang natatangap nila

Malaki na ang kaltas sa mga pamasahe;

Hindi na nga regular, delayed pa ang pasuweldo.

Ano ‘yan, buwanang daloy ?

Dahil sa liit ng suweldo, sardinas lang ang kayang bilhin.

Sa kakakain ng tinapa, kayo’y nagmumukhang sardinas na rin.

Hindi lang dahil sa pugot-ulo kayong nagtatrabaho

Kundi mabilis lang din kayong idispatsa sa karga ng barko.

 

Panlimang Isyu

Isa, dalawa, tatlo, apat, lima.

Limang daliri ang kailangan upang mabuo ang isang kamao,

At isang kamao ang kailangang itaas upang malaman ng mundo

Na ika’y kaisa sa kilusang Mayo Uno –

Karapatan ng isang manggagawang Pilipino,

Karapatan ng isang taong hangad ang pagbabago!

Advertisement