by Mark Sherwin Castronuevo Bayanito (Flash Fiction)
E, kung sabihin kong –
Agad kong binura ang nai-type kong mensahe na ipapadala dapat kay Carlo. Palakas nang palakas ang tibok ng puso ko. Namimintig ang mga kamay ko. Nanlalamig ako sa kakaibang pawis. Kaya ko bang sabihin sa kaniya? Ano naman kaya ang ire-reply ng mokong?
‘Tol, –
Nokia tune. Carlo calling. Answer. Reject. REJECT.
Putang ina. Bakit tumatawag si Carlo?
Nokia tune. Carlo calling. Answer. Reject. REJECT.
Nokia tune. Carlo calling. Answer. Reject. ANSWER.
“Tang ina mo naman Lorenzo, ba’t ayaw mong sagutin? Ano bang problema mo ‘tol?”
Hindi ako sumagot.
“‘Tol,” patuloy niya, “sorry kung niligawan ko si Maya. E, hindi mo naman sinabi sa ‘kin na gusto mo siya!”
“Gago,” hindi ko napigilan ang sarili. “Hindi kasi gano’n, e.”
“E, ano?” tanong niya.
Lumunok ako ng laway. Gusto kong sabihin pero parang ayaw lumabas sa lalamunan ko.
“Tol, ano?” nag-aabang siya. “Putang ina naman, sagutin mo ako!”
“Carlo,” dinig ko ang sarili kong hininga, “gusto kita.”
“PUTANG INA. Ano’ng sabi mo?” Malutong. Siguradong may kasamang talsik ng laway.
“Sabi ko,” mas marahan kong sabi, “gusto kita.”
“Putang ina.”
“Putang ina mo rin, pare.”
“Putang -”
Call ended. Duration: 0:47