Pananaginip, Ayon kay Témê Damon

by M.J. Cagumbay Tumamac (Interview)

Alang kay Témê Damon, hitik ang kakugunan ng mga itak — mga dahong ipinaglihi sa talim ng karayom. Napanaginipan niya ito, at ang totoo, nabubuhay siya sa pananaginip. Una kong natagpuan ang sariling nag-iingat sa mga kugon pagkatapos mabasa sa isang pag-aaral ang pagtatalâ ng isa sa kaniyang mga awit, na ang totoo ay mga panaginip.

Handa ako sa hapdi, ang nasa isip ko, kung kapalit naman ay mabibiyaan ako, na isang bagitong manunulat, ng kakayahang managinip ng mga hulagway at salaysay. Nanaginip ako nang dilat: hinuhuli ang mga panaginip at isinasalansan sa papel. Nagising na lamang akong naakit sa ideyang tuntunin at galugarin ang kamalayan ni Témê Damon.

At ganito ko nga natunton si Témê Damon: ipinagtanong-tanong ang pangalang Ramon Kebil sa poblasyon ng Lake Sebu. Walang nakakilala. Hindi maaaring panaginip lamang, sa isip ko, ang kakugunan. At ang totoo, alang sa mga Tboli, binhi ng mga katotohanan sa hinaharap ang mga panaginip.

“Si Ramon Kebil, nga nagakanta sang Tud Bulul,” ang kinailangan kong sabihin kasabay ng pagpapakita ng kaniyang mukhang kinunan ko mula sa nasabing pag-aaral.

Walang Kebil; Kabil lamang. Doon ko unang totoong nakilala ang dila ng mga Tboli bagaman narinig na ito mula pagkabata sa aking lolo at mga kamag-anak sa Maitum.

At naging katotohanan nga si Ramon Kabil nang nadala ako pagkatapos ng lampas isang oras pang pagsakay ng habal-habal mula sa banwa patungo sa barangay ng Lamcade.

Naroon nga si Ramon Kabil, talahib ng mga puti at itim na buhok ang bumbunan, pinapanday ang isang itak.

*

Muli kong nadatnan si Ramon Kabil na hinuhulma ang isang bakal sa paapuyan sa tabi ng kaniyang bahay. Kasama niya ngayon ang manugang na nalaman kong hinahasa niya ang kakayahan sa pagpapanday. Pinapaalab ng kaniyang manugang ang uling sa pamamagitan ng pagtaas-baba ng dalawang tubong gawa sa kawayan. At nang makita ni Ramon Kabil na lumalambot na ang bakal, sinipit niya ito at dinala sa kaniyang pandayan. Paulit-ulit niya itong minaso pagkatapos hanggang sa tumiwalag ang mga hindi kailangan, hanggang sa mahubog ang anyong nagkaanyo na sa kaniyang isipan.

“Kausapin ka daw,” si Nanette, ang isa sa mga kaniyang mga anak.

“Tapusin n’yo po muna,” ako.

“Matagal pa ‘yan matapos,” si Ramon Kabil, na nalaman kong pilit pala akong kinakausap sa Filipino nang malaman niyang mula ako sa Maynila, kahit na malay din siyang sa karatig na bayan lamang ng General Santos ako nagkamalay. “At mag-ulan na,” dugtong niya pagkatapos sipatin ang langit. Ilang araw na ngang umuulan nang malakas tuwing hapon.

Nagsimula nang pumatak ang ulan, tila mga karayom na tinutusok-tusok ang aking bumbunan, kaya agad kaming pumasok sa kanilang bahay. Magkatabi kaming umupo ni Ramon Kabil sa isang bangko habang sumalampak sa isang sulok si Nanette upang ipagpatuloy ang kanina pang ginagawang pagdudugtong ng mga hibla ng abaka. Nagtimpla naman ng kape at gatas ang manugang ni Ramon Kabil para sa aming apat.

Isinalaysay ko agad kung paano ko siya nakilala at natunton, tulad ng naihanda ko. Ang layunin, ang sabi ko pa, ay makilala siya bilang manlilikha ng mga salaysay.

“Ilang taon na po kayo?” nasa pangatlong tanong na ako sa aking listahan. Sa isip ko, mukhang magiging tanong-sagot ang takbo ng aming usapan.

Hindi siya sumagot; kinuha niya sa halip ang isang PhilHealth form at iniabot sa akin nang hindi ako tinitingnan sa mga mata. Nakalagay doon na ang buong pangalan niya ay Ramon Ofen Kabil, na ipinanganak siya noong Abril 4, 1954, na dalawa ang asawa niya, at na mayroon siyang siyam na anak (bagaman lima lamang ang naalala niyang ilagay sa form).

“Hindi po ba Kebil?” binigkas ko ang e sa kaniyang pangalan tulad ng nasa esensiya.

“Kabil,” siya, at ipinaliwanag pagkatapos na mayroong schwa (binigkas niya) na kinakatawan ng titik e ang kanilang wika. Wala sa kinamalayan kong dila ito, kaya hindi ko mabigkas noon nang tama ang pangalan ng kanilang pangkat — Tboli, schwa sa unang pantig at o na hinahabol ang tunog ng a sa pangalawang pantig.

Ngumiti siya nang hindi ko mabigkas nang tama ang kaniyang pangalan, bago humingi ng dispensa sa ilang araw niyang hindi pagpansin sa akin. Nadala na raw kasi siya sa ilang mga kumapanayam sa kaniya na humihingi lamang ng impormasyon at hindi na siya binabalikan. Lumunok ako ng laway, bago isinawsaw ang kakabigay na tinapay sa aking gatas tulad ng pagsawsaw ni Ramon Kabil sa kaniyang kape.

*

Ipinanganganak si Tud Bulul, ayon sa panaginip at gunita ni Ramon Kabil, kasama ng isang kabayo, gong, sombrero, kalasag, at iba pang ari-arian bilang sagot sa dalangin ng matandang mag-asawa. At nagdalantao nga ang babae sa panaginip.

Pagkalabas, hinasa ng bana ang bata sa paglangoy, pagbitag, pangangaso, at iba pang karaniwang gawain ng isang lalaking Tboli. Tinutulan ito ng asawa; sanggol pa lamang ang itinakdang maging bayani, kailangan pa nitong matutong sumuso. Hindi nagpapigil ang bana dahil alam niyang malapit na siyang sumakabilang-suson; kailangang sulitin ang panahon.

Kalong ng malong na nakasabit sa bana ang sanggol nang papunta na sa kagubatan upang mangaso. Nasipat agad ng bana ang isang baboy-damo sa tabi ng isang lawa. Kinailangan niyang iwan sa isang bato ang sanggol bago kinasagupa ang baboy-damo. Sa kasamaang palad, nakatakas ito. At nang balikan na niya si Tud Bulul, wala na ang sanggol.

*

Nilukob ako ng pangamba na hindi na muling makababalik si Tud Bulul sa Lemlunay, kahit na alam ko namang sa awit na ito ni Ramon Kabil lagi at laging magbabalik ang bayani sa kaniyang bayan.

“Hindi lang mahalaga na alam mo ang kuwento,” paliwanag niya minsan sa akin sa isa naming muling pag-uusap. “May mga kakilala ako na hindi magaling magkuwento.” At nagbanggit siya ng mga pangalan ng kaniyang naturuan, at alin ang mga naging tanyag na. Baka nga ganoon sa paglikha ng panitikan, naisip ko, mahalaga rin kung paano isanasaayos ng manlilikha ang mga salita at imahen.

“Ikaw, nagakanta ka pa?” ako, na mas kilala na ngayon si Ramon Kabil bilang Témê Damon.

“Bihira na akong nagakanta, pag ginaimbita lang o pag pista dito.” At inaalala niya ang panahong dinala siya at ang iba pang Tboli sa Davao Museum upang magtanghal. Ikinamangha pa nga niya na kompleto sa mga instrumentong Tboli ang museo. Ang ikinalungkot lamang niya ay pagkatapos ng kaniyang pag-awit, wala raw nagtanong sa kaniya kung ano ang pamagat o ano ang tawag doon.

Hlolok o klalak ang tawag sa pag-awit ng buhay ni Tud Bulul, una ko nang nalaman sa mga naisagawa nang pag-aaral bago pa man muling marinig mula kay Ramon Kabil. Ngunit sa kasalukuyan, tinawag na lamang itong Tud Bulul o lingun Tud Bulul (awit ni Tud Bulul) ng mga tagalabas at madalas nang bigkasing mabilis kahit na ang salitang bulul (o bundok) ay nasa unang pantig ang diin. At sa pag-awit nito, dagdag pa ni Ramon Kabil, kinakailangan niyang suotin ang pinakainaalagaan niyang tradisyonal na kasuotan at ilagay ang malay kaisa ng mga diwata at sa presensiya mismo ni Tud Bulul.

Pili lamang ang nagiging mang-aawit ng hlolok. Ayon kay Ramon Kabil, kailangang mayroong dangal at dingal ang lahing pagmumulan, tulad ng kaniyang pamilya noon, at kailangang dalawin ng isang diwata. Ngâ Lendion ang pangalan ng diwatang dumalaw sa kaniyang panaginip noong kabataan pa niya. Sa panaginip nangyayari ang salaysay ng buhay ni Tud Bulul. At ang kinailangan niyang gawin ay tandaan ang mga ito, kaya mayroong mga panaginip na sinubok din siya sa kaniyang talas ng alaala. Sinubok din ang lakas ng kaniyang katawan dahil inaabot nang magdamagan ang pag-awit ng isang episodyo ng hlolok. Sa mga panahong ito, sinasabing ilang araw na hindi bumabangon si Témê Damon mula sa pananaginip. 

*

Sa pinakahuli kong dalaw kay Témê Damon, hindi siya napagkita. Kahit panahon iyon na kailangang magsama-sama ang mga nasa pamayanan para sa kanilang taunang piyesta. Gabi nagsisimula ang mga inaabangang gawain, at habang mas lumalalim, mas dumarami ang pumupunta — labí ng mga sinaunang pagtitipon.

Sa piyesta ngayon, nagsasalitan ang mga pagtatanghal at patimpalak ng makabago at katutubong sining — tanda ng pagpasok at pang-aangkop ng pagbabago. Wala na ngayong inilaang panahon para umawit si Témê Damon.

“May sakit,” ang balita sa akin, kaya raw hindi nakakapunta si Témê Damon. Tumango na lamang ako.

Isang gabi, habang pinapanood kong nagpapagalingan ang mga kabataan sa pagsayaw ng budots-budots, mayroong tumabi sa akin. Nakasuot siya ng makapal na tsaketa at ikinukubli ng nakabalot na olew (o tubaw) ang kaniyang mukha.

Si Témê Damon.

“May sakit daw ka?” ako, pasigaw nang kaunti.

Wala siyang pinakawalang salita. Kinindatan lamang niya ako sabay ngiti.

Advertisements