Issue 9 Introduction

Nabubuhay sa pagbali ang manunulat. O binubuhay siya nito–búhay niya ito at buháy siya dahil dito. Makikita, halimbawa, ang manipestasyon nito sa isang pangkaraniwang danas ng pagsakay sa dyip, na piniling isalaysay ni Andrea D. Lim sa kaniyang tulang “Sukli.” Payak at malinaw ang pagpapahayag ng pangyayari ngunit hinihimay sa tula ang maliliit na sandali–ang sikip sa loob ng dyip, ang mismong pag-abot ng bayad, ang dami at maging ang hubog ng mga sumasakay–at isinakatawan sa masining na pagbali ng mga pahayag upang ipalitaw at/o panganakin ang kapayakan ng mga sandali ng malalalim na kahulugan. Ipinapaalala rin ng unang bahagi ng tulang ito na ang tula (at iba pang anyo ng panitikan) bilang isang pasulát at nakalimbag na obra ay isa ring biswal na sining.

Binabali naman sa dulang “Bulan” ni Jim C. Raborar ang ideya ng pagkaaswang. Si Raborar, na sa wakas ay naitampok na sa Cotabato Literary Journal, ay isa mga aktibo at mahusay na tagapagsulong ng sining ng dula sa rehiyon at maging sa buong bansa. Sa “Bulan,” na naitanghal na sa entablado, nagnanais ang limang aswang na maalis ang sumpa ng pagkaaswang nila, at mangyayari lamang ito kapag nakatalik nila ang isang birheng lalaki. Sa huli, masasaksihan ang trahedya ng pagtawid ng nais patungo sa ganid. At ipinadaloy ang buong akda na nakatatawa dahil alam ni Raborar ang bisa ng pagpapatawa hindi lamang upang hulihin ang kiliti ng mga manood kundi upang itawid nang hindi ipinipilit ang mga pagbali sa nakamihasnang realidad.

Nasa mga hindi ipinapahayag ang uri ng pagbali ni John Gied Calpotura sa kaniyang dagling “Sugarcoat.” Nanalo ang akdang ito sa Sultan Kudarat Flash Fiction Contest, at ang totoo, dalawa pang akda niya ang pinarangalan din sa nasabing patimpalak. Sa una, marahil na maaaring tingnan ang ilang paraan ng pagpapahayag niya rito sa “Sugarcoat” bilang tanda ng kaniyang gulang, ngunit nakatutuwang pansinin kung paano niya itinimpi ang ilang bagay upang magsabi ng marami; binabali, kung gayon, ang karaniwang ayos ng pagpapahayag–bagay na madalas na gawin ng manunulat.

Nakahamisnan naman natin, lalo na rito sa Cotabato Literary Journal, ang husay ng makatang si Generoso Opulencia. Sa akda niyang “In the Presence of My Enemies,” naroon pa rin ang masusi at minsan ay instintibong pagbali ng mga salita, parirala, at pangungusap upang mangusap tungkol sa isang mahalagang usapin sa kasalukuyan.

Nangungusap naman ang dagling “Tawag” ni Mark Sherwin Castronuevo Bayanito sa pamamagitan ng mga kilos ng tagapasalaysay sa kaniyang akda. Dito, mayroong nais mabali ang tagapagsalaysay sa ugnayan niya at ng kaniyang kaibigan–nais niyang hindi lamang silang maging magkaibígan kundi tumawid sa pagiging magkaibigán. Hindi tiyak kung ano ang magiging kahihinatnan ng pag-aming ito, ngunit matitiyak nating sa bawat pagkabali ay mayroong nabubuong panibagong ugnayan.

Epitomiya ng paglikha ng bago bunga ng pagbali ang sanaysay na “A Short History of Nearly Every Window I Have Once or Twice Contemplated Throwing Myself out Of” ni Jade Mark Capiñanes. Itinutulak sa eksperimentasyon niya ng estilo ng pagsasalansan at paglalaro sa mga elemento ang hanggahan ng anyo ng sanaysay. Sinusubok din sa akdang ito ang hanggahan ng personal, kritikal, matulain, at iba pang suson ng pagpapahayag.

Bilang pangwakas, ipagbunyi naman natin ang pagpasok nina Andrea D. Lim at Jade Mark Capiñanes bilang mga bagong patnugot ng Cotabato Literary Journal simula sa susunod na buwan.

Advertisement