Sa Kabilang Dulo ng Baril

by Mariz Leona (Fiction)

Nagkukumpulan ang mga kapitbahay namin sa harap ng bahay nang bumaba ako sa aking bisikleta. Ipinarada ko ito sa koral ng aming bakuran at kinuha sa sinabitang hawakan ang mga isdang binili sa talipapa para ulamin ngayong gabi.

“Ano’ng nangyari?” tanong ko sa mga tao.

Walang sumagot.

Nilapitan ko ang isa naming kapitbahay na may kinakausap na mga lalaking hindi ko kilala. “Ano po ang nangyari?” tanong ko sa kaniya. Mukhang hindi niya ako narinig at patuloy pa rin siya sa pagkausap sa mga lalaking hindi ko kilala.

May narinig akong umiiyak. Agad kong sinundan ang boses ng umiiyak. Si Nana, ang nakababatang kapatid ko. Nanginginig siyang nakaupo sa sulok ng kubo, na pinagtatrabahuan ni Papa. Magkasama lang sila ni Papa kanina, a.

Nilapitan ko siya at niyakap. “Ano’ng nagyari dito? Bakit ka umiiyak? Nasaan si Papa?”

Hindi siya umiimik at patuloy lang sa pag-iyak.

“Jessa, sagutin mo ako!” Hinawakan ko siya sa balikat at niyugyog-yugyog. Ano ba ang nangyari dito? Umalis lang ako saglit, ganito na ang binalikan ko.

Napatingin ako sa lamesa kung saan nagtatrabaho si Papa. Nagkalat ang mga papel dito. Binaling kong muli ang aking atensiyon sa kapatid kong umiiyak pa rin.

“Jess, anong nangyari dito?”

“Kuya… si Papa,” nanginginig niyang sabi.

“Ano’ng nagyari kay Papa?” Lumakas ang tibok ng puso ko.

“Si Papa…” ‘Yon lang ang sinabi niya at humagulgol ulit.

“Tahan na, Nana.” Sinubukan kong maging mahinahon sa pagtatanong sa kaniya. “Bakit ang kalat? Bakit wala si Papa?”

“Pulis…”

“Anong pulis, Nana? Anong pulis?” nataranta kong tanong.

Huminga nang malalim ang kapatid ko. “Kuya, may limang lalaking pumunta dito kanina…  Sabi nila, pulis daw sila.”

“Ano’ng ginawa nila? Sinaktan ba nila si Papa? Sinaktan ka ba?” Tiningnan ko ang maliit na katawan ng kapatid ko kung may pasa ba siya o sugat, ngunit wala naman akong nakita.

“Hindi nila ako sinaktan, Kuya. Si Papa.” Umiyak na naman ito.

Pinaupo ko siya nang maayos upang mas kumalma.

“Kuya, may limang lalaking pumasok dito kanina. Nabigla kami ni Papa. Nilukot nila ‘yong mga papel sa mesa. Tapos sabi nila, pulis daw sila. Kinuha nila ‘yong mga pera sa ibabaw ng lamesa, tapos pinilit nilang kunin ‘yong pera sa bulsa ni Papa.” Humagulgol pa siya. “Kinuha no’ng isang lalaki ‘yong pera ko. Sabi niya, ibigay ko daw lahat. Tapos… tapos…”

“Tapos ano?”

“May inilabas na baril ‘yong isang lalaki.” Lumakas ang pag-iyak niya.

Niyakap ko nang mahigpit gamit ang isang kamay ang kapatid ko, na nagpatuloy sa pagkukuwento.

“Kuya, siniko nila si Papa sa tiyan nang pinipigilan ni Papa ‘yong kamay ng lalaki na makapasok sa bulsa niya. Ibinigay na lang ni Papa ‘yong lahat ng pera sa bulsa niya. Siniko ulit siya no’ng lalaki, tapos sinabi niyang mag-uusap daw sila ni Papa. Umalis sila kasama si papa.” Nanginginig pa ring umiiyak ang kapatid ko. Hindi ko namalayang lumuluha na rin pala ako.

“Kuya nasaan si Papa?” tanong pa ng kapatid ko. Hinarap ko siya at tinitigan sa mga mata niya.

“Jess,” sagot ko, “dito ka lang muna. Hahanapin ko si Papa.”

Patakbo akong pumunta sa loob ng aming bahay. Nang papalapit na ako sa pinto, may narinig akong nag-uusap sa loob. Boses ni Papa ang isa. Lumakas ang pintig ng puso ko.

“Pa!” Nabuksan ko na ang pinto. Nakita ko si Papa na nakatayo habang si Mama naman ay nakaupo sa sofa. May dalawang lalaki na kaharap si Papa. Pero bakit dalawa lang sila, akala ko ay lima? Doon ko naalala ang tatlong lalaking kausap ng aming kapitbahay sa labas.

Tumingin sila sa akin. Ngayon ko lang napansin na umiiyak pala si Mama habang si Papa naman ay tuliro. Nanikip ang dibdib ko sa nakikita ko, pero naitanong ko pa ring, “Ano pong nangyayari pa? Sino po sila?”

“Mga pulis kami,” sagot noong isa na malaki ang tiyan at nakasalamin. Binulungan niya ang kasama niyang lalaking bilugan ang mukha, di kataasan, at medyo malaki rin ang tiyan. Mukha rin silang hindi pa naliligo at may amats pa. Hindi mo mahahalatang mga pulis kung hindi sila nakasuot ng t-shirt na may nakasulat sa gilid na pulis.

Lumapit sa akin ang lalaking binulungan kanina ng kasama niya. Kakapkapan sana ako ngunit hinarang ni Papa at sinabing, “Umalis na kayo! Naibigay ko na ang gusto ninyo!”

Nakitang kung ngumisi ang mga ito at tiningnan ulit ako habang lumabas ng bahay namin. Nakahawak pa ang isa sa baril nito.

Bumuntonghininga si Papa sabay sa paghagulgol ni Mama na hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala at niyakap ako.

“Ano po ang nangyari? Sino po sila?” tanong ko.

“Mga pulis, anak,” sagot ni Papa.

“Ano po ang kailangan nila? Kinilkilan ka po ba nila?” Nakuyom ko ang aking mga kamao.

“Wala na naman siguro silang pera para sa mga luho nila,” sagot ni Mama habang umiiyak. “Palagi na lang ganito kung maka-demand sila ng pera. Parang may ipinatago.”

“Pa, magsumbong tayo,” suhestiyon ko.

“Saan? Kanino? Ano’ng sasabihin natin?” sabi ni Mama.

“Sa pulis o sa mas mataas pa. Hindi tama ang ginagawa nila.” sagot ko, ngunit alam ko na hindi puwede.

“Alam mong hindi puwede anak. Iligal ang trabaho ko.” sagot ni Papa.

Pag nakatapos na ako, ako na ang magtatrabaho, ang naisip ko, pero ang sinabi ko ay “Pero Pa, hindi naman ito kagaya ng pagbebenta ng droga. Hindi ka naman nagnanakaw. Hindi ka naman nananakit ng kapuwa. May karapatan ka rin. Hindi puwedeng apak-apakan at yurakan ka lang nila porke mga pulis sila!” Napahagulgol na lang ako.

“Ngunit kahit bali-baliktarin natin, iligal pa rin ito, anak.” nakayukong sabi ni Papa.

Huminga ako nang mamalalim at tiningnan si Papa. “Magkano na naman po ang kinuha sa inyo?”

“Sampung libo,” sagot ni Mama.

“Pa! Wala tayong ganoong kalaking pera, a!”

“Inutang ko muna ang koleksiyon,” kalmadong sagot ni Papa.

Hindi na ako sumagot. Binuksan ko ang pinto.

“Saan ka pupunta?” nag-aalalang tanong ni Papa.

“Susundan ko sila.”

“Huwag na. Hayaan mo na sila.” sabi ni Papa.

“Hindi ‘yon sa iyo, Pa. Baon na kayo sa utang dahil sa pag-aaral ko.”

“May droga silang dala baka lagyan ka lang nila,” sabi naman ni Mama. “Mga nakahithit na ang mga iyon, Anak. Huwag nang matigas ang ulo mo.”

“Pero dapat natin silang isuplong!” Umiiyak na ako.

“Pa? Papa!” Natigil ako sa paghagulgol nang marining ko ang boses ni Jessa. Tumakbo siya para yakapin sina Papa at Mama.

Mas lalong nag-alab ang kagustuhan kong makatapos na sa pag-aaral at maging isang ganap na abogado. Lumapit na rin ako para makisali sa yakapan.

“Kuya, ang isda!” Napatingin ako sa kaliwang kamay ko na inginuso ni Jessa. Hawak-hawak ko pa rin pala ang pulang supot na may isda. Napangiti ako.

Advertisement