Ang Putang Inang Bayan

By Doren John Bernasol (Poetry)

Isa akong puta.
Mandidiri ka
na noong pagkabata
ay makailang beses akong ginahasa,
na tinuruan ako ng santo’t rosaryo,
pinakilala sa isang diyos, pinagmano,
na sa bawat dasal pala ay may suweldo,

na akala ko minahal na ako
kasi nga binihisan, nilinis, pinangalanan,
tinuruan,
pero bakit nilamutak pati laman?
‘Yung sisipsipin ka nang sagaran.

Mandidiri ka. Tawanan mo ako.
Itong braso, labi, ari, at laylay kong suso.
Lahat ito ay sinisid at inangkin
nang inulit-ulit iyon sa akin.

Magpumiglas man,
wala akong laban.
Mangmang ako sa puri at kinang.

Ako ang putang ipinagtanggol ni Rizal,
ikinamatay ni Bonifacio’t del Pilar,
nagsanhi ng maraming putukan
na nag-uwi noon ng mga bangkay at sugatan.
Ako ang putang tinubuan ninyo ng muwang,
pinagtamnan ng pangarap at maraming kahilingan.

Sige! Pandirihan niyo ako
kaya kahit ako rin mismo,
hindi ko kayang mabura ang mga nagwawalang halik,
mga yapos na kanilang ginigiit,
ang pagpasok nila sa akin nang paulit-ulit,
nandidiri ako sa mga nanuyong laway sa aking leeg,
ang naaagnas kong sikmura, ang pagod ko nang bibig.
At lalo ang pandidiri ng aking mga anak
nang malamang ako’y puta, ginahasa,
at pinulutan lang ng iba.

Oo puta ako, sa Kastila, Kano, Hapon, at muli sa Kano,
na ang minamatamis kong kalayaan ay pambobola lang ng mga dayuhan.

Paano, mga anak kong
nakipaglaban para sa akin?
Paano silang naging kalasag sa maraming digmaan,
na humarang para hindi lang malapastangan?
Kahit sa mga anak ko lang,
kahit sila lang pakiusap.
KALAYAAN!

Advertisements