Madalas na inuuri ang mga tao sa Mindanaw ayon sa kanilang kalinangan at paniniwala. Naniniwala bagaman ang ilan na hindi sapat ang mga pag-uuri (o pagkakahong) ito sa realidad, tigib naman ito ng kasaysayan ng kapuwa pagdakila sa sari-sariling mga pagkakakinlanlan at pagkakaila sa pagkatao ng kapuwa.
Pagdakila sa likás na kilos ng kalikásan, una, gamit ang mga elementong Kristiyano ang litaw na pananaw sa akdang “Rorate Coeli” ni Genoroso Opulencia. Muli, napakatingkad ng paglalarawan ni Opulencia ng hulagway ng daigdig— “The sound of peltings/ on leaves, grass, and roofs/ is slowly coming in.” Lagi’t laging pinaalala ng kaniyang mga akda ang pagkakakilanlan ng anyong tula sa panahon ngayong maaari nang pag-anyuing tula ang lahat ng bagay at nilalang.
Karanasan naman ng Lumad na si Ija ang paksa ng akdang “Pangarap ni Ija” ni Doren John Bernasol. Payak lámang ang tunggalian ng kuwento—nais ni Ija na mag-aral ng kolehiyo ngunit hindi káya ng kaniyang pamilya kayâ naisip nilang ipaasawa siya sa isang matandang maykaya—ngunit kakakitaan ng gilas sa pagpili ng paksa at bisa ng tahimik na paglalahad. Katotohanan ngang mas nakaririnig nga táyo sa galaw at mga mata ng tauhan. Si Bernasol, na kasalukuyan ngayong mag-aaral sa Mindanao State University, ay isang tinig na kailangang abangan.
Bagaman mahalagang itanghal ang sari-saring danas ng mga tao sa rehiyon ayon sa mga pag-uuri, hindi maitatangging mayroong mga karanasang walang kinikilalang paniniwala o lumalampas sa mga kahon ng lipunan. Pag-aasawa rin ng tagalabas, halimbawa, ang pinapaksa ng akdang ”The Bleached Hills of Cotabato” ni Erwin Cabucos (isang kilalang manunulat na humuhugot ng haraya sa tinubuang lupa ng Cotabato at sa kasalukuyang tinitirhan na Brisbane, Australia) ngunit sa isang dayuhan, na sasalubungin nila sa paliparan. Isa mga nakahuhuli ng pansin sa salaysay na ito ang imahen ng literal na pagkalapit at paglalapit ng mga paniniwala—“On the other side of the road stood a cream-colored Iglesia ni Kristo church with its towering spires . . . Then I was deafened by a loud cry over a speaker sitting on a mosque’s roof: ’Allahu Akbar, Allahu Akbar.’” —na isang karaniwang kaayusan sa rehiyon.
Tigib ang sanaysay na “Notes of an Expat” ni Angeli Savas ng General Santos at na ngayon ay naninirahan sa Europa ng ligaya at ligalig ng paglalakbay at paghihiwalay sa mga lupaing tina(ta)hak. Sa isang bahagi ng kaniyang akda, muli niyang binalikan ang salaysay ang kaniyang danas na maiuri sa mga kahong binuo ng lipunan. Aniya: “. . . it is still a non-issue that holds back those few of us who are categorized this way from being able to see ourselves on the same level as everyone else. As a society, unless we admit there is injustice, we cannot start the way to equality. We cannot change what we cannot see.”
Dayo naman sa rehiyong ito ang manunulat na si Maureen Gaddi dela Cruz. Sa kaniyang tulang nása Filipino, “Hindi Kayo mga Pangalan Lamang,” at Ingles, “You Are Not Mere Names,” danas ng dahas na hindi lámang nakapaloob sa mga kahon ng Moro, Kristiyano, at Lumad ang muli niyang ipinapagunita sa atin. Hindi “. . .mga pangalan lamang / o mga numerong itinatala sa pisara” ang mga nawawala, pinatay, hinúli, at iba pa, dito, doon, noon, ngayon. Nakatutuwa ang balintunang piniling maging hindi tiyak ng buong tula upang tukuyin ang tiyak na danas at damdamin.
Batay sa mga akdang ito, katotohanan ngang walang katiyakan kahit pilit táyong isinisisilid sa tiyak na mga uri.