By Alvin Pomperada
Ang Mamatay Nang Dahil Sa ’Yo
Ang watawat ay ating kalayaan ang sinisimbolo,
Sa kalayaang magmahal sa ’yo
Kaya itinuring kitang watawat ng buhay ko,
Tiningala kita, binigyan ng respeto,
Inalayan ng kanta, lirika pa’y kinabisado.
Para sa ’kin, ikaw ang babaeng magiliw, ang perlas ng silangan.
Hinanap kita sa Lupang Hinirang, na sinabi mong ating tagpuan
Ngunit nang ako na’y nakarating, iba ang aking nasilayan;
Duyan ka ng lalaking magiting, masaya ka pang hinahalikan.
Ako ay umibig, nasaktan, at nagpaka-Rizal,
Sumulat ng may dilag na tula at awit sa paglayang minamahal.
Sabi mo, ako lang, ubod ka ng taksil,
Akala ko, sa manlulupig ay di ka pasisiil
Ako pa’y naglakbay sa dagat at bundok at sa langit na bughaw
Sabi mo, ako ang ’yong tala, ngunit tatlo pala kaming magkaagaw
Na mga bituing pinapaikot mo sa iyong araw.
Ako ay umibig, nasaktan, at nagpaka-Rizal,
Sumulat ng may dilag na tula at awit sa paglayang minamahal.
Binigyan mo ’ko ng tali na akala ko patungo sa ‘yong puso
Ngunit watawat ka nga dahil nang hinila ko ang tali, unti-unti kang lumayo.
Ilang taon ang lumipas, kagandahan mo pa rin ay patuloy na nagniningning
Heto naman ang pag-ibig ko sa ’yo, kelan ma’y hindi magdidilim.
Iniibig pa rin kita, ikaw pa rin ang hanap ng aking puso,
Handang magpakatanga’t ibigay lahat ng ’yong luho
Ako na nga’y nagpakatibay ngunit ikaw pa rin ang hanap ko palagi.
Wala palang silbi ang puso kong bakal sa puso mong batobalani
Kung ako magpapaalam patungo sa huling hantungan ko,
“Lupang Hinirang” pa rin ang tugtugin kong gusto
Dahil aking ligaya ang mamatay nang dahil sa ’yo.
Filipino Time
Sisimulan ko na ang tulang ito
Sisimulan ko na
Sisimulan ko
Sisimulan
Sisi . . . Sisi . . .
Kung alam ko lang na ang pagsisisi ay nasa simula,
Di ko na sana sinimulan ang pagbibigay sa ’yo
Ng mga numero sa aking orasan
Dahil ito pala ang pagsisi/mulan ng pinakamalaki kong katangahan.
Dati, sumagot lang ako sa katanungan mo na, “Anong oras na ba?”
Ngayon, nagsisisi na ako kung bakit pinaglaanan kita ng oras.
Nagpaalam ka sana kung gusto mo lang pala akong hiramin.
Nagpaalam ka din sana kung gusto mo lang pala akong lisanin.
Akala ko ba magbabago ka na? Pero huli ka na naman.
Anong oras na ba?
Di mo ba alam na ako’y pagod na sa kakaantay kung babalik ka pa?
Anong oras na ba?
Di mo ba alam na masakit nang umasa sa taong
Wala naman talagang balak pumunta?
Anong oras na ba? Sabi mo sa akin malapit ka na.
Oo, malapit ka na.
Malapit ka na palang ma-pak ganern ng iba!
Pero masakit lang isipin na ang ating bangayan ay puwede namang ayusin
Kaso umayaw ka na kaagad sa akin.
Kung kelan na ako lugmok, saka mo pa lang naisipang magpakatibay.
Kung kelan na ’ko nahulog, saka mo pa lang iniunat ang iyong mga kamay.
Ngayon mo lang narinig ang aking pag-aray, nang wala na ’kong maisigaw.
Ngayon mo pa lang naisipang kumapit, nang ako na ay bumitaw.
Kung kelan lunod na ’ko sa sakit, saka ka pa lamang dumulog.
Nagpalabas na ’ko ng kidlat saka ka pa lamang kumulog.
’Wag mong irason na wala tayo sa tamang panahon nakapaloob.
Sadyang maling oras lang ang iyong sinusunod.