Mga Kuwentong Hugot

Ni Jude Ortega

 

Wagas na Pag-ibig

At namatay ang lalaki. At may nakita siyang ibang lalaki. Minsan, habang pinapanood ang panibagong minamahal, habang nagluluto ito ng agahan para sa kanilang dalawa, at pareho silang nakatapis lang ng tuwalya, sumagi sa isip niya ang una. Pinangako niya rito noon na ito lang ang mamahalin niya, na hindi kailanman magkakaroon ng puwang para sa iba ang puso niya, na ikamamatay niya kapag nawala ito sa buhay niya.

Gusto niyang malungkot sa alaala. Gusto niyang mahiya o mamuhi sa sarili. Ngunit wala siyang ganoong maramdaman. Nalungkot lang siya na hindi niya magawang malungkot.

Habang iniisip ang nakaraan, nakasunod ang mga mata niya sa lalaking nasa harapan. Napatay na nito ang stove at ngayon ay lumalapit sa kaniya. Hinapit siya nito sa baywang at bumulong na handa na ang agahan, ngunit ibang agahan daw muna ang kanilang pagsaluhan. Natawa siya, at napatili nang hablutin nito ang kaniyang tuwalya, at ang naging tanging laman ng kaniyang isipan ay ang kasalukuyan.

 

Mabuhay Nang Dahil Sa ’Yo

Natuklasan nilang hindi pala sila totoo, na nabubuhay lang sila sa guniguni ng mga tao. Lubos na naligalig ang aswang na si Neneng. Wala palang katuturan ang buhay niya, wala palang patutunguhan. Kapag dumating ang panahon na wala nang taong natatakot sa mga maligno, maglalaho siya, magugunaw ang lahat ng kauri niya.

Sa ilalim ng buwan, gabi-gabi siyang umiyak habang kausap si Kulanoy, ang kaniyang kasintahan. Hindi niya lubos na maintindihan ang tikbalang. Iba ang reaksiyon nito nang malaman ang totoo. Hindi raw mahalaga para rito kung hanggang kailan ang pamamalagi nila sa mundo, kung may kahulugan ang buhay nila. Sapat na raw na nakilala siya nito at nakakapiling. Wala na raw itong nais kundi ang ibigin siya at ibigin niya.

Para kay Neneng, napakasimple ng pananaw ni Kulanoy sa buhay, napakababaw nito, kaya madalas nababagot o nagagalit siya kapag kausap ito. Ngunit tumatawa lang si Kulanoy, saka kinakabig siya nito, niyayakap, hinahalikan, ipinapadama sa kaniya ang init ng isa pang katawan, ang pintig ng isa pang puso, at sa mga sandaling iyon, napapaniwala siya nito. Parang alam nga nito ang totoo. Umibig at ibigin. Walang lalim, ngunit kay sarap isipin, kay gandang hangarin.

 

Limang Metrong Pagitan

May gusto ka din pala sa akin. Kanina ko lang nasigurado, nang magdaan ang nobya ko sa puwestong ginatrabahuan ko, nang makita mong may babaeng sweet sa akin. Nagulat ka, tapos parang magtulo ang luha mo.

Sayang. Sayang gid talaga ba. Pero hindi dahil may nobya na ako at hindi na puwedeng maging tayo. Sayang dahil kahit kailan, hindi magiging tayo. Magkaiba ang ating mundo. Malayo ang ating agwat. Mayaman ka, mahirap ako. Anak ka ng may-ari ng dalawang puwesto—puwesto ng silpun at puwesto ng dibidi. Ako, utusan lang sa kaharap na puwesto, tagapunas ng iti sa itlog at taga-areynds ng tri ng itlog.

Hindi naman sana problema ’yun. Marami naman mayaman at mahirap na nagakatuluyan. Kaso lang, Maranaw ka, Ilonggo ako. Muslim ka, Kristiyano ako. At hindi ulit sana problema ’yun. Marami din magkaiba ang tribu at relihiyon na nagakatuluyan. Kaso lang, ikaw ang babae, ako ang lalaki. Siguradong hindi kaya ng bulsa ko o bulsa ng peyrents ko ang doring hihingin ng daddy mo. Sa itsura lang talaga wala tayong problema ba. Maganda ka, guwapo ako. Bagay tayo. Kaso di naman ito sapat na dahilan para matanggap ako ng pamilya mo.

Nasasaktan ako ngayon dahil nasaktan kita. Pakiramdam ko nagtaksil ako sa ’yo kahit hindi naman tayo. Sana pala ginsigurado ko muna na wala kang gusto sa akin bago ako naghanap ng nobya. Ngayon tuloy ay nagataksil ako sa kaniya. Siya ang ginpangakuan ko pero ikaw ang ginatibok ng puso ko. Kanina siya ang kasama ko pero ikaw ang laman ng isip ko. Pero kung hindi siguro ito nangyari, kung hindi siya nagdating, hindi ko malaman na puwede kang maging akin.

Ang daan sa gitna ng palengke ay limang metro lang ang lapad. Limang metro lang ang ating pagitan. Ngunit ganyan man tayo kalapit, pakiramdam ko noon, ang layo-layo mo, hanggang tanaw na lang ako. Ngayon hindi ko alam kung nag-ikli o lalong naghaba ang pagitan natin. Isa lang ang nareyalays ko. Isa lang ang sigurado ako. Kapag wala na akong masaktan, maglakas-loob ako. Maglapit ako sa ’yo. Tawirin ko ’yang limang metro.

 

Alak ng Paglimot

Naghihiwa si Ellen ng gulay nang may masipa siya sa ilalim ng mesa. “Ay,” nasambit niya. Yumuko siya at siniyasat kung ano ang natamaan ng paa. Walang kakaibang bagay sa sahig maliban sa isang bote ng beer, nakatumba, pagulong-gulong nang mahina. “Juliet,” tawag niya sa kaibigang nagmamay-ari ng apartment, “bakit may bote ng beer dito?” Ang alam niya kasi, hindi umiinom ang kaibigan.

“Wala ’yan,” sagot ni Juliet na hindi man lang lumilingon sa kaniya. Tinitingnan nito ang sinasaing, na kakatapos lang kumulo. Naghahanda silang dalawa ng kanilang pananghalian.

“Ano’ng wala?” ungkat ni Ellen. “Umiinom ka na ba ngayon?”

“Hindi,” ang matipid na sagot ni Juliet.

“E kanino nga ’to?” Pinulot ni Ellen ang bote at pinatong sa taas ng mesa. Basa pa ang loob nito. Mukhang kahapon o noong isang araw lang binuksan. “May bago ka nang dine-date?”

“Wala.” Lumapit si Juliet at umupo sa silya sa tapat ni Ellen. “Kay Marco ’yan.”

Napakunot-noo si Ellen. “Paanong naging kay Marco ’yan? Nasa Canada na si Marco. Dalawang buwan na kayong hiwalay.”

“Kay Marco ’yan,” ulit ni Juliet.

Sinipat ni Ellen ang kaibigan. Nakatingin ito sa malayo, magulo ang buhok, at may nalalanghap siyang amoy mula sa katawan nito. Tama nga ang hinala niya na may kakaibang nangyayari dito. Mahigit isang buwan itong hindi nagpakita o tumawag man lang sa kaniya, nagmukmok lang sa apartment, kung saan dati ring nakatira si Marco. Dalawang taong nagsama ang dalawa. “Umalis na si Marco, Juliet,” sabi niya sa kaibigan. “Pinaalis mo na siya.”

Parang natauhan si Juliet. Napagtanto marahil na tama siya, na ito ang tumulak kay Marco palayo. “Pabalikin mo siya,” sabi nito.

“Alam mong hindi gan’on kadali ’yun.”

“Hindi. Nagtatampo lang naman ’yun sa akin. Pinapagalitan ko kasi siya kapag makalat siya. Nakakainis naman kasi. Kapag nauubos na niya ang beer, hindi niya tinatapon sa basurahan ang bote. Tinatabi niya lang sa paanan ng mesa.”

Bumuntonghininga si Ellen. Hindi lang naman kasi iyon ang naging issue nina Juliet at Marco. Hindi lang ang nakakalat na mga bote ng beer ang hindi nila pinagkasunduan. Ang talagang naging problema nila ay ang pagiging unfaithful ni Juliet. Ilang beses nitong pinagtaksilan si Marco. Ilang beses din itong pinatawad at tinanggap muli ng lalaki, kahit na kailanman ay hindi naman umamin o humingi ng tawad si Juliet. Sa huli, napagod din ang lalaki.

“Please, Ellen,” sabi ni Juliet na tumutulo ang luha. “Kausapin mo si Marco. Tawagan mo siya. Di niya kasi ako sinasagot. Sabihin mo sa kaniya na hindi ko na siya pagagalitan. Wala na akong problema sa mga bote niya ng beer. Ako na mismo ang magliligpit.” Humagulgol si Juliet.

Gusto ni Ellen na pagalitan ang kaibigan, gisingin ito sa katotohanan, ngunit hindi niya magawa. Sa halip ay kinuha niya ang bote at inilagay ito sa ilalim, sa paanan ng mesa, na para bang si Marco ang uminom ng beer, na parang nakatira pa ang lalaki sa apartment, kapiling ni Juliet.

Advertisement