By Karlo Antonio Galay David (Fiction)
Gina-twist ko ang Rubik’s Cube pagpasok ni Dad sa sala. Pag-upo niya sa harap ko kalalim ng buntong-hininga niya, halos hangak na. Nakabarong siya na green na may arabesque na design sa gitna. Kakagaling lang siguro sa korte. Nagpiko siya ng likod palapit sa akin, nakapatong ang mga siko sa mga tuhod, at nakatago ang bibig sa mga kamay na nakalabid ang mga daliri.
May tatanungin siya.
“Len, ayos ka daw ng upo be.” Hindi ito yung iritable na tono niya, ito yung malumanay. Gibaba ko ang mga paa ko mula sa sofa, pero hindi ko giwala ang tingin ko sa Rubik’s Cube. Gisimula ko siya solve.
Nagbalik siya sandal sa upuan niya.
“Problema talaga yang lolo mo . . .”
Gihagisan niya ng tingin ang malaking picture ni Lolo sa ibabaw ng bookshelf ko sa kabilang gilid ng sala. Ito yung masamang tingin, makitid ang mata, pero nagalisik, ganito yan pag galit ang tingin.
Yan si Lolo ko. Jaime Saavedra, tatlong beses governor ng North Cotabato. Noong panahon ni Marcos gitawag siyang strong man ng Cotabato kay halos lahat ng pulitiko dito sa amin hawak niya.
Strong talaga yan siya noon, kahit ako matakot. Noong buhay pa siya, six pa ako, gipakita ako sa kanya ni Dad sa big house sa River Park. Matagal na yun masyado, twenty na gud ako ngayon. Sabi niya pagkakita sa akin, ano man itong anak mo Jerry, abnormal.
Natapos ko na ang Rubik’s Cube. 6.32 seconds.
Nakangiti si Dad, nakatingin sa Rubik’s Cube. A, dapat ako magtanong ano problema niya.
“Bakit, Dad, ano problema?” tanong ko pagyakap ko sa kanya. Gawain man gud yan ni Dad pag may problema, i-distract niya ang sarili niya. Minsan kailangan mo ulit i-remind sa kanya na may dapat pa siya atupagin. Joke minsan ni Mom na sa kanya ko siguro nakuha itong sakit ko.
“Tulungan mo ulit ako, Len, ha . . .”
Tango lang din ako.
Six years, three months, four days ko na ito ginagawa. Nung una ko ito gigawa kakamatay lang ni Tito Pat habang nakaupo na mayor ng Kidapawan. July 14. Tatlong bala sa dibdib, dead on arrival sa Madonna Hospital. Nagplano si Tito Jojo na gamitin ang timing para magtakbo. Pero mainit pa ang dugo ng mga rubber baron kay sila ginadiin ni Vice Mayor Balajadia na nagpapatay kay Tito Pat.
Nakasalampak din sa harap ko noon si Dad, yang pagod ang mukha niya. Siya ang gusto gawing campaign manager at legal adviser ni Tito Jojo. Naga-Rubik’s Cube lang din ako.
Sa desperasyon daw yun sabi niya sa amin ni Mom pagkatapos. Gikwento niya sa akin ang nangyari tapos gitanong niya ano daw gawin ko kung ako tanungin.
Ang tao parang Lego, ang mga kalagayan nila parang Rubik’s Cube, o kahit anong puzzle. Mga piyesa na maiba mo ang kalagayan pag alam mo anohin sila pagposisyon. Posisyon lang talaga, posisyon.
“Bakit nagpunta sa Paco si Tito Pat, Dad?” Gibaba ko na ang Rubik’s Cube.
“Gipakiusapan siya ni Balajadia na magpunta doon sa ribbon cutting ng golf course sa Balindog na gi-commitan niya pero hindi niya mapuntahan kay may meeting siya bigla with an investor sa Davao.”
“Si Balajadia malamang ang nagpapatay kay Tito Pat.” Nakataas na ang mga paa ko sa sofa, pero sa gulat niya hindi ako napagalitan. “Pero walang evidence,” dagdag ko. “At mahirap, malakas si Balajadia, hawak niya ang masa.”
“So . . . so ano suggestion mo gawin natin, Len?” Unang beses yun na pagkatiwalaan ako ni Dad magdesisyon, na sinali niya ako sa trabaho ng pamilya.
“Konsehal muna si Tito Jojo. Kausapin niyo ang mga may gomahan, ipaalam niyo na hindi sila ang ginapagbintangan niyo. Isali niyo ang ikaunlad ng mga gomahan sa platform ni Tito Jojo.”
One year tapos manalo ni Tito Jojo pagkakonsehal, nagbalik si Dad sa harap ko. Nagabasa ako noon tungkol sa Tagasatzung ng Switzerland. April 19.
“Hindi mataas ang ratings ni Tito Jojo . . .” Ulit, nagapalabas lang siya ng steam. Pero problema, at kailangan ko i-solve.
Maalala ko pa, gikuha ko ang Rubik’s Cube, at ang Rubik’s Cube naging Kidapawan. Up, side, down, left, right, left, right, right, left, center, up, down. Tapos sa loob ng ten seconds, naayos ko ulit ang Kidapawan.
“Dapat may gulo sa Kidapawan. Land grabbing dito, summary killings doon. Lahat dapat gawing kasalanan ni Mayor Balajadia. Si Tito Jojo ang lone voice na kokontra.”
Yung liwanag ng mukha na sabi sa mga libro, nakita ko sa mukha ni Dad. Mga ilang buwan tapos nun leading sa surveys si Tito Jojo. Gibilhan niya ako ng Megaminx galing Europe.
Kahirap pala ng Megaminx, pero nakatulong yun, kay nung gigawa ko siyang Kidapawan, nahulaan ko ano sunod gawin ni Balajadia.
November 27.
“Tayo ang gipagbintangan ni Balajadia sa gulo sa Mua-an!” Taranta yun sabi ng mga libro, galit na parang nawawala.
“Ano nangyari, Dad?
“Gipa-negotiate ni Tito Pat mo noon si Councilor Sirolo sa mga Manobo sa Mua-an na ibenta ang bahagi ng ancestral domain nila kay Nonoy Lu ng Regal Suites Hotels para gawing hot springs resort. Nagpayag na sila, nabigay na ang titulo kay Lu, pero pagkamatay ni Sirolo nagbago ang isip nila. Pero kay negosyante man itong mga Lu wala silang pakialam, gipa-fence ang lupa. Ganito man din nangyari noon sa kuya nito ni Lu sa Boracay ba . . . Ayan ngayon, ginademonyo ni Balajadia ang project at ginasabi niya na si Tito Jojo ang may pakana lahat kay kasosyo sila noon ni Lu.”
“Daan pa lagi ako ganito . . . Dad, ipaliwanag niyo sa radyo ang prinsipyo ng contracts. Magbayad kayo ng abogado na hindi kilalang kaibigan ni Tito Jojo.”
“Oo, ginaisip namin yun.”
“Tapos ikaw din magsalita ka rin sa radyo.”
“Ha? Ano din sabihin ko?”
“Na proposal lang yun ni Tito Pat. Si Balajadia ang nagmadali para mabango ang partido nila ni Tito Pat. Nagpakamatay si Sirolo dahil sa stress, ’di ba?”
“Oo.”
“Idiin mo si Balajadia, sabihin mo dahil gi-pressure niya yung tao na ilapastangan ang tribo niya, nagpakamatay siya. Ikaw na bahala na hindi slanderous.”
Mula noon naging spokesperson na si Dad ng pamilya. Natamaan si Balajadia, kaya gitigil niya ang atake. Napatahimik ang mga Manobo ni Tito Jojo sa ilang projects.
Ngayon ang sabi ng mga katulong sa kusina tagilid daw ang kampanya ni Tito Jojo pagka-mayor. Pero hindi ko makita bakit giproblema ni Dad si Lolo.
“Ano pala gigawa ni Lolo, Dad?”
Kalalim na buntong hininga.
“May anak na naman siya sa labas lumitaw.”
Pang-ilan na ito nangyari. Lahat, ang suggestion ko bayaran o iligpit. Anohin mo man ang Lego na hindi magamit kung hindi iligpit, maapakan mo pa lang, kasakit.
“Bayaran pala o iligpit gaya ng iba, Dad?”
“Mahirap ito . . . galing States, may marriage certificate daw siya ng nanay niya at ng lolo mo. Vegas wedding lang gud, pero bago pa sila kinasal ni lola mo. Bakit niya tanggapin ang bayad kung lahat makuha niya! At kung ipaligpit natin, halata masyado . . .”
“Hmm . . .” Pang-Megaminx ito na problema. Gikuha ko.
Up, side, down, left, right, left, right, right, left, center, up, down.
“Mag-uwi daw dito, Dad?”
“Daw. Kaka-email lang sa akin! Kakasabi ko lang kay Tito Jojo, hindi din niya alam ano gawin, tanungin daw kita”
“Sunduin niyo sa Davao.”
“Ha?”
“Tapos pag andito, i-welcome niyo. Wag niyo bigyan ng bahay, ipatuloy niyo muna sa isang bahay natin—wag siguro sa big house, may mga picture ni lola dun, sabi sa mga libro insensitive yun. Bigyan niyo rin ng driver at kotse.” Gihigpitan ko ang hawak ko sa Megaminx. “Tapos pag masaya na siya, isali niyo sa kampanya ni Tito Jojo . . .”
Kabilis naintindihan ni Dad. Giyakap niya ako, at naglabas siya, malamang para tawagan si Tito Jojo.
Gusto ko man sana talaga makatulong sa pamilya ko, pero anohin man, kahirap makipag-usap sa ibang tao. Alam ko gud pano sila magkilos, alam ko ano ibig sabihin ng kilos nila, pero kahirap pa rin. Minsan dalhin-dalhin ako ni Tito Jojo sa mga campaign niya, pero para lang may cute na abnormal kasama, pang-appeal sa mga may awa, para hindi din masyado malayo tingnan ang mga Saavedra. Pero mas makatulong pa sa mismong kampanya sina Carmina at Dinah, yung mga pinsan ko. Pasalamat ako na sa ganitong isip-isip ko makatulong ako sa kanila konti.
Kung hindi mag-solve ng puzzle or maggawa ng Lego, buong araw ako naga-basa-basa, libro man, dyaryo, o internet. Kasarap magbasa ng history, lingaw sundan ang mga nagyari noon at tingnan pano sila nakaapekto sa ngayon. Naging kalingawan na din ni Mom na bilhan ako ng dyaryo araw-araw galing sa simbahan, o kahit ano bang reading material galing sa mga constituent work niya kasama si Tita Salud, asawa ni Tito Jojo. Naging akin na ang sala, na laging puno ng Lego, mga puzzle, at libro. Minsan madaganan ko ng libro ang iPad ko.
Pagpasok mo ng bahay namin ang makita mo agad sa vestibule isang malaki masyadong Lego na winding staircase inclined 40 degrees na may malapad na tuktok. Kadaming gipadala na Lego ni Tito Margot galing Germany, kaya gigawa ko yan. Ang title niya Absolute Destiny Apocalypse.
Kalingaw mag-Lego, para silang mga tao. Pag-ibahin mo ang posisyon, maiba ang kalagayan nila. Ka-lagay-an. Yan. Kung ipag-halo-halo mo sila, iposisyon mo, makagawa ka ng gusto mong buo.
Pamilya lang ang iba, ewan bakit. Mas maintindihan sila, pero mas mahirap sila iposisyon. Alam ko na pag giiba ko sila masali ako, kaya matakot ako, tsaka lain ang pakiramdam kung gawin ko yun. Kawawa na makalungkot na makainis, pero sa sarili ako mainis. Ewan ko ano tawag dito na pakiramdam.
Mga tatlong araw tapos nun, August 11, nagsimula ako gawa ng malaking butterfly na Lego. Makulay yung bagong gipadala na Lego ni Tita Margot (2,586 pieces na lahat ng Lego ko), naisip ko i-contrast yung mga kulay. Red-black-black-white-yellow-red ba, tapos naisipan ko din paglaruan yung angles at pagposisyon sa kanila, 2×3’s para makagawa ng bilog, incremental forward lengthwise 2×4’s para concave, o 2×2’s incremental sideways para simple curve. Tapos naghalo ang kulay at angles at naging butterfly. Naisipan ko gawin, 4.6 feet siya kataas maging.
Nasa antenna na ako nang pumasok si Dad.
May kasama siyang lalaki na hindi ko pa nakita.
“This is Lenny, my son. He made that Lego staircase there. Len, bless ka kay Tito Brandon.”
Nagtango lang ako.
“Len, wag bastos.”
Gibitawan ko ang gihawakan ko na Lego at naglapit sa kanila. Nag-bless ako kay Tito Brandon.
“What’re you making?” Cartoon Network masyado ang accent niya. Nakangiti siya habang nakatingin sa butterfly. “A butterfly! Wow!”
“Opo.” At nagbalik ako ng trabaho. Narinig ko siya nagbulong sa sarili niya ng “It’s amazing.” Tapos nun gi-tour siya ni Dad sa bahay.
Kinabukasan nun, natapos ko na ang butterfly, nakadisplay na siya sa vestibule. Ang title niya Chaos Dream Metamorphosis.
Nagbalik yung Tito Brandon. Nasa sofa ako, naga-Rubik’s Cube.
May dala siyang chessboard. Hindi ko naisipan mag-chess, kaya ewan bakit nagdala siya. Habang patapos na ako sa ginagawa ko, nag-upo siya sa harap ko.
“Hey, Len. Heard hindi ka marunong mag-chess.” Bakikaw masyado pakinggan ang Tagalog niya. Nagtango lang din ako.
“Want me to teach you?”
Bitaw din, bakit hindi ko naisipan mag-chess? Gibaba ko ang Rubik’s Cube at nagtango. Napansin ko na bigla nagliwanag ang mukha niya.
Gituruan niya ako ng mga pangalan ng piece: pawn, rook, knight, bishop, queen, king. Tapos ang mga galaw nila at paano sila magkain. Tapos gituruan niya ako pano mag-arrange.
Gitanong ko kung may notation ba ang chess. Sabi niya oo, ang grid kay a to h parehong side (a sa kaliwa ng puti) tapos 1 to 8 (8 kay rook ng itim). Ang galaw ganun, pawn a4, queen d6. Mas madali kung ganun, maisip mo ang posisyon.
“I have to teach you an important rule though,” sabi niya bago kami magsimula ng laro. “It’s called touch move. Once you touch a piece, you have to move it, provided it’s allowed.”
“Kahirap pala.”
“Yes, so you have to be responsible with what you do.”
Paglaro namin ako itim siya puti. Nahirapan ako sa touch move. Ayoko magkamali, makatakot, makainis. Parang yung pakiramdam habang kausap ko yung ibang tao. Alam ko na pag magkamali ako sira ang usapan namin.
Pawn niya e4, knight ko f6, bishop ko b5 tapos kain ng bishop niya ang bishop ko d7 . . . Kahirap pa masanay sa notation.
Lamang siya konti lang, pero makita sa mukha niya na lingaw siya masyado. Ako man din enjoy.
Isang galaw at na-checkmate niya ako.
“Wow, ang galing mo. I”ve been playing for decades, you just learned, but I barely beat you!”
“One more round po.” At nagtawa siya pagsabi ko nun.
“Game!”
Habang nagalaro kami ginakausap niya ako. Mahirap, kaya ginapaulit ko ang gisabi niya pagkatapos ko mag-move. Katagalan nasanay na siya, kausapin niya lang ako pag siya na ang magkilos. Makainis din kay sa tanong niya ako mag-focus, mawala ako sa laro.
“You have any friends, Len?”
“No po. They get bored with me.” At sa bawat sagot ko magtawa siya. Hindi ko alam bakit pero hindi makahiya kung tawanan niya ako.
Nakailang round kami. Sa pangatlo nasanay na ako, at nanalo ako sa fourth round. Pero kahirap pa rin niya talunin. Gibigay niya sa akin ang chessboard, at nagpasalamat ako (dapat baya magpasalamat pag may ibigay sa iyo). Sabi niya magbalik daw siya bukas.
Tapos nun nag-practice ako. Madali na masyado magposisyon, pero mahirap ang touch move. Alam ko talaga na maling galaw lang mali na ang posisyon. Madali lang mag-isip ng solusyon sa mali, pero parang bawat piece kapamilya ko, kawawa kung makain siya, masakit isipin. Makatakot isipin na maling galaw ko lang makain yung piece. Pero kailangan maggalaw . . .
“Oo, Kuya, handa na . . . Nasa Manongol na si Leon . . . Oo, sniper, galing sa Davao . . . Ikaw na magpasunod sa kanya? Sige, sige . . . Sige, Kuya.”
Gibaba ni Dad ang phone niya. Rinig ko siya sa garden sa labas. Pumasok siya ulit sa sala at umupo sa harap ko: kita sa mukha niya ang kaba. Nakatingin ako sa gigawa kong chess game.
Naghinga siya ng malalim.
“Sige, ’nak, alis muna ako.” Tapos niya ako giyakap nag-alis na siya.
Hindi ko ma-solve ang gi-set up kong scenario. Gikuha ko ang Rubik’s Cube para makaisip. Up, side, down, left, right, left, right, right, left, center, up, down.
Mga tanghali nang dumating si Tito Brandon. Kalaki ng ngiti niya pagkakita niya na nakabukas ang chessboard.
“That looks tough,” sabi niya pagkakita niya sa bagong problem na gi-set up ko.
Pag-upo niya gi-solve ko ang problem.
“Woah!” Tumawa siya.
“Let’s play!” at gi-arrange namin ang pieces. Ako ulit ang itim.
Nakailang rounds kami. Ako lagi panalo, nahanas ko na ang notation, so madali na masyado magposisyon.
Pero para din kasing abala siya, na wala sa laro ang isip niya. Siguro nasa usapan namin: habang nagalaro kasi kung ano-ano mapag-usapan namin—history ba, mga current affairs, pagkain, kahit ano. Kaya katagal namin matapos kada laro, maggalaw lang kami kung tapos na ang isang topic.
Makapagtaka. Hindi man siya pamilya, pero para na siyang naging pamilya pag kausap ko. Siguro kasi nasa laro ang isip ko, at nasanay na ako sa kanya sa gitna ng kada galaw.
“Hey, Len, can I tell you something? Wag ka maingay sa Dad mo ha?”
Tiningnan ko siya nang patanong. Panglima na naming laro.
“I really thought when I got here your Dad and relatives would all hate me. Anak ako sa labas, remember. From all I heard from my mother about your grandma and uncles, I really thought you’d be out to get rid of me.” Nagtawa siya. “I kinda feel bad for thinking that now. Sinundo pa talaga ako ng Dad mo sa Davao! To think my email to him was so terse.”
Anak sa labas? Get rid of him? Sinundo sa Davao? Hala!
“But I’m so glad I have a loving family pala. I came here really to try to get what my father never gave me, and while I was thinking about property and all that, I did get something—a cool pamangkin like you.” Nagtawa siya. “Wala na akong family back in the States since my mom died and my wife and kids left me. But now I have someone to play chess with.” At gigulo niya ang buhok ko. Makita ko na basa kaunti ang mga mata niya.
Nag-ring ang phone niya.
“Hey, Jo . . . Yeah, I’m at Jerry’s. Estanyol, right? Haha . . . Really? Wow, I’m honored. Yeah sure, I’d love to! It’s near here? So the driver knows the place? Okay . . . I have to tell you, I don’t have any experience campaigning! Yeah okay, okay . . . See you . . .”
Hindi ito pwede. Tito Brandon? Campaigning?
“Sorry, Len, Tito Jojo wants me to join his campaign. It’s at Manungol, how do you pronounce that?” Tawa. “Though I don’t think I’ll win this game either.” Tiningnan niya ang laro namin. Nagtayo siya.
“See you later, Len!”
At umalis siya.
Hindi ako nakagalaw. Plano ko ito. Kasalanan ko ito. Dapat ako gumalaw. Pero hindi ako makagalaw, takot ako sa bigat ng galaw ko.
Gusto ko tumayo pero hindi ko kaya. Alam ko dapat ko siya tawagin, pigilan, babalaan. Pero hindi ko kaya. Hindi ko kaya gawin ang dapat ko gawin.
Wala na, nakaalis na ang sasakyan niya.
Hindi ako makaisip ng maayos. Kagulo ng isip ko. Ano dapat ko gawin?
Hindi makatulong ang ingay ng mga katulong sa kusina. Maya-maya gi-on nila ang radyo: maingay na crowd.
“Mga higala, ania na ang atong gipaabot, ang maoy angay himuong mayor sa Kidapawan, ang inyong Jojo Saavedra!” Palakpakan at hiyawan.
Ganito yun lahat. Yung mga giligpit ko para masira ang pangalan ni Balajadia, yung mga anak sa labas ni Lolo, ganito yun sila lahat . . .
Kagulo ng isip ko, kailangan ko mag-isip. Kailangan ko mag-isip.
Nagsalita si Tito Jojo. May ipakilala daw siya sa mga tao. Dahil nga daw masipag ang tatay nila (tawa ang crowd) maya-maya may bagong kapatid sumusulpot. Itong isa galing States, at mahal na mahal daw nila na kapatid. Paki-welcome daw ang kanyang Kuya Brandon.
Palakpakan at hiyawan—at may biglang tuldok ng tunog ng hangin na ginasipsip, at nahaluan ang hiyawan ng sigawan. Gulo. Pati ang mga katulong sa kusina nagkagulo.
Kasalanan ko. Plano ko ito. Sa kusina, nagsimula na salita ang mga katulong gaya ng giplano ko: sigurado, pakana ito ni Mayor Balajadia.
Naganginig ang kamay kong gikuha ang Megaminx. Kaingay ng isip ko.
Up, side, down, left, right, left, right, right, left, center, up, down . . . pero ayaw maalis ng ngiti ni Tito Brandon sa isip ko.
Nabasa na ng luha ang tiles ng Megaminx, sa dulas nabitawan ko.
One thought on “Touch Move”
Comments are closed.