Three Filipino Poems

By M.J. Cagumbay Tumamac

 

Pananaginip kay Tud Bulul

(Ang tulang ito ay nanalo ng ikalawang gantimpala sa 2015 Talaang Ginto ng Komisyon sa Wikang Filipino.)

Sa bingit ng pagkilala sa sarili’t pagkakaila,
nakaluhod ka sa mga butil ng asin ng pagtanda;
sa asing ipinanlalaban sa lansa ng mga isdang
binabalikat mo bago ang umaga ay magsimula.

Hindi mo naisip ang sariling pumapasan ng bigat
ng mga dambuhalang bariles. Tangi mong nagagagap
na kakambal ng dambuhalang kampilan, gong, at kalasag
si Tud Bulul nang ang matandang si Lenkonul ay nanganak.

Iyong unang narinig ang kanyang dakilang pagkasilang
sa matandang mang-aawit ng Lambuling, ang iyong bayan.
Tatlong taon ka noon, kalong ng malong ng iyong nanay
na nagluwal sa panganay na nagtakda ng kanyang ngalan.

Labindalawang taon ka nang dumating sa panaginip
ang diwatang mula pa sa ikapitong suson ng langit.
Inilahad niya ang búhay ni Tud Bulul, sayá’t sákit,
nang sa suson ng mga tao, ikaw naman ang aawit.

Akala mo’y gaya lang iyon ng pagkahilig sa tunog
ng utóm at lingun, o gaya ng iyong unang pagtugtog
ng kulintang—umiiral sa suson ng gisíng at tulóg.
Nagpatuloy ang pananaginip. Ikaw ay napabantog.

Ang bayan mo ng Lembuling ay hindi nagdalawang-isip.
Tatay mo man ay lumayas at di ka nahele sa bisig.
Sa kanila, ang bata ay táong ganap at iniibig.
Ika’y hinayaan nilang managinip nang managinip.

Kagabi, natunghayan mong nais magkaroon ng supling
ng matandang Kemokul. Magdudulot sa kanya ng aliw
ang batàng kikilalaning bayani sa tanang lupain.
Isinalaysay mo ito sa ámong sa iyo’y umangkin.

Pasalamat ka raw na kinupkop ka matapos mamatay
ang nanay mong namasukan sa lungsod bílang kasambahay,
kahit batid niyang mga nitibo kayong walang alam,
na ang gawang di mapagkakakitaa’y alang sa hunghang!

Ano raw silbi ng pananaginip sa batàng bayani?
Bakit batà ang bayani, gayo’y walang talino’t buti?
Bakit katangi-tangi ang batàng ang tanging sinasabi
ay mga kababalaghang di kailanman mangyayari?

Di mo gaya si Tud Bulul—sumagi sa iyong isipan.
Siya ang batàng inaasahang magliligtas sa bayan.
Siya ang batàng magmamana ng kanilang kasaysayan.
Ikaw lang ang batàng aawit ng kanyang dakilang búhay.

Ngunit gaya ni Tud Bulul at ang Lemlunay nang malunod,
nagapi ka ng dambuhalang dagat at napatianod
sa suson ng buháy at patáy, sa bingit ng pagkalimot.
Ika’y nagkamalay. Nanuot ang asin sa mga tuhod.

Iyong naalala—si Tud Bulul ay muli pang nasawi
upang mahanap ang sarili. Ngunit siya’y magwawagi,
muling maglalakbay, at sa hulí’y laging makauuwi.
Sa hulí, pumikit ka upang managinip namang muli.

 

12 Disyembre 2004, Pamilihang Bayan ng Heneral Santos

Sabi nila, namalas mo ang isang kahong inilaglag ng isang mamàng sumuot
sa pagitan ng mga lapag ng mga tinadtad na baboy, baka at manok
at ng mga dikit-dikit na bisig, likod at puwit ng mga mamimilìng malakas
mambarat at magalit kung may masilip ni maliit na dugo o bulok sa loob.
Mabilis na naglakad palayo ang mamà. Sinubukan mong sumunod
gamit ang iyong titig lámang kahit bihasa ka na sa lansâ at sandamakmak
na tinig at tunog na nagpapalula sa mga pinaglalakuan mo ng mga súpot.
Nakatutok ka sa kinaluluklukan ng kahon, maraming hakbang ang agwat
mula sa kinatatayuan mo. Mabilis kang lumápit ngunit nag-iingat,
nag-iisip na sana ang nasa loob ay alahas o salaping limpak-limpak
nang makabili ka na ng mga tadyang, didbib, puwit o pakpak,
nag-iisip na ilang araw ka nang hihigop ng sabaw na may lamáng sahog,
nag-iisip ng sarap na malalasap, nag-iisip ng búkas, nag-iisip, nang sumabog
ang kahon at ang mga dibdib, bisig, lamanloob ay nagkalasog-lasog
at nagkalat sa mga lapag ng mga tinadtad na baboy, baka at manok.

Nasa isang sulok ka, buo,
sugat-sugat, tulala
sa nawasak mong pangarap.

 

Sto. Niño de Bula

Mulát na ang diyos nang samantalahin
ng hermana mayor ang nalabing dilim
upang kunin ito sa munting dambanà.
Lagi namang mulát ang diyos na batà.
Iláng ulit siyang nagdaop ng palad,
tíla humihingi ng pagpapatawad.
Ngayon lámang, senyor, ang kanyang winika
sa batàng ang dala’y dagat ng biyaya.

Tanggal na ang saplot ng diyos na mulát
nang ihanda ito para sa paggayak.
Sandaling tumitig ang tagapaglinis
sa katawang lastag upang mangilatis:
Kasing-itim natin ang tagapagtubos,
at punô ng dumi ang kulot na buhok.
Napapikit siya nang makitang dilát
ang musmos na diyos na batid ang lahat.

Binalutan niya ng telang pamunas
ang isang daliri upang magalugad
ang lahat ng sulok, pagitan, at singit.
Nasaan ang aring dapat nakaipit?
Naramdaman niya ang titig ng diyos.
Ito na ang tandâng dapat nang isuot
ang mapulang kápa at ang gintong damit.
Dakila na ngayon ang diyos na paslit.

*
Ang musmos na diyos ay isinisilang
na hindi kilála ang mga magulang;
hinuhubog lámang sa lilok ng paet
at sa alaala ng tagapag-ukit;
at ginagayakan ng dangal at dingal
at ng kakayahang tumupad ng dasal.
Upang may kumupkop, siya’y itatampok
sa estanteng punô ng musmos na diyos.

Kung mapalad siyang mapilì’t mabili’y
iluluklok siya sa altar katabi
ng kinikilálang ang kanyang ina.
Nasaan ang ama? Bihirang may ama.
Maririnig niya ang maraming dasal
ngunit kailanma’y di mapakikinggan
ang kanyang dalanging hindi mababatid
kahit ng kanyang diyos na mga kapatid.

Advertisements